Muling-Tula Bilang Hamon sa Pagsasalin ng Tula
ni Virgilio S. Almario
MAY ISANG MATANDANG pamahiin hinggil sa pagsasalin at lumaganap ito o pinalaganap ng sawikaing Italyano na: Traduttore, traditore. Noon ngang 1989, isinalin ko itong: Tagasalin, salarin. May tila pandaigdigang paniwala na hindi maaaring tapatan ng salin ang orihinal. Kaya ang bawat salin ay isang pagtataksil, ayon sa mga Italyano; na tinapatan ko ng paglalaro sa salin bilang laging “sala rin” (dahil hindi maaaring maging lubos na wasto) at sa tagasalin bilang “salarin” (kriminal, dahil may nagagawa laging paglabag sa isinasalin).
Nakasalig ang pamahiing ito sa simulain ng pagsasalin bilang isang uri ng katapatan. Mahihiwatigan din na nakabantay ang mga apostoles ng katapatan sa larangan ng bokabularyo at idyoma. Na totoong isang imposibleng mithiin dahil na rin sa pangyayaring bawat wika ay nagmula sa isang kaligiran, kasaysayan, at kulturang iba sa kahit aling wika sa daigdig kaya’t mahirap mangyari na may dalawang wika na tila kambal at duplikado ng isa’t isa.
Ngunit hindi naman katapatan lamang ang simulain ng pagsasalin. O kaya, maaari namang ipahayag ang katapatan sa mga paraang hindi nangangahulugan ng salita-sa-salitang pagtatapatan ng wikang orihinal at wikang pinagsasalinan. Kung ang paglilipat ng kahulugan ang halimbawa’y pangunahing layunin ng pagsasalin, may mga taktika ng pagpapaliwanag – sa mahaba o maikling pangungusap – upang mailahad nang walang bawas ang isang dalumat/damdamin mula sa isang akda. Magkagayon pa man, lalo’t akdang pampanitikan ang nasasangkot, maraming dapat sikaping isalin ang tagasalin bukod sa kahulugan. Ang totoo, ang wastong pagsasaalang-alang sa ibang mga sangkap at katangiang pampanitikan, bukod sa kahulugan, ang malimit maging pamantayan sa tagumpay ng salin. Malimit kasing makumunoy sa tinatawag na “literal” na salin ang labis na pagpapahalaga sa kahulugan ng orihinal at kaya nalilimot hubugin ang salin bilang isang tula, katha, o dula. Minsan nga’y waring naimungkahi ni Matthew Arnold na higit na mahalagang mailipat ng tagasalin ang katangian ng isang makata o mangangatha sa pamamagitan ng salin sa halip na ilipat lamang sa kaniyang wika ang wika ng isinasalin.
Sa pagsasalin ng tula, ang paglilipat ng mga pangunahing katangian ng tula ang tinatawag kong “muling-tula.” Nagsisimula ito sa masusing pag-aaral sa masalimuot na katangian ng isasaling tula, sa panloob na mekanika nito bilang talinghaga, tayutay, sayusay, at anyong tradisyonal/makabago gayundin sa katangian nito bilang halimbawa ng paraan ng pahayag ng sumulat na makata at sa kabuluhan nito sa kasaysayan at lipunang kinalathalaan. Mula dito, naipaplano ng tagasalin ang isasagawang muling pagsasatula ng tula upang maging muling-tula. Ang ibig kong sabihin, tinatapatan ng tagasalin ng kaukulang mga katangiang maaari niyang madukal sa kaniyang sariling wika ang mga katangiang napag-aralan niya sa isinasaling tula upang maidulot sa madla ng kaniyang wika ang aliw at alindog ng tula sa mulaan nitong wika’t kasaysayan. Ang salin bilang muling-tula ay maaaring basahin at pahalagahan bilang tula – isang bagong tula – na may kakayahang ipakilala ang kakayahan at birtud ng orihinal na tula at sumulat nito sa mambabasang hindi maalam sa wika ng orihinal.
