BUL-OL: Bulawan Online

Disyembre 2008

Isyu Blg. 4, Tomo 1

Tungkol sa May-Akda:

Isa si Michael M. Coroza sa mga kinikilalang makata at manunulat ng bansa sa kasalukuyan. Nagkamit ng mga pangunahing gantimpala ang kaniyang mga tula, sanaysay, at maikling kuwentong pambata sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Mahalagang ambag sa Panulaang Filipino ang kaniyang mga aklat na Dili’t Dilim (1997) at Mga Lagot na Liwanag (2002). Noong 2005, pinagkalooban siya ng Gawad ng Pagkilala ng Komisyon sa Wikang Filipino dahil sa mahahalagang pagsisikap niya sa pagpapayaman at pagpapalaganap ng wika at panitikang pambansa. Noong 2007, tinanggap niya mula sa maharlikang pamilya ng Thailand ang prestihiyosong SEAWRITE o Southeast Asia Writers Award. Kasalukuyan siyang Assistant Professor sa Kagawaran ng Filipino, School of Humanities ng Ateneo de Manila University, nagtuturo ng Panitikan, Malikhaing Pagsulat, at Pagsasaling Pampanitikan.

Mga Kaibigan

Buklatan

Mga Varayti ng Wikang Filipino: Isang Pag-uusisang Teoretiko

ni Michael M. Coroza
Kagawaran ng Filipino, Paaralan ng Humanidades
Pamantasang Ateneo De Manila

Ang sosyo-lingguwistika ay sangay ng lingguwistika na nakatuon sa mga pamamaraan kung paanong kabahagi o nakapaloob ang wika sa lipunan ng tao.1 Sa obserbasyon ni John Spencer, isa itong malaki at lumalawak na larang ng mga gawaing interdisiplinaryo na nagtutuon ng pansin sa samutsaring paraan ng pagtatalaban ng mga penomenong lingguwistiko at panlipunan.2 Ayon kay Pamela C. Constantino, isa sa mga naging pokus ng larang na ito mula pa noong ikalabingwalong siglo ang pagkilala at pagsusuri sa mga varayti ng isang wika.3

Pagkat panlipunan, hindi naihihiwalay sa aktibidad ng mga tao ang gamit ng wika. Lagi nang may nag-iiba-ibang paraan ng pag-angkop ang wika sa sitwasyon ng paggamit dito. Ang varayti ay isang ekspresyong lingguwistiko na may gamit na natatakdaan ng mga nagbabago-bago at sitwasyonal na salik gaya ng rehiyon, hanapbuhay, o kinabibilangang uring panlipunan.4

Ang kinikilalang estandardisado o pambansang wika ay varayti lamang ng isang umiiral na wika.5 Binabansagan ding unibersal na anyo ng isang wika na may isang padron ng pagpapakahulugan, balarila, mga leksikon, at palatunugan, ang varayting ito na isang estandardisadong diyalekto ay nagagamit ng lahat ng nagsasalita ng iisang wika upang maunawaan ang isa’t isa bagaman pinaghihiwalay sila ng heograpiya o ng uring panlipunan o larang na kinabibilangan.6 Gayunman, sa isang lingguwistikong pananaw, walang varayti ng wika na itinuturing na nakahihigit o nakabababa sa ibang varayti. Ang nagiging estandardisadong varayti ay karaniwan nang nagmumula o itinataguyod ng isang sentrong pampolitika o pangkultura.7

Nakatuon ang papel na ito sa teoretikong pag-uusisa sa tinatawag na varayti ng wika. Isang pag-unawa ito hinggil sa pagkasangkapan sa mga teorya at kaalaman tungkol sa varayti ng wika sa layuning mabuo, mapatatag, at maipatanggap ang Filipino bilang wikang pambansa sa lahat ng mamamayan sa buong kapuluan ng Filipinas. Nililinaw ko na sa bahaging ito pa lamang na hindi ito isang panunuligsa o pag-upasala sa masisigasig na teorista at tagapagtaguyod ng mga varayti ng wika bilang kadluan ng katwiran para sa Filipino. Isang akademikong ehersisyo ito na walang ibang hangarin kundi ang higit na linawin ang halaga ng ating pambansang wika bilang instrumento sa pagbubuklod ng isang lahi. Inaasahan na ang mga tanong na mailalatag dito ay makatutulong sa ibayong pagpapaliwanag at pagpapalalim sa mga pananaliksik at diskurso ng mga dalubhasang tagapagtaguyod ng wikang Filipino.

