BUL-OL: Bulawan Online

Hunyo 2009

Isyu Blg. 6

Tungkol sa May-Akda:

Kilala sa kaniyang sagisag-panulat na Rio Alma, si Virgilio S. Almario ay pangunahing makata, kritiko, tagasalin, editor, guro at tagapamahalang pangkultura ng Filipinas. Ilan sa ambag niya sa panitikang Filipino ang mga librong Taludtod at Talinghaga, Pag-unawa sa Ating Pagtula, at Sansiglo ng Makabagong Tula sa Filipinas. Naging editor rin siya ng Bagong Kultura, Sagisag, Diyaryo Filipino, Magazing Filipino, at UP Diksiyonaryong Filipino. Naging pangulo siya ng KADIPAN, UP Writers' Club, Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), Filipinas Institute of Translation (FIT), at naging punong tagapagpaganap ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (National Commission for Culture and the Arts/NCCA). Nagsilbi ring direktor siya ng UP Institute of Creative Writing, UP Sentro ng Wikang Filipino, at Pambansang Sanggunian nga mga kagawaran ng Filipino (SANGFIL). Siya ang kinikilalang tagapagtatag at ama ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Itinampok siya sa Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura noong 2004.

Mga Kaibigan

Buklatan

Saan Ba Nagmula ang Panitikan?

(Talumpati para sa Taboan: First Philippine Writers Festival, 11-13 Pebrero 2009, Cubao Expo, Lungsod Quezon)

ni Virgilio S. Almario

(TSIKA: Lalong tumanda ako sa pakiramdam ko dahil sa festival. Idiniin pa kasi sa imbitasyon na isang kumperensiya ito ng mga manunulat na hindi lalagpas sa 40 anyos ang edad. Ang papel lamang naming mga senior citizens ay magpanelist. Mabuti’t dahil ako daw ang pinakabata sa mga nabubuhay na National Artist ay pinagbigyan ako ni Dr. Ricardo de Ungria ng pagkakataon na makapagtalumpati.

Ang malaking problema ko, covered ng mga panel discussions ninyo ang halos lahat yata ng paksang pampanitikan ngayon. Wala na akong maisip na ibang topic na puwede kong pasukan. Ayoko namang magsermon at lalo akong lilitaw na matandang ulyanin. Ang sermon ang pangwakas na sandata ng matandang walang pinagkatandaan. Ngunit teka, ang hindi lamang yata ninyo napasadahan sa kumperensiya ay hinggil sa wika. At hindi ko ibig sabihin ang problema kung anong wika ang dapat ninyong gamitin. Bulok na iyon. Ang higit kong ibig problemahin ay ang wika mismo bilang wika ng panitikan. Nagkataong tinatapos ko ngayon ang second edition ng UP Diksiyonaryong Filipino. Kaya nais ko kayong aliwin sa aking saliksik sa ilang salita kaugnay ng ating gawain.)

ALAM BA NINYO na sa Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban ay walang lahok na “panitikán”? Ngunit bakit? Ang isang simpleng dahilan, sapagkat ang “panitikan” ay isa lamang salitâng likha at deribatibo. Mula ito sa ugat na “títik,” na katumbas noong araw ng pagsulat at pinamulan noon pa ng “panitik” (pang+titik) o anumang kasangkapan sa pagsulat. Hanggang sa panahon ni Balagtas, ang “titik” ay nangangahulugan lamang ng pagsulat, gaya ng paggamit niya sa hibik kay Celia:

Kung pagsaulan kong basahin sa isip
Ang nangakaraang araw ng pag-ibig,
May mahahagilap kayang natititik
Liban na kay Celiang namugad sa dibdib?

Ngunit bago sumapit ang ika-20 siglo ay nagsimula na ring gamitin ang “titik” katumbas ng “letra” sa alpabeto. Lumaganap ang gamit na ito, lalo na nang totoong itumbas ni Lope K. Santos sa mga simbolo ng abakada sa opisyal na Balarila. Kayâ bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay malaganap na rin ang paggamit ng “panitikan” bilang pampalit sa dáting ginagamit na “literatura” mulang Espanyol. Isang malakas na samahan ng mga makata noon sa pangunguna ni Jose Corazon de Jesus ang may pangalang Kapisanang Ilaw at Panitik. Noong 1935, pinangunahan naman ni Alejandro G. Abadilla ang pagtatatag ng isang samahan ng mga kabataang manunulat at nagkapangalang Kapisanang Panitikan.

