Teksbuking: Isang Mapanuri, Mapaghamon, at Napapanahong Bagong Textbuk Kuno ng Noli at Fili
ni Michael M. Coroza
Kung panahon ng pagsusulat ni Dan Brown ang panahon ng pagsusulat ni Dr. Jose Rizal, malamang na bilyon-bilyong piso na ang kinita at hindi na mabilang ang muling paglilimbag ng Noli Me Tangere (1887) at El Filibusterismo (1891). Pihadong patok na patok din sa takilya ang pagsasapelikula ng mga ito. Sa kasamaang palad, sa ibang panahon nabuhay at nagsulat si Rizal. Kinailangan pa niyang halos mamalimos upang maipalimbag ang kaniyang aklat. Kinailangan pa niyang magpuslit ng mga sipi nito upang maipamahagi sa Filipinas.
Dahil sa kontrobersiyal na pagbangga ni Dan Brown sa mga dogma ng pananampalatayang Kristiyano, sumikat siya at yumaman. Dahil sa mga pagpuna ni Rizal sa mga kagawian ng Simbahan, napag-initan siya at binaril sa Bagumbayan. Kung may malapit na pagkakahawig man sa palad na sinapit ng dalawa, kapuwa sila tinutuligsa ng marami kahit hindi pa nababasa ng nasabing mga tumutuligsa ang kanilang mga akda.
Gayunman, sa kasalukuyan, may isang daan at dalawampu’t isang taon mula nang malimbag ang Noli at may isang daan at labimpitong taon mula nang malimbag ang Fili, masasabing nakabawi na rin si Rizal sa pagkalugi sa produksiyon ng unang bersiyon ng kaniyang mga nobela. Sa bisa ng Batas Republika Blg. 1425 na lalong kilala sa tawag na Batas Rizal, naging batayang pangangailangan ang pagbabasa ng mga akda ni Rizal sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa Filipinas—elementarya, sekundarya, at kolehiyo. Dahil itinatadhana ng nasabing batas na, “The Board of National Education shall cause the translation of the Noli Me Tangere and El Filibusterismo, as well as other writings of Jose Rizal into English, Tagalog and the principal Philippine dialects; cause them to be printed in cheap, popular editions; and cause them to be distributed, free of charge, to persons desiring to read them, through the Purok organizations and the Barrio Councils throughout the country (Seksiyon 3, Batas Republika Blg. 1425),” mukhang naging malaking negosyong pang-edukasyon ang mga pagsasalin sa Filipino at ang paggawa ng mga pinadaling bersiyon at tulong sa pag-aaral ng mga nobela ni Rizal. Kaya nga lamang, dahil naging pambansang babasahin, ang karapatan sa pag-aangkin sa nasabing mga akda ay wala na kay Rizal at sa kaniyang mga tagapagmana. Malaya ang sinumang magsalin at gumawa ng Noli at Fili nang walang inaalalang babayaran sa mga tagapagmana ng awtor. Sarili ng manunulat ng textbuk at ng kaniyang tagapaglathala ang lahat ng kikitain.
Sa maikling pagtalakay na ito, pag-uukulang pansin ang isang salin at pinagaang bersiyon ng Noli at Fili bilang daluyan ng mga kaisipang makabayan ni Jose Rizal. Nilalayon nitong maipakita na ang ganitong lathalain na nagsisilbing batayang teksto ng mga mag-aaral sa hayskul ay nakapagpapalabo sa halip na nakapagpapalinaw o nakapagpapalayo sa halip na nakapagpapalapit sa mga dakilang kaisipan ni Rizal. Gayunman, dahil sa limitasyon ng panahon, mapag-uukulan lamang ng sulyap ang unang kabanata ng Noli at ng Fili, at susuriin ang mga ehersisyo at tulong sa pag-aaral ukol sa dito na tampok sa isang aklat na inilathala noong 2006 ng Rex Book Store, isa sa pinakamalaking pabliser ng textbuk sa buong Filipinas sa ngayon.