Ang Varayti ng Wika

Ayon kay William Labov, isang likas na pangyayari ang pagkakaroon ng iba-ibang anyo o varayti ng isang wika.8 Para kina Michael Gregory at Susanne Carroll, isang kategoryang kontekstuwal ang varayti ng isang wika na may mga lingguwistikong katangian na nakikipagtalaban sa mga paulit-ulit na katangiang sitwasyonal. Anila, “A language variety is a sub-set of formal and/or substantial features which correlates regularly with a particular type of socio-situational feature.9

Sa madali’t salita, dahil penomenong panlipunan ang wika, ang mga taong nabubuklod sa iisang pook o nagkasama-sama dahil sa iisang gawain ay nakalilinang ng sari-sarili nilang paraan ng pakikiangkop sa paggamit ng wika. Tinatawag na diyalekto ang varayti ng wika na may balarila at bokabularyong nagbubunyag sa rehiyong pinagmumulan ng nagsasalita.10 Sa kabilang banda, sosyolek naman ang varayti na ibinubunga ng panlipunang kaligiran tulad ng antas na pang-ekonomiya, relihiyon, o anumang samahan o organisasyong kinabibilangan ng isang nagsasalita.11

Dahil sa heograpikong pagkakahiwa-hiwalay ng mga tao sa Laguna, Quezon, Cavite, Batangas, at Bulacan, bagaman pare-parehong Tagalog ang kanilang sinasalita, nagkakaroon ng pagkakaiba-iba sa bigkas, morpolohiya, mga leksikon, at maging sa pagbubuo ng pangungusap sa wikang kanilang ginagamit. Ang mga salitang matamis at ngayon, halimbawa, ay binibigkas na /matam•is/ at /ngay•on/ sa Laguna, Quezon, at Batangas. Para sa mga taga-Laguna, Quezon, at Batangas, “Nakain ka baga ng isda?” Para sa mga taga-Bulacan, “Kumakain ka ba ng isda?”

“Puyog na puyog” para sa taga-Laguna at Quezon ang isang taong “basang-basa ng ulan” para sa mga taga-Cavite o Bulacan. Pag sinabi mong “Ari po” sa Quezon, ang ibig sabihin, iinumin mo na ang tagay ng lambanog. Sa mga taga-Laguna, Batangas, Cavite o Bulacan, ang ibig lamang nitong sabihin ay “Narito po” o “Heto po” ang isang tao o bagay. Sa isang taga-Majayjay, Laguna, “nag-adyo” ang isang taong umakyat sa itaas ng bahay na para sa isang taga-Santa Maria, Bulacan ay “pumanhik.”

Kapansin-pansin na ang mga diyalekto ng Tagalog ay hindi lamang alinsunod sa dami ng mga lalawigan mayroon sa Katagalugan. Bawat bayan sa bawat lalawigan ay may sari-sariling diyalekto. Hindi lamang sa pagkakaroon o kawalan ng ilang leksikon nagkakaiba ang mga mamamayan ng bawat bayan sa isang lalawigan. Nagkakaiba-iba rin sila sa tunog o punto. At walang nagsasalita na walang punto. Hindi lamang ito nahahalata para sa mga gumagamit ng partikular na punto na nagsisilbing pamantayan o higit na kinikilala dahil nagmumula sa sentrong politikal at pang-ekonomiya tulad ng Kamaynilaan. Ipagpalagay mang kapuwa sumusunod sa estandardisadong balarilang Filipino na itinuturo sa paaralan ang isang taga-Lipa, Batangas, isang taga-Malolos, Bulacan, at isang taga-Quezon City, magkakaiba pa rin sila ng bigkas sa pangungusap na, “Kumain ka na ba?” o “Dumating ka na pala.”

Pansinin din na dahil sa pisikal na katangian ng mga bayan o pook na pinagmumulan ng nagsasalita, may nagkakaiba-ibang karanasan kaya’t may nagkakaiba-ibang konsepto na inaangkupan ng salita. Sa mga bayang nasa paanan ng bundok gaya ng Majayjay, may dalawang pangunahing direksiyon na madalas gamitin sa pagtuturo ng kinaroroonan ng isang tao o bagay: ang ilaya at ibaba. Hindi ito maitutumbas sa hilaga at timog. Kung itatanong halimbawa, “Saan ho ang simbahan?” Ang magiging tugon: “Sa ibabang Blumentritt” kung ang kinaroroonan ng nagtanong at tinanong ay nasa mas mataas na bahagi ng bayan. Kung sa bandang ibabang bahagi ng bayan nagtanong, ang magiging tugon ay ganito: “Sa bandang ilaya ng munisipyo.” Mula rito, mahihiwatigan na higit na mababa sa kinaroroonan ng simbahan ang kinaroroonan ng munisipyo.

Dahil matagal din akong nanirahan sa Majayjay, naging bahagi ng sistema ng aking pag-iisip ang ilaya at ibaba. Noong manirahan kami sa Lungsod ng San Pablo, sa Laguna pa rin, na isang kapatagan na katatagpuan ng pitong maalamat na lawa, nalito ako sa pagtuturo ng direksiyon sa pagsusulit na ibinigay ng guro ko sa Araling Panlipunan noong nasa unang baitang ako. Sa halip na hilaga at timog ang itumbas ko sa “north” at “south,” ilaya at ibaba ang aking ginamit. Hindi ko naisip na maaaring maging hilaga o timog ang alinman sa ilaya o ibaba dahil hindi naman nakabatay sa pinagmumulan ng hangin at posisyon ng araw ang mga panawag na ito sa direksiyon sa Majayjay. Batay lamang ang mga ito sa posisyong kinaroroonan ng sinuman o anuman sa paanan ng bundok.