Ngunit may higit na makabuluhang dahilan kung bakit walang bukod na entri sa diksiyonaryo ni Panganiban ang “panitikan.” Totoo kasing isang bagong konsepto ang “panitikan” sa ating kasaysayan. Ang nakasulat na likhang-isip, gaya ng orihinal at literal na ibig sabihin ng “literatura” mulang Latin at Espanyol o “literature” mulang Ingles ay waring nabuo lamang sa karanasan ng mga Filipino nitóng panahon ng kolonyalismong Espanyol. Lumilikha ng sari-saring alamat, kuwento, at tula ang ating mga ninuno ngunit hindi isinusulat. Sumusulat ang ating mga ninuno at may sariling mga titik ng baybayin ngunit hindi ginagamit sa pagsulat ng awit, kuwento, o tula. Pabigkas o oral ang literaturang dinatnan ng mga Espanyol. Kayâ sa katotohanan ay walang “panitikan” o nakasulat na malikhaing paraan ng pahayag hanggang ipasok ng mga Espanyol ang tinta, pluma, at papel.

Mula dito natin mahahaka na mga anyo ng panitikang may ugat na pabigkas ang katutubo nating panitikan. Sagana táyo sa mga halimbawa ng panitikang pabigkas. Hanggang ngayon ay hindi pa nalilikom lahat ng mga folklorista at antropologo ang napakarami nating panitikang-bayan. Dito rin lilitaw na sa mga lehitimong anyo ng Panitikan ngayon, ang tula ang pinakamatanda, may pinakanalinang nang katutubong katangian, at may pinakamataas na paggalang sa ating sinaunang lipunan. At hindi ito binibigkas lamang. Malimit na may kalakip itong himig at kasaliw na tugtugin. Sa isang matandang diksiyonaryo, ang Vocabulario de la lengua tagala (1754 at 1860) nina Fray Juan de Noceda at Fray Pedro de Sanlucar, may mahabàng paliwanag para sa lahok na auít (awit). Bukod kasi sa pagsasabi ng kahulugan sa Espanyol (canto, cancion), kinailangan nitong ilista ang pangalan ng ilang sinaunang awit sa pangunguna ng diyóna at talingdáw. Binanggit nina Noceda at Sanlucar ang indolánin bilang awit sa bahay, dolayánin bilang awit sa lansangan, hila, soliranin, at manigpasin bilang awit ng namamangka, holohorlo at oyayi bilang awit sa pagpapatulog ng sanggol, umbayi bilang awit na malungkot, umiging bilang awit na suwabe, tagumpay bilang awit ng pagdiriwang, at idinugtong ang dopayánin, haliráw, at balikongkong (p. 19).

Sa kabilâng dako, wala kina Noceda at Sanlucar ang tawag natin ngayon sa ibang lehitimong anyo ng Panitikan. Tolâ (tula) lamang at salaysáy ang may entri kahit sa edisyong 1860 at maituturing natin ngayong kumakatawan sa kilala nating pangkalahatang anyo ng poesiya at prosa. Walang terminolohiya para sa drama. Na patunay lamang na walang totoong teatro sa Filipinas bago dumating ang mga Espanyol. Isinilang ang teatro sa Cebu noong 1598, batay sa ulat ni Fray Pedro Chirino, sa anyo ng isang comedia na sinulat ni Francisco Vicente Puche, isang eskolastikong Heswita. Mula sa Cebu, inaliw ng comedia ang maraming pagtitipon, hanggang maging tatak ito ng maringal na pista’t pagdiriwang sa mga pook na Kristiyano sa Filipinas bago matapos ang ika-18 siglo. Ang komedya ang unang pambansang teatro ng mga Filipino.Mga anak nito ang tibag, senakulo, panunuluyan, at iba pang pagtatanghal kaugnay ng mga pistang Kristiyano. Ngunit dapat ding tandaan na patula ang mga diyalogo sa naturang pagtatanghal at may awit at tugtog sa mga tampok na tagpo. Patula ang pagtatanghal kayâ marahil hindi naisip bigyan ng katapat ang teatro o drama sa ating wika. Sa ika-20 siglo lamang natin makakaengkuwentro ang terminong dulà o dulâ, na isang likhang salita, gaya ng pangyayaring nása diksiyonaryo ito ni Panganiban (p. 387). Ang sanaysáy naman ay tiyak na isang inimbentong salitâ. Nilikha ito ni Alejandro G. Abadilla noong 1938 mula sa pinaikling sinulat ng isang “sanáy sa pagsasalaysay” katumbas ng essay o ensayo.

