BUL-OL: Bulawan Online

Disyembre 2008

Isyu Blg. 4, Tomo 1

Tungkol sa May-Akda:

Si Joey Baquiran ay makata at guro ng Malikhaing Pagsulat sa Departamento ng Filipino sa U.P. Diliman. Nagsilbi siya bilang editor ng maraming libro, kabilang ang Pablo Neruda: Mga Piling Tula. Ang kaniyang libro ng tulang Onyx ay nagwagi ng National Book Award noong 2003.

Mga Kaibigan

Buklatan

Rio Almanac: Agosto-Setyembre 2008

Narito ang ilan sa mga pinagpipitaganang manunulat at makata ng Filipinas na isinilang sa mga buwan ng Agosto at Setyembre.

* * * * *

Marcelo H. Del Pilar (Agosto 30, 1850 — Hulyo 4, 1896)

ni Romulo P. Baquiran, Jr.

Kilala si Marcelo H. del Pilar bilang bayani ng Himagsikang Filipino at pangunahing Repormista. Higit na popular sa tawag na PLARIDEL, naging editor siya ng La Solidaridad. Ginising niya ang makabansang damdamin sa mga kapuwa ilustrado upang makibaka laban sa imperyalismong Espanyol.

Isinilang si Marcelo H. del Pilar sa Cupang (Barangay San Nicolas ngayon), Bulacan, Bulacan. Nag-aral siya sa Colegio de San José at nagtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1880.

Noong 1882, itinatag ni del Pilar ang Diariong Tagalog upang ipalaganap sa mga kababayan ang mga ideang demokratiko at liberal. Binatikos niya sa kaniyang masisteng panulat ang mga mapang-api at mapagsamantalang fraile, gaya ng mahabang sanaysay na La soberania monacal at sa tulang Sagot nang España sa Hibik ng Pilipinas.

Dahil sa banta ng pagdakip ng mga fraile, tumulak si del Pilar patungong Madrid, Espanya noong 1888. Noong Disyembre 1889, hinalilihan niya si Graciano López Jaena bilang editor ng La Solidaridad. Lumawak ang layunin ng publikasyon sa pamumuno ni del Pilar, kabilang ang pagpapatalsik sa mga fraile at sekularisasyon ng mga kura paroko; paglahok ng mga Filipino sa gobyerno; kalayaan sa pamamahayag at organisasyon; pagkakapantay-pantay sa ilalim ng batas; asimilasyon sa Espanya; at representasyon sa Cortes, o kongreso ng Espanya.

Bago namatay sa sakit na tuberkulosis, ipinahayag ni del Pilar na “Ang paghihimagsik ang huling lunas, lalo na kapag nakita ng taumbayan na wala nang magagawa ang mapayapang pamamaraan.” Naging isa sa inspirasyon ito ni Andres Bonifacio sa pagtatatag ng Katipunan.

Si Plaridel ang itinuturing na “santong patron” ng Filipinong mamamahayag, dahil tampok sa kaniyang pakikibaka ang kalayaan sa pagpapahayag, at ang pagsasakripisyo alang-alang sa kalayaan ng bayan.

* * * * *

Lope K. Santos (Setyembre 25, 1879 – Mayo 1, 1963)

ni Romulo P. Baquiran, Jr.

Bukod sa pagiging manunulat, si Lope K. Santos ay politiko, lider obrero, at kinikilalang “Ama ng Wikang Pambansa.”

Isinilang si Santos sa Pasig, Rizal. Binago niya ang gitnang pangalang “Canseco” tungo sa “Kanseko” para ipahiwatig ang pagkamakabayan. Nag-aral siya Escuela Normal Superior de Maestros at Escuela de Derecho; at nagtapos ng Batsilyer sa Arte sa Colegio Filipino.

Mula noong 1900, naglingkod siyang editor sa ilang babasahing Tagalog, gaya ng Muling Pagsilang at ng Sampaguita na kaniyang itinatag. Kilala rin si Santos na may-akda ng unang nobelang may diwang sosyalista, Banaag at Sikat (1906) at ng realistang tulang pasalaysay sa Ang Pangginggera (1912). Noong 1940, tinapos niya ang Balarila ng Wikang Pambansa na naging patnubay sa pagtuturo ng wikang Pilipino (Filipino ngayon) sa mahabang panahon.

Naging gobernador ng probinsiya ng Rizal noong 1910-1913, at hinirang na gobernador ng Nueva Vizcaya noong 1918- 1920. Sa ika-5 Lehislatura ng Filipinas, naglingkod siyang Senador ng Ika-12 Distrito sa ilalim ng Partido Nacionalista. Itinalaga siya ni Pangulong Manuel L. Quezon bilang direktor ng Surian ng Wikang Pambansa bago magkadigma.

