BUL-OL: Bulawan Online

Hunyo 2009

Isyu Blg. 6

Tungkol sa May-Akda:

Si Joey Baquiran ay makata at guro ng Malikhaing Pagsulat sa Departamento ng Filipino sa U.P. Diliman. Nagsilbi siya bilang editor ng maraming libro, kabilang ang Pablo Neruda: Mga Piling Tula. Ang kaniyang libro ng tulang Onyx ay nagwagi ng National Book Award noong 2003.

Mga Kaibigan

Buklatan

Lipat Ospital

ni Romulo P. Baquiran, Jr.

(Kabilang ang sanaysay na ito sa isang binubuong aklat ng may-akda.)

Sa pangit na trato ng ospital, nagdesisyon akong lumipat sa PGH. Pero dahil hatinggabi na, mahirap nang mangggulo ng mga kaibigan. Nagpasiya akong matulog na lang muna sa ospital na iyon at kinabukasan ng alas-siyete na lang mangalampag ng dapat kalampagin. Sabi ko sa doktor, sa charity ward na lang ako patulugin dahil anim na oras na lang naman at lilipat na ako ng bagong ospital. Wala na akong pera talaga. Ayaw kong magastahan pa. Dumating din ang kaibigan kong gabing-gabi ang labas sa trabaho. Dinala ang cellphone sa akin. At nagbigay ng pera. Pero wala na akong ganang magtext. Kaliwete akong magtext. Malaki ang sugat ko sa kaliwang kamay. Gusto ko na lang matulog.

Dinala ako sa parang basement. Tabi-tabi ang mga pasyente. Halo-halo. May dalawa o tatlong natutulog sa isang kama. Walang nagbabantay sa akin at pinauwi ko na lang ang kaibigan ko dahil may pasok pa siya. Sa sobrang pagod ko, nakatulog ako agad. Nakaset sa alas singko ang alarm ko sa cell phone.

Paggising ko sa umaga, ang una kong naramdaman ay pagnanais na umihi. Pero putsa, wala akong bedpan. Oo nga pala, charity ang pinili ko. Wala akong mautusang mag-abot ng puwedeng make-do orinola. Naisip ko ang lata ng coke. May dumaang attendant na babae. Mahihiya pa sana ako pero sobrang sasabog na ang pantog ko hiningan ko siya ng bote o lata. Walang ekspresyon sa mukha ang attendant. Parang sanay na sa mga kakulitan ng pasyente. May nakita siyang ginupit na plastik ng dextrose sa sulok at iyon ang iniabot sa akin. Hay sarap umihi. Mahirap palang umihi nang patagilid habang nakahiga. At nakakaasiwa na itabi sa sulok ang dilaw na dilaw at mapanghing likido. Diyos me, ilang araw kayang ganito ang mangyayari. Ayaw na ayaw ko pa namang mangmolestiya ng ibang tao at ngayon tiyak na kailangang humanap ako ng mag-aalaga sa akin. Ano ba itong nangyari sa akin? Mabuti naman akong tao. May ginawan ba ako ng masama? Pumasok na ang kapraningan sa umaga.

Tinext ko ang best friend kong si Ate Guy. Sabi ko, puntahan ako  ng alas-siyete sa ospital at naaksidente ako. Sabi ko dalhan ako ng breakfast. Pero ang tumatakbo sa utak ko “Paano kung gusto kong maebak? Paano akong pupunta sa CR? Paano maliligo?”

Kalaban ang baldadong katawan. Pero sasagot ang katawan “Ikaw ang may kagagawan ng nangyari sa akin, alagaan mo ako para bumalik sa dati.” Oo nga naman. Kailangang harapin itong healing process.

Unang concern ng dumating si Ate Guy ay saan kukuha ng pera. Ano pa nga ba kundi kailangang mag-loan. Mga P100,000. Kayang-kayang lakarin ang papel. Mga tanghali makukuha na sa U.P. Cooperative. Sige na. Walang magagawa kundi iyan. Habulin na lang ang Philhealth. Umalis si Ate Guy para asikasuhin ang papeles. Nagtext na ako sa ilang malalapit na kaibigan. May nag-offer ng sasakyan. Ala-una ng hapon may sundo na ako patungo ng PGH. Pero grabe naman ang pila ng bayaran sa ospital na iyon. Inabot ng alas-kuwatro ang kaibigan ko bago ako nailabas.

At inilipat ako ng ward (charity pa rin) ng isang attendant bandang alas-otso ng umaga kasi mga pneumonia patient pala ang kasama ko sa magdamag at baka daw mahawa ako. Baka nga sabi ko. Baka nahawa na. Diyos me katitipid ko mapapahamak ako. Kuripot kasi.

Sa matino ba ako inilipat? Bakit puro may tattoo ang mga katabi kong pasyente? Hmm. Napasok ako sa ward ng mga kasangkot sa gang. Susme, mga literary gang lang ang alam ko. Sabi agad ni Manong sa katabing kama na itago ang maganda kong cellphone at baka agawin. Sa loob ng ospital? Okey, inilagay ko sa bulsa ang phone.

May darating na mga asawa ang mga kabataang gang. Mga aburidong babae na may tatawagan sa cell phone at mag-uusap tungkol sa pera. Tapos, aawayin siya ng asawang lalaki at pagsasabihan na mahinang dumiskarte kaya hindi makakuha ng pera. Anong diskarte kaya? Ibigay ang puri? Mga ganito ang drama ng mga katabi kong pasyente. Kunyari hindi ako nakikinig sa kanila. Kakaibang buhay ang hindi ko sinasadyang malaman.

Darating ang attendant at sinaksakan ako ng anti-tetanus vaccine. Tinurukan din ako ng allergy indicator. Dalawang masakit na iniksiyon. Nagtalo ang dalawang attendant kung allergic ba ako sa gamot na gagamitin o hindi. Umalsa kasi ang tinurukang balat. Hindi naman yata  sabi ng isa kaya ginamitan ako ng Zegen vial. Allergic pala ako doon at sa loob ng trenta minutos namaga nang bahagya ang mga mata ko. Lalo pa akong sumingkit. Ang sagwa ng pakiramdam ko. Gutom na hindi naman makakain. Masaya na hindi masyadong grabe ang nangyari sa akin pero laging nagtatanong bakit nangyari iyon? May nagawa ba akong masama? Gusto kong ngumalngal pero hindi ko kaya. Mga kapraningan ang pumapasok sa utak ko. Pinilit kong matulog. May gumising sa akin. Ang isa ko pang kaibigan na may dalang bakpak ng mga damit at personal na gamit. Nagpaalam din agad. Tulog ulit. Pero ang init! Wala man lang bentilador dito. Hay, charity ward nga pala ito.

Sa wakas, dumating ang alas-kuwatro at lumitaw kasabay si Ate Guy. Ang haba daw kasi ng pila sa bangko at sa billing section. Humiling ng assistance sa paglabas at sabi ng attendant “Sandali lang po” pero alas singko na ay hindi pa bumabalik. Humatak si Ate Guy ng wheel chair, pinasakay ako, at tumulak palabas. Doon lamang lumitaw ang attendant para papirmahin ako sa mga releasing paper. Sabi sa papel, “I have transferred on my own accord and the hospital is not responsible for any untoward consequences.”

May ganoon pa?

Para lang makaalis, pirmang doktor ang lumabas sa hawak kong bolpen.