BUL-OL: Bulawan Online

Hunyo 2009

Isyu Blg. 6

Mga Kaibigan

Buklatan

Rio Almanac: Pebrero-Marso 2009

Narito ang ilan sa mga pinagpipitaganang manunulat at makata ng Filipinas na isinilang sa mga buwan ng Pebrero at Marso.

* * * * *

Alejandro G. Abadilla (Marso 10, 1906 — Agosto 26, 1969)

Tubong-Sapa, Rosario, Cavite ang itinuturing na “Ama ng Makabagong Panulaang Tagalog.” Nagtapos siya ng batsilyer sa pilosopiya sa UST. Tatlo ang kaniyang aklat ng tula: Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula (1956), Tanagabadilla (1964 at binago ng 1965), at Piniling mga Tula ni AGA (1965). Sa nobela’y ambag niya ang kontrobersiyal na Pagkamulat ni Magdalena (1958) at sinulat nila ni Elpidio P. Kapulong.

Manuel H. Bernabe (Pebrero 17, 1890 — Nobyembre 29, 1960)

Nagtapos siya ng abogasya sa UST. Napabilang siya sa patnugutan ng La Democracia noong 1912 at ng La Vanguardia noong 1918. Naglingkod din siya bilang kinatawan ng distrito ng Rizal sa Kongreso, at paglaon, naging curator siya ng Pambansang Aklatan. Nalathala ang kaniyang Cantos del tropico noong 1929. Sa pagkakalathala ng kaniyang Perfil de Cresta, kinilala siyang mahusay na makata sa Espanyol. Opisyal siyang kinilala bilang “Hari ng Balagtasan” sa wikang Espanyol.

Amando Osorio (Pebrero 8, 1890 — 1946)

Taga-Dalaguete, Cebu, nag-aral sya sa Colegio de San Carlos sa Lungsod Cebu at Colegio Mercantil sa Maynila. Nagsulat siya sa Espanyol at Sebwano para sa mga diyaryong Ang Suga at La Revolucion (na kaniyang pinamatnugutan). Sumulat siya ng labindalawang dula at nakapaglathala ng isang aklat ng tula, ang Unsaon Pagsulat nga Balak (1932).

Benigno Ramos (Pebrero 11, 1892 - 1946)

Isinilang sa Bulacan, Bulacan at nag-aral sa Bulacan Elementary School. Binansagang “El Poeta Revolucionario” dahil sa mga tulang mapanghimagsik at laban sa Amerikanisasyon, at dahil sa kaniyang paglilider ng kilusang Sakdal na nag-alsa noong panahong Komonwelt.

Claro M. Recto (Pebrero 8, 1890 - Oktubre 2, 1960)

Isinilang sa Tiaong, Tayabas, Quezon, nagtapos siya ng abogasya sa UST. Naging peryodista ng El Ideal at ng arawang La Vanguardia. Isa siyang makata na sa gulang na dalawampu’t isa ay nakapaglathala ng una at kaisa-isa niyang aklat ng tula, ang Bajo los cocoteros (1911). Nagsulat din siya ng mga dula sa wikang Espanyol — La Ruta de Damasco (1913) at Solo entre las sombras (1919). Kilala si Recto bilang nasyonalistang politiko.

Iñigo Ed. Regalado (Marso 16, 1888 — Hulyo 24, 1976)

Isinilang sa Sampaloc, Maynila at supling ng kilalang manunulat na si Iñigo Regalado y Corcuera. Nagtapos ng batsilyer sa Liceo de Manila at abogasya sa La Jurisprudencia. Dalawa ang kaniyang aklat ng tula, Bulalakaw ng Paggiliw (1910) at Damdamin (1968 at 2000). Iginagalang din siyang nobelista, lalo na sa mga akdang Madaling Araw (1909) at Sampagitang Walang Bango (1918).

Rolando S. Tinio (Marso 5, 1937 — Hulyo 7, 1997)

Isinilang sa Gagalangin, Tondo, nagtapos siya ng Ph.B. (1955) sa UST at ng MFA in English (1958) sa State University of Iowa. Nalathalang mga kalipunan niya ng tula ang Sitsit sa Kuliglig (1972), Dunung-dunungan (1975), Kristal na Uniberso, at A Trick of Mirrors; at ng mga dula ang May Katwiran Ang Katwiran (2002). Nahirang siyang Pambansang Alagad ng Sining (Teatro) noong 1997.

__________
Sanggunian:

* Virgilio S. Almario, editor, Sansiglong Mahigit ng Makabagong Tula sa Filipinas (Pasig City: Anvil Publishing, 2006)