PAGPAPADALI BILANG REAKSIYON SA 1425
Senate Bill 438 pa lamang ang kinikilala nating Batas Rizal ngayon, may ilang sektor na sa ating lipunan ang marahas na tumututol dito. Pangunahin sa mga ito ang Simbahang Katoliko na nagpahayag ng ganito:
We, the Catholic Philippine Hierarchy maintain that these novels do contain teachings contrary to our faith and so, we are opposed to the proposed compulsory reading in their entirety of such books in any school in the Philippines where Catholic students may be affected. We cannot permit the eternal salvation of immortal souls, souls for which we are answerable before the throne of Divine Justice, to be compromised for the sake of any human good, no matter how great it may appear to be. ‘For what does it profit a man, if he gain the whole world, but suffer the loss of his own soul?’1
Sa sandaling ito ng kasaysayan higit na nagkaroon ng pakinabang para sa hirarkiya ng Simbahan ang kontrobersiyal na “pagbabalik-loob” ni Rizal sa Inang Iglesya. Dahil mukhang hindi mapipigilan ang pagpasasa sa Lehislatura ng Batas Rizal, iginiit ng hirarkiya na hindi isang pagtatakwil sa halaga ni Rizal bilang pambansang bayani ang hindi pagbasa nang buo sa mga akda nito, lalo na sa Noli at Fili na tahasang umaatake sa mga paniniwala ng Simbahan. Sabi pa nito:
(W)e have to imitate him precisely in what he did when he was about to crown the work of his life by sealing it with his blood: we ought to withdraw, as he courageously did in the hour of his supreme sacrifice, ‘whatever in his works, writings, publications and conduct had been contrary to his status as a son of the Catholic Church.’2
Sa wari, iginigiit ng hirarkiya ng Simbahan na walang kapararakan ang mga ginawa ni Rizal bago siya barilin, at naging bayani siya dahil lamang sa pagkakabaril sa kaniya. Deklara nga ni J. M. Cavanna, isang paring nagsadokumento ng buhay at panahon at nagsuri sa mga akda ni Rizal: “(L)et us all accept Rizal as he was when he gave the greatest proof of love for our country; let us all honor the Rizal of December 30, 1896.“3 Para bang kung si Rizal mismo ang tatanungin, hindi nito gugustuhing mabasa ng mga kabataang Filipino ang kaniyang mga nobela. Sakaling ipababasa man, kailangang tiyakin na makakaltas ang mga marahas at tuwirang pagtuligsa nito sa Simbahan. Sang-ayon kasi sa pag-aaral ni J. M. Cavanna, isang pari, sa 332 pahina ng Noli, 25 pahina lamang ang katatagpuan ng mga pahayag na makabayan at 120 pahina naman ang katatagpuan ng mga pag-atake sa Simbahan. Sa 293 pahina ng Fili, 41 pahina ang katatagpuan ng mga kaisipang makabayan at 80 pahina ang naninira sa Simbahan.4
Kung gayon, isang nilinis at piniling bersiyon ng mga akda ni Rizal ang kanilang sinasang-ayunan. Kaugnay nito, iminungkahi ng hirarkiya na magbuo ng Antolohiyang Rizaliano na magtatampok sa lahat ng mga makabayang pahayag at sosyo-politikal na pilosopiya ni Rizal hindi lamang mula sa Noli at Fili kundi sa lahat ng mga sinulat ng bayani—tula, talumpati, pati na mga liham. Sabi nga nito: “Not only in the two novels but also in his other writings are the patriotic teachings of Rizal to be found.“5
Gayon na lamang kaimpluwensiyal ang posisyon ng Simbahan kaya marahil nagkaroon ng mga “expurgated version” ng Noli at Fili. Kapansin-pansin, halimbawa, sa isa sa pinakamatagal nang ginagamit na salin at pinagaang bersiyon ng Noli, ang kay Maria Odulio de Guzman na umabot na yata sa mahigit na dalawampung muling paglilimbag mula pa noong 1957, na sadyang umikli ang mga kabanata at natanggal ang mga esensiyal na pag-uusisa ni Rizal sa ilang paniniwala o dogma ng Simbahan tulad ng paniniwala sa purgatoryo na tinalakay ni Pilosopong Tasyo sa Kabanata 14. Alalahanin na para kay Rafael Palma, ang diskusyon ni Rizal tungkol sa purgatoryo ang patunay na napag-aralan nang husto ni Rizal ang “walang hanggang kapahamakan” kaya lalong hindi kapani-paniwala para sa kaniya na binawi ni Rizal ang lahat ng kaniyang sinabi sa kaniyang mga akda.6
Halos kapanabayang nalathala ng bersiyon ni de Guzman ang buong salin nina Iñigo Ed. Regalado, Leonardo Dianzon, at ilan pang kasama. Ngunit mahihinalang dahil kompletong salin at higit na mahaba, bukod pa sa walang “Mga Tulong sa Pag-aaral” pagkatapos ng bawat kabanata, hindi umabot sa ikalawang pagkapalimbag ang nasabing aklat. Ang totoo, halos wala ngang nakaaalam sa kasalukuyan na may salin pala ng Noli at Fili si Iñigo Ed. Regalado, ang isa sa mga taliba ng wika at panitikang Tagalog at batikang makata at nobelista sa bungad ng siglo dalawampu.