Bukod sa Tagalog, tinatayang may higit sa isandaang wika sa buong Filipinas. At bunga ng heograpikong pagkakahiwa-hiwalay ng mga gumagamit ng lahat ng wikang ito, tinatayang mahigit sa apat na raan ang kabuuang bilang ng mga diyalekto sa buong bansa.12 Kaya kung paanong may mga diyalekto ang Tagalog, gayundin, may mga diyalekto ang Cebuano, Ilocano, Kapampangan, at iba pang wika sa iba’t ibang panig ng ating kapuluan.

Sa kabilang dako, nabubuo ang sosyolek sa pagsasama-sama ng mga tao bunga ng pagkakaroon nila ng magkakatulad na gawain o hanapbuhay, relihiyon, at ng kung ano pang makapagbubuklod sa kanila. Kung biglang mapaumpok ka sa isang grupo ng mga doktor at nagkataong nag-uusap-usap sila tungkol sa isang sakit o uri ng gamot o paraan ng paggagamot, kahit pa nasa Filipino o Tagalog ang kanilang pagpapalitang-kuro, mapapansin mong parang may hindi ka maunawaan sapagkat may mga salita o idyoma na tanging sila lamang bilang mga doktor ang nakaaalam.

Para sa mga tulad kong hindi lumaking mahilig sa basketbol, nakahihiyang makihalubilo sa mga mananampalataya ng tila pambansang larong ito. Noong minsang mapasama ako sa outing ng klase namin sa kolehiyo, napaumpok ako sa mga lalaking masugid na tagahanga ng noon ay sikat na sikat na koponan ng Ginebra. Hindi ko nasakyan ang kanilang usapan na may kinalaman sa pagbubuslo, ley-ap, ringles, at bangko, at kung ano-ano pa. Pagpapasok ng bola sa ring ang “pagbubuslo,” isang paraan ng pagbubuslo ng bola nang nakalahad ang palad at may kasamang talon malapit sa ring ang “ley-ap,” pagpapasok ng bola na hindi sumasayad sa ring ang “ringles,” at hindi pagkakapasok sa laro o ang pananatiling nakaupo sa bangko ng manlalaro ang “mabangko.”

Sa isang kolehiyong dati kong pinagturuan, madalas na nakakakuwentuhan ko sa pamamahinga sa faculty room ang dalawang kapuwa guro na parehong bading. Minsan ay sinita ng mas nakatatanda ang isa na halos kaedad ko lamang, “Hoy, naimbiyerna raw ang mga estudyante mo kanina. Wis daw nag-apir ang biyuti mo. Siguro nanghada ka na naman kagabi, no?” Dati ko nang naririnig ang imbiyerna na sa intindi ko ay “nainip” o katumbas ng idyomang “namuti ang mata sa kinahihintay.” Nakapagtataka nga lamang kung paanong naging katumbas ng pagkainip ang nasabing salita na “winter” ang kahulugan sa orihinal nitong anyo sa Kastila. Kung sa bagay, nakaiinip, nakababaog, at nakamamatay naman talaga ang matagal na taglamig. Hindi na rin gaanong bago ang “wis” na katumbas ng wala o hindi at “apir” na tuwirang hango sa salitang Ingels na “appear.” “Hada” o “panghahada” ang tawag sa paghahanap ng makakatalik na lalaki.

Sa dinami-rami ng pag-uuri-uri at pagpapangkat-pangkat ng mga tao sa Katagalugan pa lamang, tiyak na ganoon din karami ang sosyolek ng wikang Tagalog. At ang mga sosyolek na ito, pati na ang mga diyalekto, ay nagkakasama-sama o nagkakaengkuwentro sa isang komunidad o pamayanan ng isang wika.13

Ang Wikang Filipino

Nasyonalismo ang nagluwal sa wikang pambansa noong mga unang dekada ng siglo dalawampu. Isang pangangailangan ito sa pagtataguyod ng pambansang kapakanan at pagkakakilanlan, isang paraan ng pagkilala at paggigiit ng higit na awtentikong sarili ng mga Filipino sa harap ng mga mananakop na Amerikano. Ngunit para sa ilang kritiko, isang dominasyon o isang mapanlinlang na anyo ng pananakop ang pagkakapili sa Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa noong panahon ng Komonwelt. Isa raw itong imperyalistiko at di-makatarungang hakbang ng Pangulong Manuel L. Quezon na nagsaisantabi sa wika at kultura ng mga di-Tagalog. Sabi nga ni Aurelio Agcaoili:

Sanhi ng kanyang pagmaniobra, ang makatarungang konsepto na nagtatatag ng ‘panlahat na pambansang wika na nakabatay sa umiiral na mga wika’ sa bansa ay naging di makatarungan nang ang batayang konsepto ay naging ganito: ‘pagpapaunlad at pagtanggap sa isang panlahat na pambansang wika na batay sa isa sa mga umiiral na mga katutubong (dialekto) wika.14

