BUL-OL: Bulawan Online

Hunyo 2009

Isyu Blg. 6

Tungkol sa May-Akda:

Si Vim Nadera ay isinilang sa Sampaloc, Maynila bagama't tubong-Tayabas, Quezon. Nagawaran siya ng Gawad TOYM (Literatura) noong 2005, at kasalukuyang direktor ng UP Institute of Creative Writing. Siya rin ang kasalukuyang tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Nakapaglathala na siya ng anim na aklat: Asinta: Mga Tula at Tudla (kasama si Pinggot Zulueta, 2002), Poetreat: The Use of Poetry Therapy in Mutual Support Groups of Cancer Survivors in Metro Manila (2000), [H]ISTORYADOR[A] (nobela, 2000), Mujer Indigena (2000), 15 Lamang (1994), at Alit: Dalit, Galit, Halit, Malit, Ngalit, Palit, Salit (1993).

Mga Kaibigan

Buklatan

Ang Kalaparan ng Kapalaran Ayon Kay Khavn de la Cruz

ni V.E. Carmelo D. Nadera Jr.

GUHIT NG TALAMPAKAN (UST Press, 2008)
ni Khavn de la Cruz

Hindi ko pa nakikita ang guhit sa talampakan si Khavn de la Cruz.

Una, dahil hindi ko siya nakikitang nakapaa.

Ikalawa, dahil hindi naman siya ang tipo ng taong nagpapakita kita ng paa.

Ikatlo, dahil mas madalas kaysa hindi nakasapatos.

Ikaapat, dahil maaaring siya ang klase ng lalake na mas may malasakit sa hitsura ng kanyang paa kaysa amoy.

Ikalima, dahil may nunal siya sa talampakan.

Walang iniwan ito sa kanya bilang makata.

Walang ipinagkaiba rin ito sa kanyang Guhit Sa Talampakan.

Mababanaag naman ito sa kanyang balangkas na mahahati sa tatlong yugto ng kanyang pagiging manlalakbay: Gising, Pahinga, Himbing na ang bawat isa ay pagdiriwang ng pilosopiya ng isang pisikal na nilalang na ang pagtingin sa buhay ay ayon sa pagmulat ng mata, pagpikit, at pag-idlip na higit mahahati sa sandosenang estasyon ng kanyang pagiging Samuel Bilibit!

Maysa-alamat at mala-mito, ang Laberinto Ng Nambukayan ay parang kuha ng kamera sa ituktok ng bundok na hinihilamusan ng hamog at pinopolbohan ng ulap kung kaya ang — Pagkaligo Sa Ilog, Ang Bagtit, Si Jareb At Si Kaliya, Pinikpikan, Talangka Sa Ilog, Ang Banyagaw, Tilaok Ng Kawitan, Tangke Sa Dawwang, Gangsa, Pattong, Sangasang, Digmaan Ng Nambukayan At Tinglayan, Apo Diyos, at Ang Kawa At Kallitayungan – ay magsisilbing parang lenteng pinunasan ng KY Jelly o Vicks Vaporub na nagpapasuot-suot sa mundo nina Heracleo Oracion ng First Philippine Mount Everest Expedition team.

Sa pananaw ng iba, si Khavn de la Cruz ay isang Dale Abenojar na kailangan pang ipagwagwagan ang  sertipikasyon ng  Mountaineering Association para patunayang  natumbok niya ang pinakatuktok ng pinakamatayog na bundok sa buong mundo na may taas na 8,844.43 metro sa ganap na 10:45 .u. noong May 15, ang araw ng Pista ni San Isidro Labrador o Pahiyas na kinikilala sa bayan ni Oracion.

Subalit, ang totoo, lehitimong namumundok si Khavn bilang manunulat.

Hindi na mabibilang sa daliri – hindi lamang sa paa — ang kanyang napanaluhan sa kategorya ng tula at kuwento ng Don Carlos Memorial Awards for Literature at naanyayahan pang maghurado sa pinakaprestihiyosong patimpalak pampanitikan sa buong Filipinas.

May dalawa na rin siyang nobela, isang aklat ng maiikling kuwento, at kalipunan ng mga tula – at ang isa nga ay ang Ultraviolins ay inilabas ng University Of The Philippines Press.

Kung karamiran ay sa Nepal nagdaraan ang mga makatang nagparurok, si Khavn ay sa Tibet.

Sa kanyang Soneto Sa Sagada – nanulay siya sa kapangyarihan ng wika, lalo na bahaging ito ng bansa – upang pag-ugnay-ugnayin ang puta-putaking pulo ng kamalayan at kasaysayan sa kanyang Lakay Kabayo, Naglalakad Ang Lamig, Itim Lamang Ang Kulay Ng Gabi, Sumaguing, Habang Humahalo Sa Libo-o, at Nakabiting Kabaong upang mag-iwan sa ulirat ng isang kabuuan, kabuuang nagpapatingkad sa apinidad ng bawat identidad bilang iisang lahi.