Lalo namang hindi popular na gamitin sa mga hayskul ang kompletong salin sa Tagalog ng Noli at Fili ni Patricio Mariano na nagwagi sa timpalak pagsasalin at nalathala noon pang panahon ng mga Amerikano. Nahihirapan ang ilan sa pagbasa dito dahil Tagalog na Tagalog daw. Sa kasalukuyan, tanging ang salin ni Virgilio S. Almario ng Noli at Fili ang maituturing na walang labis, walang kulang, matapat sa orihinal, at ginamitan ng kontemporanyong Filipino.
Ang maraming textbuk ngayon na lathala ng malalaking pabliser ay kaduda-dudang mga salin. Una, hindi matiyak kung marunong ngang magbasa ng Kastila ang mga gumawa o ang isinalin lamang nila ay ang mga salin sa Ingles nina Charles Derbyshire, Leon Ma. Guerrero, o Trinidad Locsin. Puwede pa ngang hinalain na ang pagpapaikli lamang ng mga salin nina Mariano, Regalado, o maging ng kay de Guzman ang ginagawa ng mga kunwang awtor ng mga textbuk na ito. Halimbawa ng ganito ang tutunghayan nating aklat ng Noli at Fili na nalathala noon lamang 2006. Maganda ang packaging ng mga ito kaya may kamahalan—mahigit sa 300 piso ang bawat sipi. At batay sa pangharap na pabalat, batayang aklat ang mga ito na umaalinsunod sa Basic Education Curriculum o BEC. Sabi pa bilang pangganyak, ang mga aklat na ito raw ay “mapanuri, mapaghamon, napapanahon.”
Sa panimula, sinasabing naiiba raw ang textbuk na ito dahil inihanda sa isang modyular na pamamaraan. Sa pamamagitan daw nito, magagamit ng mga mag-aaral ang kanilang multiple intelligences para madala ng mga ito ang magagandang natutuhan nila sa paaralan kahit saan sila magpunta. Ang bawat bahagi raw ng modyul ay makatutulong sa lubusang pag-unawa sa nilalaman at mensahe ng nobela. Narito ang nasabing mga bahagi:
I. Masasagot Mo Kaya? – binubuo ng limang literal na tanong na titiyak kung nagbasa ang mga estudyante
II. Matutuklasan Mo Kaya? – tinutuklas ang kahulugan ng pamagat, paksang nakapaloob at ang relasyon ng pamagat sa nilalaman ng kabanata
III. Matatamo Mo Kaya? – nakapaloob dito ang mga layuning ninanais matamo sa apat na makro ng kasanayan
IV. Maunawaan Mo Kaya? – narito raw ang pinakanilalaman o sustansiya ng babasahing kabanata
V. Maisasakatuparan Mo Kaya? – binubuo ng talasalitaan, indibidwal,dayad, at pangkatang gawain
VI. Mapalalawak Mo Kaya? – narito raw ang pinakamayamang bahagi ng aralin sapagkat iniuugnay ang paksa sa iba’t ibang disiplina na bibigyang-diin ang pagpapahalagang pangkatauhan at ang hinihingi ng bagong kalakaran ng edukasyon: pagpapasok ng Transformative Education tulad ng Justice and Peace, Environmental Education, Gender Sensitivity/Equality, Political Education at marami pang iba
VII. Matatandaan Mo Kaya? – pagsubok kung natatandaan ng mga mag-aaral ang tinalakay
Sa pitong bahagi ng modyular na aklat na ito, pinakainteresanteng pagtuunang-pansin ang ikalawa, ikaapat, at ikaanim. Tingnan natin kung paanong binabasa sa pamamagitan ng ganitong pagdulog ang unang kabanata ng Noli Me Tangere at ng El Filibusterismo.
