Katahimikan, Pagnanasa at Etika ng Babae sa “Ang Mundong Ito ay Lupa”
ni Romulo P. Baquiran, Jr.

Ang Mundong Ito ay Lupa
Edgardo M. Reyes
C & E Publishing
Quezon City 2005
383 pahina
Mahalaga sa nobela ang pagmumuni ng mga protagonista, lalo na ng bida. Sa isang mahabang anyo ng limbag na panitikan, inaasahang bibigyan ng nobelista ng pagkakataon ang bida na makapagpahayag ng saloobin kaugnay ng mga nangyari sa kaniya sa daloy ng kuwento. Matutulungan nito ang mambabasa na mailugar ang kahulugan ng akda sa isang mas tiyak na posisyon. Pero siyempre, may kalayaan ang nobelista na hindi ito gawin. May mga dahilan para hindi niya buksan ang kalooban ng tauhan pero sa pagpapasiyang ito, may mga pakahulugan o pagbasa sa akda na hindi matutugunan at mananatiling puwang.
Sa isa sa pinakahuling nobela ni Edgardo M. Reyes—Ang Mundong Ito ay Lupa—may mga puwang sa salaysay na puwedeng sinadyang ginawang gayon upang hayaan ang mambabasa na siyang maglagay ng interpretasyon. Magsisilang ito ng mga katanungan at pagpapakahulugan na puwedeng nasa mismong nobela ang kasagutan. Ngunit posible ring nasa mambabasa na ang desisyon (sa pagsulat ng akda, tapos na ang trabaho ng nobelista) kung alin ang mas angkop na pagbuo ng kahulugan. Puwede rin namang wala. Depende ang lahat sa tekstuwal na ebidensiya. Kung ano ang makikitang nakasulat sa nobela. Nailalagay sa alanganing posisyon ang mambabasa. Narito ang kasiyahan at puwede rin namang kainisan sa obrang ito ni Reyes.
Hindi nawawala ang husay ni Reyes sa paglalatag ng interesanteng daloy ng naratibo. Malinaw na naipapakita (o naikukubli) sang-ayon sa motibasyon ng mga tauhan ang mga impormasyong may malalim na kaugnayan sa kanila at nailalantad lamang sa mga dramatikong punto ng rebelasyon. Naiiba rin ang nobela niyang ito sa pagbibida ng isang babae. Mangyari’y marami sa mga naunang nobela ni Reyes na lalaki ang bida at inilahad sa punto-de-bista ng lalaki.
Simple lamang ang kuwento nitong Mundo ngunit tulad ng maasahan sa isang Reyes, komplikado ang pagpapakahulugang nililikha ng akda. Tungkol ito sa isang probinsiyanang napadpad sa Maynila—si Zenaida Nazareno o Ned—dahil sa layuning magdoktora ngunit dahil sa pagnanais na maging manunulat ay nasuong sa moderno at makasalanang buhay-lungsod. Konserbatibo at matalino si Ned. Maganda rin kaya lapitin ng mga lalaki. Nakilala ang mga nagmahal sa kaniya at dumaan siya sa mahigpit na pagpapasiya kung tutugunin ang mga alok ng pagmamahal na may katumbas na yaman at kapangyarihan. Dalawa ang kaniyang pinakamasugid na manliligaw—si Bobet, ang binatang mapusok na sumasamba sa kaniya at ang karismatikong si Reggie Yumang na una niyang hinangaan bilang mandudula. Naging mahigipit din ang “pagmamahal” sa kaniya ni Dick Almeda.
Pangarap ni Ned na maging manunulat kaya nang magkaroon ng pagkakataon na makapagsanay sa pagiging mamamahayag, sinubukan niyang sumulat ng artikulo tungkol sa kinatitirhang dormitoryo sa Sampaloc. Nagustuhan ito ng editor na si Dick Almeda at ginawa siyang protégé. Nakaramdam ng kasiyahan si Ned sa pagkalimbag ng unang akda. Pero kaakibat ng pagkabása ng ibang tao ang paglitaw ng negatibong reaksiyon. Hindi naibigan ng manedyer ng dormitoryo ang pagbubunyag na ginawa ni Ned. Iyon ang simula ng unti-unting pagkamulat niya sa higit pang kamunduhan ng mundo. Para bang saan man siya dumako, nasusumpungan niya ang paghahayag ng kamunduhan kahit sa mga hindi na inaasahang tao at lugar. Tulad na lamang ng matandang kasero niyang si Mang Apen na nahuli niyang nakatitig sa hita ng maganda niyang kaibigang si Fe. Isa pang nagkukupkop ng kamunduhan ang retarded na si Henry na natuksong makipagseks sa nakatatandang babaeng si Estela.