Dahil sa diumano’y hindi maluwag na pagtanggap ng mga mamamayan sa Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa, na paglaon ay tinawag na Pilipino, minarapat ng mga tagapagplanong pangwika na baguhin ang pagkilala rito. Sa pagtatakda ng mga konstitusyon ng 1973 at 1987, ang wikang pambansa ng Filipinas ay kinilala bilang Filipino. Nakasalig ang pagiging wikang pambansa nito sa pagiging pambansang lingua franca nito. Ito ang wikang ginagamit sa pagtatalastasan ng mga taong hindi nabibilang sa iisang rehiyon kung kaya’t may kani-kaniyang wikang sinasalita. Sa madali’t salita, ito ang pangkalahatang medium ng komunikasyon sa buong kapuluan.15

Sa ganitong pagsusulong ng bagong pagkilala sa Filipino bilang wikang pambansa natagpuan ng ating mga dalubhasa sa wika ang pakinabang sa mga teorya at kaalaman sa varayti ng wika. May bisang sikolohiko daw ito sapagkat makapagpapaiba sa damdamin at paraan ng pagtanggap ng mga mamamayan, lalo na sa mga di-Tagalog, sa wikang pambansa. Magkakaroon daw ang bawat isa ng kamalayan sa pagiging sangkot at may mahalagang papel sa pagpapaunlad ng Filipino.16

Ngunit totoo nga kayang ang Filipinong ito na ipinatatanggap sa mga mamamayan ng Filipinas ngayon bilang wikang pambansa ay hindi na ang Tagalog na itinalagang maging batayan ng wikang pambansa ni Manuel L. Quezon? Isang wika na nga ba ang Filipino na may mga varayti tulad ng Filipinong Tagalog, Filipinong Cebuano, o Filipinong Ilocano? Kung ang isang pambansang wika, gaya ng nabanggit na sa simula, ay isang estandardisadong varayti at isang varayti rin lamang talaga ng isang wika, ano o kanino ang estandardisadong varayti na pinagbabatayan o siyang kinikilalang Filipino?

Tagalog, Pilipino, Filipino

Sa edisyon ng A Dictionary of Language ni David Crystal noong 1999, ganito ang nakatala tungkol sa pambansang wika ng Filipinas:

Pilipino The name given to the national language of the Philippines, when the country became independent in 1946, now spoken by over 40 million people (c. 60% of the population). It is a standardized form of Tagalog, an indigenous Austronesian language spoken by c. 15 million people as first language in central and south-western parts of the islands of Luzon, which includes the capital, Manila, and parts of Mindanao. It is written in the Roman alphabet. It is now taught in schools, and has become a lingua franca throughout the Philippines (along with English). In the 1970s a further attempt was made to create a national language, based less on Tagalog, and this came to be called Filipino. However, this has not replaced Pilipino.17

Maraming dapat pansinin mula sa siping ito. Una, sa pagtingin ni Crystal, Pilipino pa rin ang kinikilalang pambansang wika ng Filipinas. Estandardisadong anyo ito ng Tagalog na kinikilalang isang katutubong wika sa bansa. Halos may kalahating siglo nang itinuturo ang wikang ito sa mga paaralan at naging lingua franca na sa buong kapuluan. Ang pagtatangkang lumikha ng isang wikang hindi gaanong batay sa Tagalog, ang Filipino, ay naganap noong dekada sitenta. Gayunman, ang pagsasabing hindi ito gaanong batay sa Tagalog ay hindi nangangahulugang hindi na talaga ito batay sa Tagalog.

Bukas na tumatanggap daw ang Filipino ng mga ambag mula sa iba pang wika sa Filipinas at maging sa Ingles at iba pang wika, banyaga man o katutubo, na ginagamit o umiiral sa Filipinas. Kung lingua franca nga ito, naiiba kaya ito sa pagiging lingua franca ng Pilipino? Hindi kaya mas tumpak na sabihin o aminin na ang lingua franca na kinikilalang Filipino ay ang varayti ng Pilipino na nalinang bunga ng patuloy na paggamit dito sa mga paaralan at sa radyo, telebisyon, pelikula, at sa mga awiting popular pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig?

Kung totoong multilingguwal na bansa ang Filipinas, wala talagang maituturing na isang wika na magagamit sa pag-uusap ng mga tao rito. Sadyang mabubuo ang lingua franca sa pagitan ng mga taong may iba’t ibang wika upang magkaroon sila ng magagamit sa pagtatalastasan. Ngunit bago pa man kilalanin ang pag-iral ng lingua franca na kung tawagin ay Filipino sa Filipinas, matagal nang nagtatalastasan ang mga tao rito. At dahil mula pa noong panahon ng Kastila hanggang sa kasalukuyan ay Maynila ang sentro ng mga aktibidad na pampolitika at pang-ekonomiya, ang varayti ng wikang Tagalog dito ang naging batayan ng lingua franca sa buong kapuluan. Kaya hindi kataka-takang ang Tagalog-Maynila na ito, hindi ang Tagalog ng Baler, Tayabas na siyang varayti ng Tagalog na alam ni Manuel L. Quezon, ang naging batayan ng wikang pambansa na idineklara noong kalagitnaan ng dekada tatlumpu.