ISANG PAGTITIPON, KAB. 1, NOLI ME TANGERE
Narito ang bahaging “Matutuklasan Mo Kaya?” ng textbuk na ating tinutunghayan para sa Unang Kabanata ng Noli Me Tangere:
Ang pagtitipon ay isang pagsasama-sama ng mga tao ayon sa layuning ipinahahayag. Tumutukoy sa mga magkakaibigan, kakilala, kafamilya (sic), kamag-anak at iba pa. Dito napag-uusapan ang mga bagay na kailangang malaman o matuklasan sa pakikisalamuha.
Ang isang piging ay halimbawa ng pagtitipon tulad ng naganap sa bahay ni Kapitan Tiago. Napag-usapan nila na ang pamamahala sa Pilipinas at sa Madrid ay magkaiba. Nabanggit ng isang Franciscano na may 20 taon siyang nanirahan sa Pilipinas at nasanay na siyang kumain ng saging at kanin. Na, ang paninirahan niya dito ay punung-puno ng maraming karanasan kayat (sic) siya’y pinaniniwalaan ng maraming tao.
Ayon sa kanya, nakilala rin niya ang indio.
Ang mahalaga sa pagtitipon ay ang pagsasama-sama ng mga magkakakilala at magkakaibigan na makapag-usap.7
Pansinin na isang pagpapaliwanag ng literal na ibig sabihin ng pamagat ang ibinibigay ng textbuk. Mahirap ngang tukuyin kung saan hinagilap ng mga awtor ang pagbibigay-kahulugang ito tungkol sa “pagtitipon.” Ang puwede nga nating usisain ay kung may lampas pa ba sa literal na antas ang paliwanag na ito. Mukhang wala na. Ni hindi na ito nasundan ng mga tanong na maaaring pag-isipan ng mga nagbabasang mag-aaral. Halimbawa, puwedeng itanong: Kung ang pagtitipon ay pagsasama-sama ng mga magkakailala at magkakaibigan, magkakilala at magkaibigan ba sina Padre Damaso at G. Laruja? Hindi mukhang magkaibigan sina Padre Damaso at Tenyente Guevarra pero bakit sila nagkasama sa pagtitipon sa bahay ni Kapt. Tiago?
Para sa ating nakabasa na ng buong Noli Me Tangere, hindi lamang minsan kundi ilang ulit pa, alam nating hindi lamang talaga tungkol sa pagtitipon ang unang kabanata ng Noli. May higit na malalim na implikasyon ang pagtatagpo at pag-uusap ng mga tauhang ipinakilala sa kabanatang ito. Ang paggigiit ni Padre Damaso na kilala niya ang mga Indio dahil nakapiling niya ito sa San Diego nang dalawampung taon ay paggigiit ng kapangyarihan sa mga Indio. Ang pagtatalo nila ni Tenyente Guevarra ay nagpapahiwatig ng tunggalian sa pagitan ng konserbatismo at liberalismo sa pamunuan ng Espanya.
Bagay ring hindi pinagtutuunang-pansin ang pagsisikap ng tagapagsalaysay ng nobela na ilarawan ang bahay ni Kapt. Tiago. Sa textbuk na ating tinutunghayan, naiba pagkakapahayag ng mahalagang katangian ng bahay ni Kapt.Tiago na mahalagang-mahalaga sa orihinal na akda ni Rizal: “Kakaiba ang pag-uugali ni Kapitan Tiago kagaya ng pagiging mapagparaya at madaling lapitan sa panahon ng kagipitan, bagamat ayaw niya ang mga taong mapaghimagsik at nangangalakal.”8 Sa salin ni Almario na higit na matapat sa orihinal, ganito ang pagkakasaad ng siniping bahagi: “Tinitingala noon si Kapitan Tiago bilang isang napakagalanteng ginoo, at kasabihan na ang kaniyang bahay, tulad ng kaniyang bayan, ay hindi nagsasara ng pinto kanino man, huwag lamang may komersiyo o mga kaisipang bago at pangahas.”9 Ang hirap tuloy na hindi magduda kung nabasa ba talaga ng ating mga awtor ang orihinal ni Rizal o sinikap lamang nilang baguhin ang pagkakaayos ng mga pangungusap ng mga nauna nang salin sa Filipino ng Noli, tulad ng kay Almario.