Ang kakambal nitong kabanata ay ang sumunod na Talon Ng Batad na ginamit ang katulad na tilad-tilad na tanong para sa tugong mula sa labas – mula sa wikang banyaga, halimbawa, tulad ng Ingles (dito rin dapat yatang itanong ang kahalagahan ng lengguwahe kung kinalaunan ay isasalin din lamang naman ang lahat ng mga akda mula sa unang wika patungong wika ng globalisasyon – ang wika ng Estados Unidos – ang kaisa-isang supergahum!

Kaya, matapos palabasin sa ugnayang panlabas, ibabalik niya tayo sa Ritwal Sa Banahaw – dadalhin sa Paglilibag, aayain sa Paglulublob, hihilahin sa Pagpapakilala, paghahandain sa Paghahanda, at pipilitin sa Pagtawid na makatapos, o makaraos, na isang bagong-bagong tao.

Pagkakasyahin naman tayo sa Kuwadro Ng Pulilan – na tanyag din sa pagseselebra ng Pista ni San Isidro Labrador gayong mas nakatuon ang pansin sa kalabaw kaysa kiping ng Lucban ni Oracion – subalit sa halip na sa Katagalugan sa timog ay sa hiraya ng hilaga tayo ililibot sa proseso at prusisyon ng Kwadro Sa Kusina, Lolo, Aso, Ilog, Bato, Baka, Kalabaw, Manggagapas, Kiskis, Butong Pakwan, at Pagkatay Ng Baboy sa kanyang inilarawan na tila tunay na sinematograpo.

Zoom in doon at zoom out dito tayo sa Sigwa Sa Sapa Dos at mistulang tinangay ng ipoipo tayo sa imahen ng Buteteng Laot, Bugador, EPZA, Si 5-6, Mangingisda Sa Pandawan, at dalawang bagyong Sigwa 1 at Sigwa 2, na kapuwa may sariling buhay na pumatay.

Punebre mandin ang karugtong nito na Tunog Ng Brigada Onse kaya dito naman niya ipinagyabang ang kanyang talino at talento sa musika sa pamamagitan ng Alatiit, Haluyhoy, at Ugong na lahat magiging koro o koda ng kalungkutan.

Susundan at susundin ito ng Oda Sa CCP na hinimay isa-isa ang papel ng Mataas na Sining sa katauhan ng isang Auteur: Ang Pintor, Ang Balerina, Ang Piyanista, Ang Artista, at Ang Direktor upang itapon tayo ni Khavn sa kalunsuran na kabaliktaran o kabalintunaan ng kanyang sinimulan sa mga naunang kabanata na maypagka-santuwaryo sa kanayunan.

Batang Q.C. si Khavn kaya laman siya ng utak at ugat ng lungsod.

Kahit sa kanyang mga obra maestra bilang direktor mas gagap at gamay niya ito bilang paksa.

Mulang siyudad kaya naman hanggang siyudad sa buong daigdig siya napapadpad.

Bukod sa kanyang pagiging director ng MTV ng ilan sa mga sikat na banda sa Pilipinas, si Khavn ay nakapagdirihe na ng 16 features at humigit-kumulang 60 short films na nagwagi ng mga parangal sa loob at labas ng bansa, gaya ng Hapon, Canada, Alemanya, Brazil, at Italya kung saan pinalabas na ang retrospectibo ng kanyang mga pelikula gaya sa Espanya at Czech Republic.

Naitampok na rin ang mga ito sa Brazil, Alemanya, Australia, Slovenia, at Netherlands at naitanghal sa Berlin, Egypt, Tehran, Oberhausen, Amsterdam, New York, Sao Paulo, Chile, Slovenia, Austria, Australia, Goteborg, Hamburg, Singapore, Montreal, Tokyo, Morbegno, Pesaro, Palermo, Vila Do Conde, at Rotterdam.

Ang kanyang pinakahuli – ang Squatterpunk ang nakasungkit ng Grand Jury Prize sa Cinemanila International Film Festival noong nakaraang Nobyembre at ang kanyang Can & Slippers ay napili sa Shoot Goals! Shoot Movies ng Berlinale Talent Campus at humakot ng gantimpala sa Clermont-Ferrand International Short Film Festival kagaya ng kanyang Rugby Boyz na kaliwa’t kanan ang napanaluhan mula sa Jury of the Minister President of North Rhine-Westphalia sa Oberhausen International Short Film Festival.

Nakabatay sa nobela ni Norman Wilwayco, ang kanyang Mondomanila: Institute of Poets ay napabilang sa Berlinale Co-Production Market and Produire au Sud, World Film Festival Of Bangkok, at isa sa mga unang proyektong nag-uwi ng Digital Production Grant mula sa Hubert Bals Fund!

Dito dinadamdam ni Khavn ang kanyang kakahayan sa pagdidikit ng dalawang magkalayong bagay.

Dito  ninanamnam niya ang kanyang pagiging Metapisikal.

Dito  sinasamsam niya ang kanyang pagiging Metamakata!

Hindi lamang alagad ng panitikan at pelikula – si Khavn ay mang-aawit, kompositor, at piyanista ng The Brockas, may kinalaman sa dalawang rock opera na itinanghal sa Sentrong Pangkultura ng Pilpinas, at may mga sertipiko na ng pagkilala mula sa Metropop Song Festival at sa John Lennon Songwriting Contest.