Si Lope K. Santos ay isa sa mga pangunahing pasimuno ng Balagtasismo, ang kilusang pampanitikan sa bungad ng siglo 20 na may katangiang makabansa at konserbatibo na isang reaksiyon sa banta ng Amerikanisasyon. Tampok na testamento ng kodigong Balagtasista ang Peculiaridades de la Poesia Tagala (1929) at Ang Apat na Himagsik ni Balagtas (1955).

Ayon kay Virgilio S. Almario, “Halos nalaganapan [ni Santos] ang buong panitikang Tagalog bago magkadigma at waring walang balakin sa panahong iyon, mula sa pagtatatag ng Kapisanang Aklatang Bayan at Samahan ng Mananagalog hanggang sa pagbuo ng balagtasan at balarila, na nalingid sa kanyang pagsangkot at pamamahala.”1

__________
1Virgilio S. Almario. Ang Pangginggera at Mga Piling Tula ni Lope K. Santos. Maynila: Balagtas Bicentennial Commission, 1990. p. 1.

* * * * *

Angela Manalang Gloria (Agosto 7, 1907 - Agosto 19, 1994)

Isinilang sa Guagua, Pampanga ngunit lumipat ang kaniyang pamilya sa Tabaco, Albay nang madestino ang amang tesorero. Nagtapos ng summa cum laude ng kursong Ph.B. sa Literatura sa UP. Mula 1952, nagpasiyang mamuhay sa Albay at tumigi sa pagsulat ng tula. Noong 1940, itinanghal siya ng Graphic bilang “Natatanging Kabataang Babae sa Panitikan.” Nailathala noong 1993 ang The Complete Poems of Angela Manalang Gloria sa pamamatnugot ni Edna Zapanta Manlapaz.

Amado V. Hernandez (Setyembre 13, 1903 - Marso 24, 1970)

Isa sa mga unang manunulat na naitanghal na Pambansang Alagad ng Sining. Bukod sa pagiging makata, nobelista, at mandudula, isa rin siyang politiko, peryodista, at lider-manggagawa. Sa aklat na Kayumanggi at iba pang tula (1940) natipon ang kaniyang mga tula mula sa Panahon ng mga Amerikano. Higit siyang dinadakila sa koleksiyong Isang Dipang Langit (1961) at sa mahabang tulang pasalaysay, Bayang Malaya (1969). Kinikilala rin ang husay at pagkamakabayan ng kaniyang mga nobelang Luha ng Buwaya (1963) at Mga Ibong Mandaragit (1969).

Diosdado P. Macapagal (Setyembre 28, 1910 - Abril 21, 1997)

Naging ikalimang Pangulo ng Filipinas (1961-1965), isinilang siya sa Lubao, Pampanga. Bukod sa pagiging doktorado sa batas at ekonomiya, isa rin siyang aktor sa tanghalan.

Cirio H. Panganiban (Agosto 21, 1895 - 1954)

Galing siya sa isang nakaririwasang angkan ng Bocaue, Bulacan. Tapos siya ng abogasya at sa mga taong 1948-1954 ay nanungkulang direktor ng Surian ng Wikang Pambansa. Nalathala ang kaniyang mga tula sa Salamisim (1955).

Jose Garcia Villa (Agosto 5, 1908 - Pebrero 7, 1997)

Tubong-Singalong, Maynila, nag-aral siya ngunit hindi tinapos ang kursong medisina sa UP. Noong 1929, tumungo siya at tuluyang nanirahan sa Estados Unidos at doon nakapaglimbag ng mga koleksiyon ng tula, kabilang ang Many Voices (1939), Poems by Doveglion (1941), Have Come, Am Here (1942), Volume Two (1949), at Selected Poems and New (1958). Itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining noong 1973.

Rafael Zulueta Y Da Costa (Setyembre 27, 1915 - Hunyo 29, 1990)

Tubong-Paco, Maynila, nagsimula bilang makata sa Espanyol si Da Costa sa gulang na labindalawang taon. Naipasa ang mga kurso sa komersiyo sa DLSU bagama’t hindi nagawaran ng digri dahil ayaw kumuha ng ROTC. Nalimbag ang una niyang libro ng tula, ang First Leaves, noong 1937. Nagwagi ang kaniyang koleksiyon ng tulang Like the Molave sa unang Commonwealth Literary Contest noong 1940.

__________
Sanggunian:

  • Virgilio S. Almario, editor, Sansiglong Mahigit ng Makabagong Tula sa Filipinas (Pasig City: Anvil Publishing, 2006)

Mga Retrato:

  • Wikipedia, http://en.wikipedia.org/wiki/Marcelo_H._Del_Pilar
  • WikiFilipino, http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Lope_K._Santos