Ayon sa pagpapaliwanag ng mga bahagi ng aklat, ang pinakamayaman o masustansiya daw ay ang “Mapalalawak Mo Kaya?” Sipiin natin nang buo ang bahaging ito para sa unang kabanata ng Noli:
Ang kultura ng Pilipinas ay nanaig sa ating katauhan sapagkat mula sa ating kapanganakan ay kinagisnan na natin ang mga kaugalian at tradisyon ng mga Pilipino. Nararapat nating panatilihin sa ating puso at diwa ang pagiging Pilipino sa lahat ng pagkakataon. Ang isa sa mga kaugaliang kailanma’y di maluluma ay ang pagiging mainit natin sa pagtanggap sa mga bisita lalo na kung may salu-salo o pagtitipon.
Naririyan na halos ibigay mo ang lahat ng pangangailangan upang sila’y masiyahan. Kulang na nga lang ay subuan sila. Kapag ikaw naman ay dinalaw ng kamag-anak mo o kaibigan mo at nakikitulog sa iyo, bagong mga gamit ang ibinibigay mo. Bakit kaya tayo gayon. (sic) Sa totoo diyan tayo kilala sa anumang panig ng mundo.
Nais ko lang ihatid sa lahat ng mga mambabasa at lahat ng Pilipino ang kaugaliang Pilipino kailan ma’t maganda at maaaring mamatay.
Mabuhay ang kulturang Pilipino.10
Walang makikitang mabigat na kaugnayan nito sa unang kabanata ng Noli ni Rizal. At lalong walang makikita ritong malalim na pag-unawa kay Rizal. Unang-una, problematiko ang pagpapahalagang tinutukoy ng mga may-akda bilang likas na katangian o ugali ng mga Filipino. Pangalawa, sa nobela ni Rizal, ang ganitong katangian ay taglay ng kolonyal na si Kapt. Tiago. Ang totoo, si Kapt. Tiago na may-ari ng bahay ay walang kapangyarihan sa sarili niyang bahay. Tila hindi nahiwatigan ng ating mga awtor ang mapang-uyam na paglalarawan ni Rizal sa pagkatao ni Tiago. Na ang gayon ay hindi isang birtud kundi isang baluktot na nakamihasnan bunga ng kolonyalismo at marapat na ituwid.
SA KUBYERTA, KAB. 1, EL FILIBUSTERISMO
Narito ang bahaging “Matutuklasan Mo Kaya?” ng textbuk na ating tinutunghayan para sa unang kabanata ng El Filibusterismo:
Siguro napanood mo na ang pelikulang “Titanic.” Dito makikita ang kubyerta na siyang pook-tagpuan ng pelikula ng mga tauhan. Ang kubyerta ay bahagi ng barko na kung saan ang mga pasahero ay tumitigil upang panoorin ang karagatan habang sila ay naglalakbay. May mga pasahero rin na maginhawang nakaupo sa kubyerta at nakikipagkuwentuhan sa kanilang mga kasama o kaya’y kapwa pasahero.
Ito ay isang magandang pagkakataon upang maging kasiya-siya ang ating paglalakbay. Ngunit kung ang bapor ay marumi, mabagal at siksikan ang mga pasahero, malamang ang karapatan nating tumanggap ng magandang serbisyo ay di natin makukuha bilang kapalit ng ating kabayaran.
Walang iniwan ito sa ating kabanata. Napakabagal ng pag-usad ng Bapor Tabo. Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit si Doña Victorina ay yamot na yamot sa kanyang paglalakbay? Lalo itong nagalit nang sumadsad ito sa mababaw na putik na bahagi ng ilog. Pagpapatunay lamang ng kawalan ng kakayahan ng kapitan ng barko at ang mga timoneros kung saan ligtas na dumaan ang Bapor Tabo upang maiwasan na sila ay mabalaho. Hindi ba’t ito’y isa sa nagiging sanhi ng kapahamakan ng mga pasahero?
