2009 PBBY Salanga Prize: Panawagan para sa mga Lalahok
Tumatanggap na ang Philippine Board on Books for Young People (PBBY) para sa 2009 PBBY-Salanga Prize. Ang patimpalak na ito ay tinatangkilik rin ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at ng The National Library (TNL).
Ang magwawagi ng grand prize ay makatatanggap ng Php 25,000.00, gintong medalya, at ng pagkakataong mailathala. Ang mga premyo ay maipagkakaloob sa isang nararapat na programang gaganapin sa Pambansang Araw ng Aklat Pambata sa Hulyo ng 2009.
Panuntunan ng Patimpalak
• Ang patimpalak ay bukas sa lahat ng mamamayang Filipino, maliban sa mga kamag-anak ng mga kasapi ng PBBY, hanggang sa pamilya ng pinsang makaitlo.
• Isinulat dapat ang kuwento para sa mga mambabasang edad 6 hanggang 12. Madadala dapat ng balangkas at daloy ang isang inilarawang aklat na may 28 hanggang 32 pahina.
• Ang mga ilalahok ay maaaring nasa Ingles o Filipino.
• Dapat ipasa ang mga kuwentong ilalahok nang naka-hard copy, at naka-double space sa short bond paper. Hindi dapat lumampas ang haba ng kuwento sa limang (5) pahina.
• Maaaring magpasa ang lalahok ng mahigit sa isang kuwento.
• Walang ibang pangalang dapat makita sa ipapasang kuwento bukod sa isang sagisag-panulat. Maglakip ng limang (5) kopya ng bawat kuwento sa isang sobre, at isulat rin sa sobre ang sagisag-panulat.
• Kasama ng kuwento, magsama ng pangalawang sobre at isulat rin dito ang sagisag-panulat. Sa loob ng pangalawang sobre, ilagay ang buong pangalan ng lumahok, tirahan, mga contact number, at maikling paglalarawan ng karanasang pampanitikan. Magsama rin ng isang notaryadong katibayan mula sa manunulat na nagpapatibay sa pagiging orihinal ng kuwentong inilahok, at sa pagpapalaya sa mga nagtataguyod ng patimpalak sa anumang pananagutan na maaaring magbuhat sa paglabag ng karapatang-ari sa panahon ng paglalathala, at nagpapatunay na ang kuwentong inilahok, sa anumang anyo nito, ay (a) hindi pa nailalathala at (b) hindi pa nananalo sa anumang patimpalak — na hindi pa ito nananalo ng una, ikalawa, ikatlong gantimpala, honorable mention, sa anumang patimpalak, o nagawaran ng medalya, pagkilala, o naisama sa isang nailathalang listahan ng mga katangi-tanging kalahok sa anumang patimpalak.
• Ipadala ang mga kuwentong ilalahok sa pamamagitan ng koreo sa PBBY Secretariat, c/o Adarna House, Inc. 2/F FSS Bldg. 20 Scout Tuason cor. Scout Castor Sts.,Brgy. Laging Handa, Quezon City 1103.
• Matanggap dapat ng PBBY Secretariat ang lahat ng ilalahok bago ang 5:00 N.H. ng ika-14 ng Nobyembre, 2008.
• Ang mga nanalo ay maipapaalám sa o bago ang ika-12 ng Disyembre, 2008. Lahat ng di-nanalong inilahok ay maaaring makuha sa PBBY Secretariat hanggang ika-6 ng Enero, 2009.
Ang magwawaging kuwento ang magiging basehan ng 2009 PBBY-Alcala Prize. Para sa iba pang detalye, maaaring makipag-ugnayan sa Philippine Board on Books for Young People, sa 2/F FSS Bldg. 20 Scout Tuason cor. Scout Castor Sts., Brgy. Laging Handa, Quezon City 1103, Telefax 372-3548 o sa email na pbby@adarna.com.ph.