Nang magpasiya si Ned na hindi na mapatuloy sa pag-aaral at tuluyang nang maging staff ng magasing pinamamatnugutan ni Dick, lalong nagpalaot si Ned sa pagkabatid sa daigdig ng kubling propesyon. Pinasulat siya ng mga paksang nagpapakikilala sa kaniya sa mababang buhay ng mga putang sutsot, kolboy, bakla, batang prostityut, at sexy dancer. Sa isa niyang interbiyu, natipuhan siya ng isang mayamang negosyante at inalok ng malaking halaga upang maikama. May pagmamalaking tinanggihan ni Ned ang tukso.
Sa buong daloy ng pangyayari, nagtagumpay si Ned na iwaksi ang mga pang-aakit sa kaniya, maging ang halos panggagahasa sa kaniya ng sariling nobyo. Ngunit may hindi maipaliwanag na atraksiyon siyang nadarama kay Reggie Yumang. Maaaring kinakatawan ng lalaki ang pangarap na maging mandudula. At sa bandang huli, naisuko niya dito ang pagkababae sa gitna ng walang humpay na paghahandog ng yaman, tahanan, at pag-ibig mula sa lalaki. Ilang oras bago ganapin ang inihandang seremonya ng kasal, nagpasiya si Ned na hindi siya kailanman mapapakisamahan ang manliligaw.
Ipinapakita sa nobela ang lakas ng loob ng modernong babae na kinakatawan ni Ned na pagpasiyahan ang sariling buhay. Noong walang takot na itigil niya ang pag-aaral at walang pangingiming magsulat na lamang habang namumuhay nang mag-isa sa lungsod, pinatunayan niyang handa siyang harapin at alamin ang misteryo ng makamundong daigdig. Gayong tila liberal, buo ang halagahang natutuhan niya sa pamilya. Mariin niyang pasiya, sa kabila ng mga tukso, na panatilihin ang kabanalan ng katawan.
May madali sa iba na mahirap para sa kanya. Hindi niya kaya halimbawa na maging si Fe, si Sharon Cubeta, o si Tetta Marquez. Mas madali sa kanya ang magtiis kung anuman ang mayroon sa munting sulok ng kanyang mundo. (p. 380)
Lumilitaw ang pagkatao ng protagonista sa mga bagay na kaniyang ginawa, at gayundin sa mga bagay na ipinahayag niyang hindi gagawin. Ang tatlong babaeng binanggit sa sipi ay mga madaling bumigay sa tawag ng paglahok sa iba’t ibang uri ng prostitusyon. Si Ned kailanman ay hindi paniwala sa sabing “Matuto lang, madali ang pera sa isang magandang babae.” (p. 346).
Kaya nga ba, hindi mapapaniwalaan ang teorya ni Reggie na nakaimpluwensiya sa kaniya ang sunod-sunod na pagkalantad niya sa pangangatwiran ng praktikal na ethos ng mga na-interbiyu niyang sinasabing nasa lusak, gaya ni Raf na isang kolboy:
…Pag ‘yong minumura ka na e tameme ka pa dahil sa atraso mo na di mo mabayaran, nasaan ang pride, dignity at self-respect….Ibig kong sabihin, anuman ang gawin mo basta makuwarta ka, respetado ka. Pero ‘yung pobre, magpakabanal ka na, basura ka. (p. 127)
Well, hindi ka naro’n to enjoy it. Trabaho lang. Actually, mas may edad, preferable. Ang mas hanap, companionship rather than sex. While ‘yong bata-bata pa, hot pa. Matutuyuan ka ng dagta. (p. 129)
Tunay na may matibay na etika si Ned. Hindi niya kailanman sinunggaban ang handog na pagiging editor ng magasin na dating hawak ng mentor na si Dick, kahit sabihing iibahin na ang pangalan at estilo ng publikasyon. Malamang na ang nagtulak sa kaniyang tanggihan ang alok na kasal ni Reggie ay ang awang nadama sa pagpapakamatay ng dating bos na hindi niya akalaing mahigpit ang naging ugnay sa lalaking nais siyang kasamahin.