Nang maitakdang ituro ang pambansang wikang ito mula noong 1940, kinailangang magkaroon ito ng estandardisadong anyo. Dahil pambansang pagtatalastasan ang layunin, isang mahalagang pangangailangan ang estandardisadong anyong ito. Lalo’t isasaalang-alang ang kalikasang pabago-bago ng pabigkas na wika at ng mga diyalekto nito, kinailangang magkaroon ito ng estandardisadong paraan ng pagbigkas at pagsulat.

Sa obserbasyon ni E. D. Hirsch Jr., “Early grammarians and the makers of spelling books and dictionaries were often forced to choose from among several accepted possibilities, and in all cases had to freeze the then current form of the language, thus inhibiting further grammatical or phonetic evolution.18 Ngunit hindi ito nangangahulugan na nagsara na ang isang wikang estandardisado sa mga sitwasyonal na pagbabagong dapat angkupan ng wika. Bilang buháy na wikang nakikisabay sa takbo ng panahon, patuloy itong tumatanggap ng mga bagong salita at gamit ng salita na ibinubunga ng modernisasyon at pagsalimuot ng mga karanasan ng tao. Muli, paliwanag ni Hirsch, “…standard languages are not conservative in evolving vocabulary. New words are constantly coming into use, and old ones are constantly disappearing. In short, though standard languages are created artificially, they continue to evolve naturally.19

Pansinin, halimbawa, ang gamit ng wika sa isa sa mga tula ni Lope K. Santos, ang kinilalang “Ama ng Balarila” at laging binabalikan at binibira bilang may sarado o konserbatibong pananaw sa paggamit ng wika:

Ganyan, ganyan araw-araw ang demonyong telepono,
pahatiran ng pag-ibig at mesendyer ng magnobyo:
sa halip na gamitin lang sa bisnisan at negosyo,
hindi’t dahil sa sintahan, laging bisi’t okupado.20

Dekada singkuwenta na marahil sinulat ang akdang ito. Pansinin na hindi lamang tumanggap ng Ingles na salita (”mesendyer”) si Lope K.Santos, binanghay pa niya ayon sa panuntunan ng wikang Pilipino o estandardisadong Tagalog (”bisnisan”), bagay na karaniwan nang ginagawa lalo na ng mga kabataan sa kasalukuyan sa buong kapuluan. Maláy si Lope K. Santos na Tagalog ang kaniyang ginagamit, at gaya ng pinatutunayan ng tulang ito, hindi siya sarado sa mga posibilidad ng pagtanggap ng bagong salita. Ganito rin si Levi Celerio, Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika at Panitikan, na sumulat ng maraming awit na naging popular noong huling anim na dekada ng siglo dalawampu. Tingnan, bilang halimbawa, ang letra ng awiting “No Money, No Honey” na paksang awitin ng isang tanyag na pelikula noong dekada singkuwenta:

No money, no honey,
Nawawala ang honey kung wala kang money.
No money, no honey,
Bakit kaya ganyan ang laging nangyayari?
If you have much money,
Hindi mabilang ang nagmamahal sa dami
Subalit kung maghirap ka,
Diyan ka na, dito kami,
No money, no honey.

May madalas na nangyayari
Sa lalaki at babaeng may honey,
Ang pagsinta dahil sa money,
Kailan man ay indi nagiging happy.
No money, no honey,
Mabuti at sama ang dulot nitong money.
Kapag naubos na ito sa araw man o gabi,
No money, no honey.21

Nang sulatin ni Rolando S. Tinio, Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro at Panitikan, ang susunod na tula na isa ngayon sa mga kinikilalang mohon ng modernong tula sa Filipinas, Tagalog o Pilipino ang alam niyang ginagamit niyang wika:

Sa poetry, you let things take shape,
Para bang nagpapatulo ng isperma sa tubig.
You start siyempre with memories,
‘Yung medyo malagkit, kahit mais
Na mais: love lost, dead dreams,
Rotten silences, and all
Manner of mourning basta’t murder.
Papatak ‘yan sa papel, ano. Parang pait,
Kakagat ang typewriter keys
You sit up like the mother of anxieties.
Worried na worried hanggang magsalakip
Ang odds and ends ng inamag mong pag-ibig.
Jigsaw puzzle. Kung minsan, everything fits.
Perso sige ang pasada ng images
Hanggang makuha perfectly ang trick.22

Kung tutuusin, ang wika ni Tinio sa tulang ito ay isang sosyolek. Varayti ng wika ito ng mga Filipinong taga-Maynila at edukadong babad sa Ingles kaya’t malaking bahagi na ng kanilang karanasan ang nasa wikang Ingles. Kaya sa paggamit nila ng Tagalog o Pilipino, malaya nang pumapasok ang bokabularyong Ingles sa kanilang pangungusap. Palibhasa’y dominado ng ganitong klase ng mga tao ang media, ganito ang wikang naririnig natin ngayon sa radyo, telebisyon, at pelikula. Taglish ito kung ituring noong araw, ngunit ang totoo, varayti ito ng Tagalog o Pilipino. Dahil ito ang wikang napalalaganap sa buong kapuluan sa pamamagitan ng media mula sa kalakhang Maynila, ito na nga ang ating pambansang lingua franca. Ito na ang Filipino, kung gayon.