Paborito kong halimbawa ng muling-tula ang Rubaiyat ni Edward FitzGerald. Sinasabing natuklasan ang librong ito nina Swinburne at Rosetti sa isang tindahan ng aklat. Labis silang nasiyahan sa libro, kahit hindi nila kilala kung sino si FitzGerald at hindi rin nila nababasa si Omar Khayyam. Ano kaya’t alam nilang nakapagsalin na si FitzGerald ng ibang akda at hindi napansin? Ano kaya’t nabasa rin nina Swinburne at Rosetti si Omar Khayyam? Baka minaliit nila ang salin ni FitzGerald lalo’t nakita nilang hindi ito matapat sa mga orihinal na paraan ng pahayag ni Omar Khayyam. Ngunit hanggang ngayon, hinahangaan ng milyon-milyong mambabasa si Omar Khayyam dahil sa muling-tula ni FitzGerald, at marahil, mga iskolar lamang ang nag-iisip basahin ang Persian ni Omar Khayyam para lamang masuri ang katapatan ng salin ni FitzGerald.
Nakasasapat ang muling-tula ni FitzGerald para sa orihinal na tula ni Omar Khayyam. Bukod sa waring naipapahayag ng mga saknong ni FitzGerald ang nais sabihin ni Omar Khayyam, nasisiyahan ang mga mambabasa sa aliw at alindog ng salin bilang tula na inaasahan nilang kapantay ng orihinal na aliw at alindog ng tula ni Omar Khayyam.
IPAGPATAWAD NINYONG gamitin ko bilang dagdag na mga halimbawa ang aking sariling mga salin upang linawin pa ang ilang pamamaraang kaugnay ng muling-salin. Uunahin ko ang “Dilaw na Tagsibol”:
Dumating ang Abril, tigib
sa mga talulot na dilaw;
dilaw ang batis,
dilaw ang moog, ang gulod,
ang sementeryo ng mga musmos,
ang tumanang iyon na tahanan ng pag-ibig.
Nagbasbas ang araw ng dilaw sa mundo,
ng kaniyang nangalaglag na sinag;
ay! sa mga maningning na liryo,
sa tubig na ginto’t maligamgam;
sa mga dilaw na paruparo
sa mga rosas na dilaw!
Mga dilaw na tirintas at nakayakap
sa mga punongkahoy; maghapon
ang biyayang may samyo ng ginto,
sa isang ginintuang pagmulat ng buhay.
Sa gitna ng kalansay ng mga patay,
binuksan ng Diyos ang kamay na dilaw.
Salin ito ng “Primavera Amarilla” ni Juan Ramon Jimenez:
Abril venia, lleno
todo de flores amarillas:
amarilla el arroyo,
amarillo el vallado, la colina,
el cementerio de los ninos,
el huerto aquel donde el amor vivia.
El sol unjia de amarillo el mundo,
con sus luces caidas;
ay, por los lirios aureos,
el agua de oro, tibia;
las amarillas mariposas
sobre las rosas amarillas!
Guirnaldas amarillas escalaban
los arboles; el dia
era una gracia perfumada de oro,
en un dorado despertar de vida.
Entre los huesos de los muertos,
Abria Dios sus manos amarillas.
Higit sa lahat, isang tula ng pandama ang tula ni Juan Ramon Jimenez. Isang tula ito ng paningin, ng paninging may iisang kulay na nakikita – ang kulay na amarillo o dilaw. Parang may suot na espesyal at monokromatikong antipara ang nagsasalita sa tula, ang persona, kaya’t dilaw lamang ang nakikita sa paligid. Totoo, may mga bagay namang maaaring tunay na dilaw, gaya ng sinag ng araw, paruparo, at rosas sa ikalawang saknong. Ngunit nagiging kakaiba at kakatwa ang daigdig ng tula dahil sa natigib ito sa kulay na dilaw. Naging dagdag pang hiwaga ang pahayag sa pamagat na hinggil ito sa “tagsibol” (primavera) at naganap sa buwan ng Abril kaya’t dapat sanang asahan ang ordinaryong silakbo at bahaghari ng kulay ng kalikasan pagkatapos ng taglamig.