Kung ikaw ang nasa katayuan ni Doña Victorina, makukuha mo ba ang di magalit lalo na’t ikaw ay nakaupo sa tabi ng mainit na makina at di makatulog sa ingay na nililikha nito? Sa iyong paglalakbay, mapayapa ba ang iyong kalooban kung ganito ang uri ng iyong sasakyan?11
Sa simula, mukhang ayos lamang naman na banggitin ang “Titanic” para makaugnay ang mga mag-aaral na nagbabasa. Ngunit ang nakapagtataka ay kung bakit nauwi lamang ang lahat sa literal na paglalakbay-dagat. Napakaliteral kung mauuwi lamang talaga sa di-komportableng paglalakbay ang kabanatang ito ni Rizal. Sa orihinal, may epigraph na Latin ang kabanatang ito: “Sic itur ad astra” na isinalin ni Almario sa ganitong paraan: “Ganito ang landas sa mga bituin.”12 Nangangahulugan, may paglalakbay talagang tinutukoy, ngunit sa paraang metaporiko. Kinaligtaan o nakaligtaan ng ating mga awtor ang pagiging Bapor ng Estado ng Bapor Tabo na binigyang-diin ni Rizal sa orihinal. Ang paglalakbay sa kabanatang ito ay dapat na makita bilang isang paglalakbay patungo sa isang ideal o pangarap. At ang ilog na siyang daanan ay nakapagpapabagal sa pag-abot sa pangarap. Kaya nga kailangang suriin ang mga mungkahi ng “matataas na tao” na nasa kubyerta. Nakapangingilabot ang mungkahi ni Simoun! Tabunan ang dating ilog na liko-liko at maghukay ng bagong higit na malalim at tuwid. At ewan ko kung bakit hindi nahiwatigan ng ating mga awtor na ang ganyang mungkahi ni Simoun ay kaparalel ng kaniyang mga hakbang na tinangkang gawin sa kabuuan ng nobela: lipulin ang lahing masasama at sa mga matitira magpasimula ng higit na mabuti.
Ang napagbalingan pa nila ng simpatiya ay si Doña Victorina gayong ipinakikita nga sa orihinal ng nobela na ang mga taong tulad nito ang isa sa dahilan kung bakit walang matitinong pagpapasiyang nabubuo sa pamahalaan.
Sipiin natin nang buo ang bahaging “Mapalalawak Mo Kaya?” ng textbuk na ito para sa unang kabanata ng El Filibusterismo:
Iyakan, sigawan, kani-kaniyang takbuhan, hatakan upang mailigtas ang sariling buhay. Maraming buhay ang nakitil na hanggang ngayon ay di pa nabibigyan ng katarungan ang mga nasawi. Sa panahon ng imbestigasyon ang mga namumuno ay nagtuturuan kung sino ang may kasalanan at may pagkukulang. Sa isang shipping company, mas maraming pasahero, mas maraming kita. Hindi naalalang pangalagaan ang karapatan ng kanilang mga pasahero. Karapatang tumanggap ng maayos na serbisyo tulad ng malinis at maayos na kubyerta habang naglalakbay bilang kapalit ng kanilang kabayaran.
Sa ganitong kalagayan, ligtas kaya tayo sa ating paglalakbay? Kung hindi pa magkaroon ng aksidente ay di pa sila kikilos. Gumagalaw lamang sila kung sila na ang laman ng mga pahayagan, radyo at televisyon. Magsisimula na naman silang pagbutihin ang kalidad ng kanilang serbisyo at tutugon sa pangangailangan ng kanilang mga pasahero. Samantala, ang mga nasa pamahalaan naman ay nagpapakitang-gilas sa kanilang tungkulin dahil sila ay tinatawagan ng pansin ng media. Kailangan nilang kumilos dahil maya’t maya’y iniinterbyu sila sa radyo at televisyon dahil sa malaking sakunang nagaganap sa dagat.