Ito na ang klase ng Filipino na ginamit nina Consuelo J. Paz, Viveca V. Hernandez, at Irma U. Peneyra sa kanilang aklat na Ang Pag-aaral ng Wika (2003). Pansinin ang isang sipi mula sa unang kabanata ng kanilang aklat: “Magbibigay ang chapter na ito ng oberbyu sa wika bilang isang atribyut na yunik sa tao at sa Linggwistiks bilang disiplin kung saan ang mga wika ang pinag-aaralan.”23

Higit na mahirap ang hinihingi ng ganitong lingua franca sa mga mamamayang gagamit nito. Kung ganito ang estandardisadong anyo ng lingua franca na kikilalanin bilang wikang pambansa, kailangang matuto ng Ingles kahit ang karaniwang mamamayan. Paano aasahang maintindihan ng tindera sa palengke o isang basurero na hindi nakatapos man lamang ng ikaanim na baitang ang mga salitang “oberbyu,” “atribyut,” at “yunik”? Kung sa bagay, hindi naman magbabasa o makikinig ang mga taong nabibilang sa gayong uri sa mga panayam nina Paz at mga kasama tungkol sa Lingguwistika.

Kaugnay ng mga varyant na diyalektal, dahil nga sa napalaganap na ng mass media ang uri ng lingua franca na tinalakay sa itaas, karaniwan nang makarinig mula sa isang Cebuano ng ganitong pangungusap, “Nganu ka nag-doubt sa ginasulti ko?” O sa isang Ilonggo, “San-o ka mag-vacation sa province?” Ngunit varyant nga ba ito ng Filipino (na hindi na gaanong batay sa Tagalog) o varyant ng Cebuano at Hiligaynon mismo?

Kung halimbawa kasing sasabihin ang nabanggit na pangungusap ng isang Cebuano sa isang Ilocano, kung nakauunawa ang huli ng Ingles, makikilala at maiintindihan nito ang salitang “doubt.” Ngunit malamang na mangapa ito sa kahulugan ng “nganu” at “ginasulti.” Gayundin sa kaso ng pangungusap ng Ilonggo. Kung halimbawa’y sabihin niya ito sa isang Kapampangan, maiintindihan tiyak ng huli ang “vacation” at “province” lalo’t nag-aral naman ito, ngunit tiyak na mahihirapan ito sa “san-o.” Ngunit kung sa halip ay ginamitan ng mga salitang Tagalog ang sinabi ng Cebuano, “Bakit ka nag-doubt sa sinasabi ko?” o ng Ilonggo, “Kailan ka mag-vacation sa province?”, tiyak na walang dudang magkakaintindihan sila dahil pasok na ang mga pangungusap na ito sa pamantayan ng pambansang lingua franca.

Ganito rin ang maoobserbahan kahit sa mga sinusulat ng ating mga dalubhasa sa wika. Bagaman may pagkilala sila sa varyant ng mga wika, diyalektal man o sosyolek, kailangan nilang umayon o sumunod sa isang sa wari ay “di-nasusulat” na pamantayan upang maintindihan. Pansinin ang isang siping ito mula sa isang artikulo ni Jovy M. Peregrino: “Hindi maaaring ituring na mali ang aksent ng mga rehiyonal na varayti dahil ito’y may sosyolingguwistikong katangian sa mga gumagamit ng partikular na wikang iyon.”24 Ngunit sa dulo ng sinipiang artikulo ni Peregrino, pinili niyang magtapos sa ganitong paraan: “Ha akon huna-huna, maupay ini nga tiempo para paupayon pa it konsultasyon tungod ha varayti hit national language ha iba-iba nga lugar ha Filipinas. Huna-hunaon naton nga it Filipino na Waray waray it primera nga language ha pagtutdo ha eskuwelahan.”25

Mabuti na lamang at pagtatapos na ang talatang ito, isang pagbubuod ng lahat ng kaniyang sinabi sa buong papel. Kung nagkataong sinulat niya sa ganitong paraan ang buong papel, na hindi naman niya talaga gagawin sa ngalan ng pambansang pagkakaunawaan, tiyak na tanging mga Waray ang makaiintindi sa kaniyang sinabi. Kailangan pa rin niyang magbalik sa estandardisadong varayti, sa varayti na nagmumula at itinataguyod sa sentro ng mga aktibidad na pampolitika at pang-ekonomiya—Maynila.