Sa bandang huling kabanata, mas lantad kaysa nauna, ang kanyang pagiging alipin ng musika!

Babae Ng Avelino – o Katipunan – ang pinanggalingan niya mulang kubo ng kundiman hanggang bahay na bato ng rock sa kanyang Pinipili Nga Ba Ang Iibigin, Gabi-Gabi Namamatay Ako, Mula Sa Troubadour Ng Puting Rosas, Selos, Sirena Ng Kaliwang Dagat, Harding Sa Ilalim Ng Gabi, Hangin, Tuwing Sabado Ng Hapon, Dahon, Dagat Sa Pagitan, Bilog Sa Paligid Mo, Sulat, Huling Pag-uusap, at Ermitanyo.

Halimbawa, sa kanyang Gabi-gabi Namamatay Ka masasalungguhitan ang lumbay ng isang mangingibig sa pinakadulong linya:

Gabi-gabi,
Namamatay ka,
At wala
Akong magawa.

Ngunit binabawi ang agoniyang romantiko nang nakalawit na agam-agam:

BAKIT SIYA NABUBUHAY NA MULI?
PAANO SIYA NABUBUHAY NA MULI?

Dahil minimalista rin si Khavn, bukas na bukas sa labas-masok ng interpretasyon ang kanyang mga tula.

Kabilang na rin ang labas-masok ng impluwensiya sa kanya mulang Weird Al Yankovic hanggang Tito, Vic, and Joey o Michael V.

Sa kabilang banda, dahil Atenista siya, kasali na rito ang pagbasang Heswitika.

Lirip na lirap ito ng Litanya Ng Sacred Heart.

Susmaryosep, maimamapa mo sa kanyang koleksiyong ito ang kaligiran o kapaligiran ng kanyang iniikutan at iniinugang lugar!

Malinaw na maliwanag pa sa larawan-diwa mo ang kanyang ruta bilang tao at tauhan sa kanyang mga akda.

Malabo nga lamang ba ito  kung hindi taga-Quezon City ang kanyang mambabasa, o kaya naman ay man lamang taga-Pilipinas?

Mararanasan ito sa kanyang Kinang Ng Aurora na nakakaligaw kapag nakorner ka na sa Sa Kalyeng Perpendikular Sa Aurora at Liham Sa Mamang Bulag Ng Aurora.

Mahihilong-talilong din ang kanyang ipinapasyal kapag inakay na niya ang mga ito sa Pagdaan Sa Anonas na akay-akay rin ang Ale Sa Anonas, Sakay Ng Dyip, Sintu-Sinto Sa Dyip, Elehiya Sa Kuting, Ang Kahalagahan Ng Hanging, Mga Upuan Sa Bubong Ng Hang-Out, Hinahabol Ang Bagong Taon, at Babae Sa Bangketa.

Pero, dahil nga yata ang realidad ni Khavn ay realidad din ng ibang realidad, kaya siya nakakalabas sa ganitong salimuot ng pananaya.

Mas malamang kaysa hindi, mauunawaan din ng kanyang mambabasa ang katotohanan ng DYIP!

Baka naman dapat ang kalipunang ito ay hindi lamang may CD na nakapaloob kundi may DVD din ng MTV ni Khavn.

Pihadong nakaempake sa kanyang bagahe palagi ang kanyang librong ito, saan man siya magpunta, kaya makakatulong kung sakaling makaabot ito sa kamay ng mga dayuhan.

Kaya madaling maiiintindihan hindi lamang ang kanyang anyo at ang nilalaman kundi ang kanyang wika!

At hindi ang mga salin lamang ang makakagabay rito.

Sapagkat wika ito ng mga bagay na hindi sinasabi.

Kaya mas mahalaga kung ipapakita.

Kaya mas mahal nga lamang kung ipapakita sa pamamagitan din ni Khavn bilang direktor.

Dangan kasi, bukod sa pagiging direktor ng kanyang kumpanyang Filmless Films, direktor din si Khavn ng .MOV International Digital Film Festival  o ang kauna-unahang digital film festival sa Pilipinas at direktor din sa lupong tagapagtatag ng Philippine Independent Filmmakers Multi-Purpose Cooperative o Indie Coop na isang alyansa ng mga gumagawa ng pelikulang malaya sa Pilipinas na siyang responsable sa Indie Sine na sinehan ng mga sineng masining.

Guhit Sa Talampakan, sa kabilang dako, ang direktor ng kanyang kahihinatnan niya bilang isang dakilang makata.

May kalaparan ang kapalaran ni Khavn.

At nanganganib nga lamang siya na maging kalat ang kanyang pagkalat, kung hindi man sabog ang kanyang pagsabog, sa kanyang mga kapangyarihan bilang artista o artiste!

Sana nga hindi na siya nangangailangan ng pag-unawa o pang-unawa ng madla para sa kanyang ginawa, ginagawa, at gagawin pa lamang.

Siya nawa.