Ngunit tingnan ninyo. May tula sina Noceda at Sanlucar, ngunit wala silang lahok na “makatà.” Sa ilalim ng auit, may itinalang mapagauit (cantador) ngunit walang “mapagtola” o “manonola” sa ilalim ng tola. Ang ibig bang sabihin ay isang modernong pangalan ang “makata”? Hindi. Naitalâ rin nina Noceda at Sanlucar ang catà (katà) bilang acto de fingir at sa loob nitó ang cacataan (kakatàan) bilang fingimiento (p. 86).
Ang fingir sa Espanyol ay paraan o kilos ng panlilinlang at pagkukunwari; ang pagkukunwang alam ang hindi alam o ang pagdudulot ng pangarap na pangyayari, ng hindi totoo. Sa Espanyol, ang fingimiento ay sumasaklaw sa ficcion at fibula, sa likhang isip lamang.

Sa katà nagmula ang makatàma+katà, ang ibig sabihin, “marami o mahusay sa katà.” Dito natin mauugat ang popular na haka sa makata bilang sinungaling (“manlulubid ng buhangin,” “manunungkit ng bituin”) kung hindi man mapangarapin (“lumilipad ang isip.” “laging nakatuntong sa ulap,” “lumilikha ng wala”). Sa isang bandá, isang sumpa ito sa mga mambebersong bolero at matamis ang dila at ginagamit lamang ang tula upang mang-aliw ng madla o mang-akit at manlinlang ng dalaga. Hindi naman nawawalan ng ganitong uri ng makatà sa ating lipunan hanggang ngayon. Sa kabilang bandá, isang pagkilála ito sa pambihirang kapangyarihan ng makatà, sa kaniyang pambihirang talino na gamitin ang salitâ upang magdulot ng karunungan at naiibang pagtanaw sa bagay-bagay. Kayâ iginagalang na tao ang makatà sa ating sinaunang lipunan.

Kaugnay ng hulíng nabanggit na katangian at pagtingin sa makatà, nais kong ungkatin ang pinagmulan ng salitâng “síning.” Katutubo ba o likha ang salitâng ito? Kung katutubo, ano kayâ ang konsepto ng arte o art ng ating mga ninuno?

Hindi tulad ng dulà na lumitaw lamang nitóng ika-20 siglo at may malabong pinagmulan, isang totoong sinaunang salitâ sa Tagalog ang síning. Nailista ito nina Noceda at Sanlucar (p. 296) at may kahulugang pensar o mag-isip. Pensar. Mag-isip. Maliwanag na hindi katumbas ng arte o art ang orihinal na gamit ng mga Tagalog sa síning. Subalit, bakit kayâ ito ang napisil na itumbas sa arte o art? Ano ang naganap na pangyayari upang mapagkasunduang itapat ang síning sa arte ng mga Espanyol? Anuman ang nangyari, napakagandang pagkakataon para sa atin na ipinanganak ang ating pantawag sa ating gawain at mithing tungkulin mula sa matris ng utak. Sa pamamagitan lamang ng naturang pinagmulan ay maipapanukala natin ngayon ang natatangi at naiibang persepsiyon sa síning ng ating sinundang henerasyon. Ang sining ng pagsulat ay hindi isang paglalaro lamang sa salitâ. Lalo namang hindi ito paglikha ng kasinungalingan at pang-aliw sa madla. Ipinahihiwatig ng pinagmulang kahulugan ng síning na isa itong seryoso at pilosopikong gawain, at bunga ng matinding paglilimi sa karanasan at sa daigdig ang ating sinusulat na panitikan.

Mga makata, mangangatha, mandudula! Ipagpatuloy ninyo ang marangal na misyon sa sining ng pagsulat!

Ferndale Homes
7 Pebrero 2009