May iba pa kasing isinasaalang-alang sa pasulat na wika, na hind isinasaalang-alang sa harap-harapang pabigkas na pag-uusap. Pagdiriin nga ni E. D. Hirsch:

An oral dialect cannot be transposed directly into a standard written language. The conventions of oral dialects evolved from using language in face-to-face situations, whereas written languages, which Haugen calls grapholects, must be adapted to anonymous situations in which the writer cannot be sure who the reader will be.26

Gayunman, napakahalaga ng puntong binigyang-diin ni Peregrino sa kaniyang artikulo: “Ang mga varayti ay magsisilbing varayti lamang sa isang lugar o grupo ngunit hindi mananatiling pangkanilang lugar lamang o grupo ang mga salita dahil sa oras na magkakontak ang dalawang varayti, hindi maiiwasang malaman o matutuhan natin ang kanilang varayti.”27 Ngunit kahit posible, hindi laging mangyayari ang ganito lalo’t isasaalang-alang ang teorya ng akomodasyon sa wika ni Howard Giles. Sa pakikipag-ugnayan ng tao sa ibang tao, gumagaya o nakikibagay siya sa pagsasalita ng kausap upang bigyan ng halaga ang kaniyang pakikiisa, pakikipagpalagayang-loob o pagmamalaki na kabilang siya sa grupo. Ito ang tinatawag na speech convergence. Sa kabilang banda, tinatawag na speech divergence ang laging paggigiit ng isang tao ng sariling paraan niya ng pagsasalita sa isang pangkat ng tao. Sa ganitong paraan, manganganib na lagi siyang maisantabi o mapahiwalay sa nakararami.28

Ang totoo, manaka-nakang nakatutunghay tayo ng mga pagpasok ng mga varyant na diyalektal o sosyolek sa pambansang lingua franca sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mass media. Nitong nakaraang sampu hanggang dalawampung taon, naging maluwag ang pagpasok ng mga salitang “kuno,” “etching,” “suportahan ta ka,” na kung hindi naitampok sa programa o patalastas sa radyo at telebisyon ay nagamit naman sa pelikula. Gayon kalakas ang mass media kaya hindi mababalewala ang halaga nito sa pagbuo at pagkalinang ng wikang pambansa. At dahil sa bilis ng mga pangyayari, mahihirapan ang sinumang manggagawang pangwika sa pagtatala ng mga pagbabagong nagaganap sa estandardisasyon at mga praktikal na gamit ng wika.

Mahalagang bagay rin ang mga proyektong tulad ng taon-taong ginagawa ng Filipinas Institute of Translation, ang Sawikaan: Mga Salita ng Taon. Sa gawaing ito na idinaraos tuwing Agosto ng bawat taon mula pa noong 2004, nagtitipon-tipon ang mga eksperto o sinumang may malaking interes sa wika upang pag-usapan ang mga bagong salitang nadagdag sa bokabularyong Filipino. Sa nalathalang pagsasaaklat ng mga pagtalakay sa mga bagong salita ng taon noong 2004, makikita ang mga salitang hiniram tulad ng fashionista at text o hinango mula sa mga umiiral nang salita sa ibang rehiyon sa Filipinas tulad ng salbakuta na galing diumano sa Bikolnon.29

Paglalagom

Tinangkang usisain sa papel na ito ang konsepto ng varayti ng wika at kung paano ito makakasangkapan sa pagbuo at maluwag na pagpapatanggap ng wikang pambansa sa mga mamamayan ng buong kapuluan. Sa naging pagtalakay, naipakita kung paanong sa paraang teoretiko ay maigigiit na bilang lingua franca, ang Filipino ay varyant ng Pilipino na isang estandardisadong Tagalog. Ito marahil ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, hindi pa nababago ang pagkilala ng mga lingguwistang dayuhan sa ating wikang pambansa. Para sa kanila, ito pa rin ang Pilipino na estandardisadong anyo ng Tagalog.

Ngunit kahit Tagalog ang pinagbatayan o kahit na sabihing di-na-gaanong Tagalog ang Filipino, malaki na talaga ang iniunlad ng wikang pambansa. Dahil sa pagtataguyod na iniukol ng mga paaralan at ng mass media, higit sa lahat, naging malaganap ang wikang pambansa na kung tawagin mang Tagalog o Filipino ay hindi na mahalaga pa sa mga mamamayang gumagamit. Obserbasyon nga ni Virgilio S. Almario, “Kailangan lamang tingnan ang paglusog ng komiks, pelikula, at awitin sa Filipino para makilala na tinatanggap at naiintindihan ito sa buong bansa.”30 Ang hindi ganap na pagtanggap dito ay higit na usaping politikal sa halip na lingguwistiko—nasa tao at wala sa wika mismo ang problema.

Para kay Pamela C. Constantino, sa kabilang dako, makatutulong sa paglutas ng suliraning ito ang mga kaalaman sa varayti ng wika. Para sa kaniya, may bisang sikolohiko ang pagkaalam ng mga varyant ng wika para sa mga tao. Makapagpapasimula ito ng pagbabago sa pagtanggap ng mga tao sa wika. Dahil dito, aniya, “Magkakaroon ng kamalayan ang mga tao na may bahagi siya o papel sa pagpapaunlad ng wikang pambansa.”31

Mula rito, tulad ng iginiit ni Jovy M. Peregrino, nasa pagtatagpo-tagpo ng mga varyant ng wika o ng lingua franca sa mga partikular na lugar at sitwasyon ang pagkamalay natin sa pagkakaiba-iba natin. Isang birtud pala itong maituturing sapagkat lumalabas na nasa pagkakaalam natin sa ating pagkakaiba-iba ang prinsipyo ng ating pagkakaisa. Kung sa bagay, mahalagang paalala nga ni E. D. Hirsch, Jr. para sa ating lahat: “every national language is a conscious construct that transcends any particular dialect, religion, or social class.32

