BUL-OL: Bulawan Online

Hunyo 2009

Isyu Blg. 6

Tungkol sa May-Akda:

Si Roberto T. Añonuevo ay isinilang sa Maynila ngunit lumaki sa Pasig at kung saan-saang panig ng bansa ipinadpad ng mga lagalag na paa. Iginawad sa kanya ang Hall of Fame Award ng Don Carlos Palanca Memorial Awards para sa kanyang kalipunan ng mga tula. Sumungkit ng mga gantimpala ang kanyang mga tula sa Talaang Ginto: Gawad Collantes (1990, 1993, 1999) Panorama Poetry Contest (1993) at Diyaryo Filipino (1990). Kabilang siyang kumatawan sa Filipinas noong Second ASEAN Poetry Conference Workshop (1995). Inilathala ng DLSU ang kanyang unang aklat ng tula, ang Paghipo sa Matang-tubig (1994) at ng ADMU ang Pagsiping sa Lupain. Kasapi siya ng LIRA; at kasaping tagapagtatag ng ORAGON. Ang kanyang blog ay nasa http://dakilapinoy.wordpress.com/.

Mga Kaibigan

Buklatan

Pag-Ibig

ni Roberto T. Añonuevo

1.
Tagak sa gitna ng putikan ang maglalaro sa iyong guniguni. Lilipad ang ibon at darapo sa iyong balikat. Mapuputikan ang iyong balikat, at ang iyong balikat ay waring likod ng matandang kalabaw na nalulungkot dahil nawawala ang kaibigang kalakian.

Maghahanap ng paraan ang iyong utak upang itumbas ang tagak na umaalo sa kalabaw na sumusuwag naman sa mga pesteng lamok at langaw. At tatawagin mo itong pangungulila.

2.
Mapapailing ka. Kukusutin mo ang paningin, at animo’y nalipat ka sa mahaharot na silid at malalanding himig. Darating ang serbidor at maghahatid ng mamahaling alak. Lulunurin mo ang sarili sa pambihirang espiritu, ngunit habang tumatagal, ang nalalasing ay ang mga tao sa silid at hindi ikaw. Mawawala sa tono ang musika, at mapapahalakhak ka.

At lalabas ka ng silid na hinahanap ang pag-ibig na nagkatawang tao na handang magsabi ng totoo at totoo lamang, baligtarin man ang mundo.

3.
Minsan, sumakay ka ng eroplano. Nang buksan mo ang bintana upang tanawin ang mga ulap, nakita mo ang samot-saring mukha. Ito si A, ito si B, ito si C, at magwawakas ang alpabeto ng mga pangalan nang hindi mo matatagpuan ang tao na inaasam.

Malupit ang gunita, at kahit ang mga payak na bagay ay nagkakahubog ng makukulay na hulagway upang halinhan ang naglaho at hindi na, hindi na muling magbabalik.