Sa kabilang dako, maaaring higit na nais itanghal ni Jimenez ang luwalhati ng pag-ahon mula sa taglamig sa unang araw ng tagsibol. Kaya may mga palatandaan ng Kristiyanong sagisag ng resureksiyon at redensiyon na nakatudling sa bawat saknong. Kaya tumataas ang kalidad ng tula mula sa payak na paglalarawan o impresyon tungo sa isang pahayag na mapanagisag kapag isinaalang-alang ang naturang mga sangkap na mitiko’t Kristiyano. Tumitingkad pa ito kapag inilahad sa paraang tumbasan, gaya ng libingan ng mga paslit at ng halamanan ng pag-ibig sa unang saknong o kaya’y ng matinding tunggalian ng kamatayan at buhay, ng wakas at pag-asa, sa imahen ng kalansay ng mga patay at ng kamay ng Diyos sa huling saknong.
Ang paghuli sa dalawang nabanggit na katangian ang pangunahing tungkulin ng muling-pagtula sa “Primavera Amarilla” ni Jimenez.
Sa aking pagsasalin, sinikap kong itapat ang “dilaw” sa amarilla/amarillo ni Jimenez. Maingat ko ring ipinuwesto ang “dilaw” kung saan ito matatagpuan sa orihinal, gaya sa “mga dilaw na paruparo” para sa amarillas mariposas ngunit “mga rosas na dilaw” para sa rosas amarillas. Hindi gaanong mahirap ang gayong pagtatapat. Kahit ang pagsasalin sa Kristiyanong pananagisag ay hindi ko gaanong ikinabahala. Malaking tulong sa bagay na ito ang wikang Kristiyano na malaon nang naitatag sa ating katutubong wika sa pamamagitan ng pasyon. Isang linya lamang – ang ikalawang taludtod ng ikalawang saknong — ang tatlong ulit kong binago dahil sa ipinalalagay kong laro sa luces caidas. Sa wikang Kristiyano, may dalawang sitwasyon ang caida. Una, ang pagiging makasalanan ng tao pagkaraan ng pagpapalayas sa Paraiso; at ikalawa, ang pagbababa sa bangkay ni Hesus mula sa krus bilang pagtubos sa orihinal na kasalanan ng tao. Walang tiyak na salita ang wika ng pasyon upang saklawin ang naturang dalawang sitwasyon. Kaya, para sa akin, isang pansamantala’t eksperimental na pagtatapat ang aking “nangalaglag” sa orihinal ni Jimenez, lalo’t sinipat ito sa loob ng buong ikalawang saknong.
Gayunman, hindi ganoon kahirap ang muling-pagtula sa orihinal na Jimenez dahil hindi mahigpit ang kahingian ng anyo nito. Bagaman, may sinusunod na padron ang bilang ng mga taludtod sa bawat saknong, wala itong malinaw na tradisyonal na anyo. Ang musika, halimbawa, ng aliterasyon sa huling pareado (huesos, muertos, Dios, manos) ay sinikap kong tapatan ng naiiba ngunit nahahawig na tayutay sa “kalansay,” “patay,” “binuksan,” “kamay,” at “dilaw.” At palagay ko’y nagtagumpay ako. Higit na mahirap ang trabaho ng tagasalin kapag may kailangang muling-isatulang tradisyonal na anyo ang orihinal.
UPANG MAITANGHAL PA ang higit na mabigat na hamon sa paglikha ng muling-tula ay narito ang tulang “Stopping by the Woods on a Snowy Evening” ni Robert Frost:
Whose woods these are I think I know,
His home is in the village though;
He will not see me stopping here
To watch his woods fill up with snow.My little horse must think it queer
To stop without a farmhouse near
Between the woods and frozen lake
The darkest evening of the year.He gives his harness bells a shake
To ask if there is some mistake.