__________________________________
1David Crystal, A Dictionary of Language (Chicago: The University of Chicago Press, 1992 at 1999), p. 311.
2John Spencer, “General Editor’s Preface,” sa Michael Gregory at Susanne Carroll, Language and Situation: Language Varieties and their Social Contexts (London, Henley at Boston: Routledge & Kegan Paul, 1978), p. vi.
3Pamela C. Constantino, “Varayti at Varyasyon ng Wika: Historya, Teorya at Praktika,” sa Jovy M. Peregrino, Pamela C. Constantino, at Nilo S. Ocampo, mga editor, Minanga: Mga Babasahin sa Varayti at Varyasyon ng Filipino (Quezon City: Sentro ng Wikang Filipino, Sistemang Unibersidad ng Pilipinas, 2002), p. 20.
4Crystal, Dictionary, p. 356.
5Nilo S. Ocampo, “Mga Varayti ng Wika,” sa Peregrino, Constantino, at Ocampo, mga editor, Minanga, p. 2.
6Gregory at Carroll, Language and Situation, p. 6 at 21.
7Constantino, “Varayti at Varyasyon ng Wika…,” sa Peregrino, Constantino, at Ocampo, mga editor, Minanga, p. 21.
8Pamela C. Constantino, “Pluralidad Tungo sa Identidad: Ang Varayti ng Wikang Filipino sa Pagbuo ng Wika at Kamalayang Pambansa,” sa Peregrino, Constantino, at Ocampo, mga editor, Minanga, p. 56.
9Gregory at Carroll, Language and Situation, p. 5.
10Crystal, Dictionary, p. 87.
11Ibid., p. 310.
12Donna Hope L. Moran, “Lingguwistiko at Heograpikong Varayti sa Pilipinas,” sa Peregrino, Constantino, at Ocampo, mga editor, Minanga, p. 63.
13Constantino, “Varayti at Varyasyon ng Wika…,” sa Peregrino, Constantino, at Ocampo, mga editor, Minanga, p. 20.
14Aurelio S. Agcaoili, “Multilektaliti, Multilinggwalism, Inhinyerya ng Wika, at Panlipunang Katarungan—O May Problema nga ba ang Wika ng Bansa?” sa Aurelio S. Agcaoili; Melania Lagahit-Abad, at Patnubay S. Tiamzon, eds. Salaysay: Pananaliksik sa Wika at Panitikan (Quezon City: Kaguro sa Filipino at Miriam College, 2001), p. 64.
15Jesus Fer. Ramos, “Ilang Impormasyon Tungkol sa Wika,” sa Lilia F. Antonio at Ligaya Tiamson-Rubin, mga editor, Sikolohiya ng Wikang Filipino (Quezon City: C&E Publishing, Inc., 2003), p. 12-13.
16Constantino, “Pluralidad Tungo sa Identidad…,” sa Peregrino, Constantino, at Ocampo, mga editor, Minanga, p. 58.
17Crystal, Dictionary, p. 264.
18E. D. Hirsch, Jr., Cultural Literacy: What Every American Needs to Know (Boston, Massachusetts: Houghton Mifflin Company, 1987), p. 78.
19Ibid., p. 82.
20Unang apat na taludtod ng tulang “Ang Telepono,” sa Virgilio S. Almario, editor, Ang Pangginggera at mga piling Tula ni Lope K. Santos (Maynila: Balagtas Bicentennial Commission, 1990), p. 116.
21Sa pagkakasipi sa Michael M. Coroza, “Ang Awit Bilang Tula o si Levi Celerio Bilang Makata,” Bulawan 11 (April 2004): 47.
22Rolando S. Tinio, “Sa Poetry,” sa Virgilio S. Almario, editor, Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino (Maynila: Philippine Education Co., Inc., 1981), p. 351.
23Consuelo J. Paz, Viveca V. Hernandez, at Irma U. Peneyra, Ang Pag-aaral ng Wika (Quezon City: The University of the Philippines Press, 2003), p. 1.
24Jovy M. Peregrino, “Ambag ng Waray sa Pambansang Lingua Franca,” sa Peregrino, Constantino, at Ocampo, mga editor, Minanga, p. 82.
25Ibid., p. 83.
26Hirsch, Cultural Literacy…, p. 82.
27Peregrino, ibid.
28Janet Holmes, An Introduction to Sociolinguistics (UK: Pearson Education Limited, 2001), p. 230-234.
29Galileo S. Zafra at Romulo P. Baquiran Jr., mga pat., Sawikaan 2004: Mga Salita ng Taon (Quezon City: The University of the Philippines Press, 2005), p. 70-75.
30Virgilio S. Almario, Tradisyon at Wikang Filipino (Quezon City: Sentro ng Wikang Filipino, Sistemang Unibersidad ng Pilipinas, 1997), p.., p. 17.
31Constantino, “Pluralidad Tungo sa Identidad…,” sa Peregrino, Constantino, at Ocampo, mga editor, Minanga, p. 58.
32Hirsch, ibid.