Sa dulo ng mga pangyayari, ang pahayag ng hindi kilalang tagapagsalaysay ay maaaring ang pinakabuod ng kabatiran ni Ned sa mundo ng mga taong kaniyang nakasalamuha:
Ngunit may kanya-kanyang maskara ng daya at linlang. Ang lalalim ng laro. Laging nasa anino ng salimuot ng mga palaisipang gawa ng mga pagkukunwari. Mahirap makita ang tunay at totoo. (p. 381)
Maliban sa idealisadong si Bobet, ang mga lalaki sa nobela ang tila higit na bihasa sa pagkukunwari. Ang mga may kapangyarihan ay nagpapanggap na kagalang-galang samantalang punong-puno naman ng pagnanasang magpasasa sa mahihina at sa mga walang lakas iwaksi ang tukso ng iniaalok na salapi at kaunting kapangyarihan. Bagama’t mahihiling na sana’y binigyan ng nobelista ng mas detalyadong katangian ng kasamaan ang mga tauhang nasa likod ng pagmamanipula ng mga buhay ng mga walang kapangyarihan. Tulad na lamang ni Mr. Vergara na napakayaman at makapangyarihan, sang-ayon sa paglalahad ng bugaw na si Butch Serrano, ngunit hindi lubos na makilala maliban sa matinding pagnanasa kay Ned.
Trahiko ang pagbubunyag ng pagkatao ni Dick Almeda sa bibig ng hindi masyadong maasahang punto-de-bista ni Reggie Yumang. Hindi maaasahan sapagkat mayroong interes ang huli na nalalahiran ng pagbibigay katwiran sa papel na ginampanan niya sa buhay ng kasamang artista sa dulaan at sa nagsulong sa karera niya sa pagsusulat. Nagmumukhang amatyur na sikolohista si Reggie sa pagsusuri ng pagkatao ni Dick Almeda na kaibigan niya at mentor. Hindi nabigyan ng pagkakataon si Dick Almeda na maipahayag ang pagkatao sa kaniyang sariling pananaw. O ang ibang tagapagsalaysay na makapagbibigay ng mas obhetibong bersiyon ng nangyaring tatsulok nina Reggie, Dick, at ng asawa ng huli. May nobelistikong narasyon na puwede pang pagyamanin sa bahaging ito.
Hindi rin masyadong nabigyan ng pagkakataon kahit ang protagonistang si Ned Nazareno na makapaghayag ng mga interior na saloobin. Ito nga ang binabanggit na puwang o mga katahimikan sa unang bahagi nitong sanaysay na puwedeng sinadya o puwedeng hindi maláy ang awtor na napatahimik niya ang tinig ng kaniyang tauhan. Matingkad ito sa bahaging pumayag siyang maangkin ni Reggie. Sa hinaba-haba ng naratibo, ang pagkakataon o ang sandali na nagpasiya siyang isuko ang katawan sa pagnanasa ay isang rurok ng kuwento. Lilitaw dito ang kaniyang mga agam-agam kundi man malulusaw ito at magkakaroon ng bagong yugto ang kaniyang pagkatao. Malalim ang pagpapasiya ni Ned na huwag nang pakasalan si Reggie. Hindi kaya sinasabi ni Ned na ginamit lamang niya si Reggie para malasahan na rin ang kamunduhang parati na lamang niyang nasasaksihan? Hindi kaya isang uri ito ng pambabaeng pagmamalaki na may nahumaling sa kaniyang ganda at handang mangayupapa sa kaniyang paanan? Hindi kaya ito isang uri ng paghihiganti? Kanino at bakit? Maaari din namang kuryosidad lamang. Nais lamang subukan ni Ned ang init ng katawan ng ibang kasarian? Hindi nagbigay si Ned ng anumang malinaw na sagot kaya nagsusupling ng maraming interpretasyon ang kaniyang katahimikan sa kaniyang madamdamin sanang karanasan. Nang silipin niya ang dalawang lesbianang nagtatalik sa kaniyang kalapit kuwarto, naging mapanghusga siya. Sa kaniya bang heteroseksuwal na karanasan ay nakumpirma ang ligaya ng kaniyang pagkababae?
Sa dulo ng nobela, may intimasyon na magpapatuloy siya ng pakikipagrelasyon sa kaniyang nobyong si Bobet. At wala siyang guilt na hindi na siya karapat-dapat dito. Naisip lamang niyang bakit kaya hindi niya dito isinuko ang kaniyang kabirhenan? Bakit nga ba? Hindi ibinunyag sa atin ng protagonista at ng nobelista sa wakas kung bakit.
Matatawag itong estilo sa narasyon. O baka nalimutan lamang ng awtor? Kailangang basahin ang nobela para madesisyunan ng mga indibidwal na mambabasa. Para malaman kung bakit ang mundong ito ay lupa.