The only other sound’s the sweep
Of easy wind and downy flake.The woods are lovely, dark and deep,
But I have promises to keep,
And miles to go before I sleep,
And miles to go before I sleep.
Isinalin ko itong “Paghinto sa Kakahuyan Isang Gabi ng Taglamig” at narito ang pagsisikap kong isatulang muli ang tula ni Frost:
Kung kaninong lupa ito palagay ko’y aking alam.
Ngunit siya’y nakatira sa bahay sa kabayanan;
Hindi niya makikita ang hinto kong ito rito
Upang masdang nahihitik sa n’yebe ang kakahuyan.Maging munting kabayo ko marahil ay nalilito
Sa paghinto gayong wala sa malapit kahit kubo
Ngayong gabing anung sungit ng karimlan at panahon
Sa pagitan ng dawagan at ng lawang naging yelo.Iniliglig ng kabayo ang kuliling ng gurnasyon
Upang waring kung kami nga’y namamali ay itanong.
Walang ibang naging sagot kundi ugong ng dumating
Na simoy na bugso-bugso at bubog na umaambon.Kakahuyan ay marilag, sakdal-dilim, sakdal-lalim,
Ngunit ako’y marami pang mga sumpang dapat tupdin,
Marami pang lalakbayin bago ako mapahimbing,
Marami pang lalakbayin bago ako mapahimbing.
Kaagad dapat mapansin ang tradisyonal na anyo ng “Stopping by the Woods on a Snowy Evening” ni Robert Frost. May takdang sukat ang unang taludtod, na binubuo ng apat na iambs, at sinunod ang padrong ito hanggang sa huling taludtod. Bawat saknong naman ay may apat taludtod at may tugmang isahan na nasisingitan ng naiibang dulong tugma sa ikatlong taludtod.Ang naiibang dulong tunog sa ikatlong taludtod ang siyang nagiging pangunahing tugma sa sumusunod na saknong, hanggang dumating sa ikaapat na saknong na naging purong tugmang isahan. Kaya’t kung babasahin ay ganito ang kabuuang padron ng tugma: aababbcbccdcdddd.
Sinikap kong lapatan ng katulad na tradisyonal na anyo ang aking salin. Una, ginamitan ko ang aking salin ng sukat na lalabing-animin upang makabuo ng ritmong 4/4//4/4 upang itapat sa set ng apat na iambs ni Frost. Ikalawa, sinunod ko ang padrong aababbcbccdcdddd ng orihinal. Ang mga pagtatapat na ito ng tradisyonal na anyo sa Ingles at sa Filipino ang pinakamahirap na yugto sa aking muling-salin.
Isa pang naging problema ko ang pagsasalin ng ilang katawagang katutubo sa mga Amerikano at sa Kanluran ngunit wala sa ating wika. Kailangan kong gamitin ang Espanyol na “niyebe” (nieve) para itapat sa snow. Samantala, kailangang iwasan ko ang downy flake at ipandaya ang “bubog na umaambon.” Kung magiging makulit, maaaring sabihin na hindi magkatulad ang farmhouse at ang “kubo.” At lalo namang hindi “kabayanan” ang village. Kapansin-pansin ang pagkakapalitan ng puwesto ng ikatlo at ikaapat na taludtod sa ikalawang saknong dahil sa dikta ng padron ng tugma.
Subalit may nawala ba sa ibig sabihin ni Frost? Maliligaw ba ng pag-unawa ang isang mambabasa kung ang salin lamang sa Filipino ang kaniyang mababasa? Kailangan pa ba niya ang orihinal na Frost pagkatapos mabasa ang salin sa Filipino? Ang sagot sa mga tanong na ito ang pamantayan, sa wakas, kung nagtagumpay o hindi ang muling-salin.
Ferndale Homes
7 Oktubre 2005