Bakit ganito lagi ang nangyayari? Kailangan pang may magbuwis ng buhay bago nila isaayos ang kanilang tungkulin. Kailangan pa silang punahin para sila ay kumilos. Hanggang kailan pa kaya magbibigay ng magandang kalidad ng trabaho na hindi na kailangang pukpukin, punahin at higit sa lahat ang may magbuwis ng buhay nang dahil sa kanilang kapabayaan? Hanggang kailan kaya? Ganyan pa man tayong mga mamamayan ay maaaring magkatulungan upang makabuo ng mga solusyon upang malutas ang mga suliraning nauukol sa mga sakuna sa dagat, himpapawid at mga sasakyang lupa.13
Bakit ganito rin ang malaking maitatanong natin sa ating mga awtor. Bakit nauwi rito ang pagbasa ng unang kabanata ng Fili? Sa paniwalaan o hindi, ang kasunod ng bahaging ito ay aktibidad na mangangailangan kuno ng pananaliksik. Uutusan ang mga mag-aaral na saliksikin ang talaan ng mga aksidenteng pangkaragatan mula 2002 hanggang 2005. At paglilistahin pa ang mga estudyante ng mga mungkahi kung paano maiiwasan ng mga sasakyang pandagat ang mga aksidente.
May malaking problema ang ating mga awtor sa pag-unawa ng akdang pampanitikan. Ang marapat na pinagtuunang pansin ay ang tunggaliang ideolohiko ng mga tao sa ibabaw ng kubyerta. Ipinakita dapat nila ang metaporikong bisa ng mabagal na paglalakbay ng Bapor Tabo sa nobela. Tumutukoy ito sa mabagal na pag-unlad ng Filipinas!
PAGLALAGOM
Napakasimple ng tinangkang itanghal sa pagtalakay na ito. Limampu’t isang taon matapos maisabatas ang pag-aaral sa mga akda ni Rizal, mahalagang bantayan at higpitan ang mga negosyanteng gumagawa ng bersiyong textbuk ng mga nobela at iba pang akda ng dakilang bayani ng Bagumbayan. Malayo sa hinagap ni Recto na mauuwi sa hilong-talilong na pag-unawa, gaya ng ipinakita sa pinagtuunang halimbawa, ang pagpapabasa ng mga akda ni Rizal sa ating mga mag-aaral.
Isang textbuk pa lamang ang pinagtuunan ng pansin dito. Sana nag-iisa lamang ang textbuk na ito sa pagiging ganito. Dahil kung marami pa pala itong kaangkan, huwag na tayong magtaka kung bakit marami na at darami pa balang-araw ang mga mag-aaral na hamak at mangmang sa mga aral ni Rizal.
__________________________________
1Catholic Philippine Hierarchy, “Catholic Church Stand on Rizal’s Novels,” Documentation Service Vol. 5 No.5: 12.
2Ibid.,11.
3J.M. Cavanna, C.M., Rizal and the Philippines of his Days: An Introduction to the Study of Dr. Rizal’s Life, Works, and Writings (Maynila: 1957), 207.
4Ibid., 208.
5Catholic Philippine Hierarchy, “Catholic Church Stand on Rizal’s Novels,” Documentation Service Vol. 5 No.5: 12.
6Rafael Palma, The Pride of the Malay Race: A Biography of Jose Rizal, salin ni Roman Ozaeta (New York: Prentice-Hall, Inc., 1949), p. 333.
7Lourdes L. Miranda at Mercedes D.L. Tulaylay, Obra Maestra: Noli Me Tangere Bagong Edisyon (Maynila: Rex Book Store, 2006), 1-2.
8Ibid., 2-3
9Virgilio S. Almario, tagasalin, Jose Rizal: Noli Me Tangere (Quezon City: Adarna House, 1999), 1.
10Lourdes L. Miranda at Mercedes D.L. Tulaylay, Obra Maestra…, 8-9.
11Estrella F. de Vera at Amelia V. Bucu, Obra Maestra: El Filibusterismo Bagong Edisyon (Maynila: Rex Book Store, 2006), 1-2.
12Virgilio S. Almario, tagasalin, Jose Rizal: El Filibusterismo (Quezon City: Adarna House, 1999), 1.
13Estrella F. de Vera at Amelia V. Bucu, Obra Maestra: El Filibusterismo …, 11-12.

