Ehersisyo sa Pagbasa ng Isang Katutubong Bugtong
ni Michael M. Coroza
Sa maraming textbuk na pampanitikan, lalo na sa sekundarya, inilalarawan ang bugtong bilang halimbawa ng katutubong panulaan. Romantiko ang pagtuturing dito bilang kadluan ng karunungang-bayan. Sa isang textbuk, halimbawa, ipinailalim ang bugtong sa kategoryang “Katalinuhang-Bayan” at pagkatapos ay binigyan ng iisang pangungusap na paglalarawan: “Taglay ng bugtong ang paglalarong pahulaan sa patugmang paraan.”1
Sa anong paraan man tingnan, laging parang kinakapos ang mga awtor ng textbuk sa pagpapaliwanag kung bakit isang tula ang bugtong. Nakokontento na lamang sila sa paghahanay ng ilang bugtong kasama ang mga kaukulang sagot. May ilan ngang bumabanggit na bilang tradisyonal na tula, ang bugtong ay may sukat, tugma, at talinghaga. Ngunit walang iniuukol na paliwanag kung bakit ito matalinghaga. Pansinin ang pahayag na ito sa isa pang textbuk:
…ang panulaang Pilipino ay nagsisimula sa anyo ng bugtong, salawikain, at iba pang awiting-bayan na sa kalikasan at sa buhay sa araw-araw humahango ng mga paksain. Maiikli lamang ang mga ito, madadalumat at matatalinghaga….Ang mga bugtong ay karaniwan nang daludturan, magkaminsan ay apaludturan….At kapag may paglalarawan, may imaheng nakikita. Madalumat ang tawag dito. At kapag sa mga larawang ito ay may nahuhulong huna-huna at may nasasambot na kahulugan at kabuluhan, matatawag itong matalinghaga….Sa mga panugmaang ito, nasasalamin na ang tunay na mga saloobin at kaisipan ng matatalinong ninunong Pilipino.2
Sapat na waring banggitin bilang karagdagang impormasyon na may tradisyon ng pagbubugtungan sa mga sinaunang pamayanang Filipino—na noong unang panahon, libangan ng ating mga ninuno ang pagpapahulaan ng sagot sa bugtong.
Pag-ukulan natin ng pansin ngayon kung ano pang klase ng pagbasa ang magagawa natin sa bugtong. Kumuha tayo ng isang popular na halimbawa ng katutubong bugtong mula sa Vocabulario de la lengua tagala (1754) nina Pedro Sanlucar at Juan de Noceda batay sa pagkakasipi ni Bienvenido Lumbera sa kaniyang Tagalog Poetry, 1570-1898: Tradition and Influences in its Development (1986), at subukin nating basahin. Narito ang sinaunang bugtong tungkol sa banig:
(Banig)
Bongbong cong liuanag,
Con gab-I ay dagat.
Ang sagot sa bugtong na ito, na sinadya kong ilagay sa itaas at nakapanaklong, ang maaaring gawing pamagat kung ituturing itong isang ganap na tula. Kagyat na mahihinuhang may layuning maglarawan ang saknong, na siyang sanhi ng pagiging palaisipan nito. Kinatatampukan ng mga larawang hango sa kalikasan, ang liwanag at dilim at ang bumbong at dagat, ang bugtong na ito ay isang depamilyarisasyon ng banig na napakakaraniwan kung tutuusin.3 Bahagi ito ng domestikong karanasan ng ating mga ninuno at maging ng marami pang Filipino sa ngayon lalo na sa lalawigan.
Banig ang iisang bagay na inilalarawan sa tula: bumbong sa unang taludtod at dagat naman sa ikalawa. May balangkas na patimbang ang saknong, nangangahulugan, magkaparalel ang una at ikalawang taludtod, magkatimbang na pangungusap ang mga ito na ang iisang paksa o simuno ay ang banig.4

May dalawang metapora para sa banig: bumbong at dagat. Dahil dito, nagmimistulang napakahiwaga ng banig.5 Kung nagkataong ang bugtong ang tanging nabasa o narinig natin, at hindi bago pa man ay alam na natin ang sagot, mahihirapan tayong hulaan kung ano ang bagay na ito. Tila isang “halimaw” na nagbabago ng anyo kapag nagliliwanag o nagdidilim ang paligid. Walang iniwan sa mga kinagigiliwang “transformers” ng mga kabataan ngayon.
Nasa pagbanggit sa dalawang katotohanan tungkol sa banig ang ugat ng hiwaga ng bugtong. Una, totoo namang parang bumbong ang banig kung araw sapagkat sa pagkakataong ganito, nakabilot at nakatindig ito sa isang sulok. Pangalawa, totoo rin na parang dagat ito kung gabi sapagkat nakalatag ito kung ganitong pagkakataon. Sa madali’t salita, may ilang magkaparehong katangian ang banig, bumbong, at dagat: nakabilot (o cylyndrical) na nakatindig at malapad na nakalatag batay sa kung anong bahagi ng araw tinitingnan (araw o gabi). Pansinin ang halaga ng panahon sa paglalarawang ito. Ang dalawang mukha ng banig ay umaayon sa dalawang mukha ng isang buong dalawampu’t apat na oras: liwanag at dilim.
Bilang bahagi ng domestikong buhay, may mga tiyak na karanasan ang tao na umiinog sa banig. Pangunahing pinakamatutukoy ang pagtulog at paggising. Kung paanong sa araw ay nakatindig ang banig, ang tao man ay nakatindig din (dahil gising). Gayundin, kung paanong nakalatag ang banig sa gabi, ang tao man ay nakalatag din (dahil tulog). Ngunit hindi pa tayo matatapos dito. Maisusulong pa natin ang pag-uusisa. Maaari pa rin nating itanong kung bakit nakita ng “awtor” ng bugtong na ito ang banig bilang bumbong at dagat.
Kapansin-pansin ang dalawahang salungatan o binary opposition sa pagitan ng liwanag at dilim.6 Laging iniuugnay sa dilim ang kawalan o kasamaan samantalang ang liwanag ay sa (pagkakaroon ng) kabutihan. Si Kristo, bilang halimbawa, ang itinuturing na prinsipe ng liwanag samantalang si Satanas ang prinsipe ng dilim. Si Kristo, bilang liwanag ay katotohanan. Si Satanas, bilang dilim, ay kasinungalingan. Sa maraming panitikan ng daigdig at maging ng Filipinas (e.g. “May Bagyo Ma’t May Rilim” (1605) ng isang nakilala lamang bilang una persona tagala; “Liwanag at Dilim” (1897) ni Emilio Jacinto; Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos; Dugo sa Bukang-liwayway (1964) ni Rogelio Sikat; Sa Kuko ng Liwanag (1966) ni Edgardo M. Reyes; at marami pang iba), isang arketipo o makabuluhang imahen na paulit-ulit na lumilitaw ang dilim at liwanag.7
Kung iuugnay sa pagbasa ng bugtong na ito ang kabuluhan ng liwanag at dilim bilang mga arketipong larawan, lalalim at lalawak an gating pagbasa rito na sa una at karaniwang malas ay tungkol lamang sa isang payak na banig. Lilinaw na isang ganap na tula ang bugtong na may pag-iilandiwa o ambiguity at nagsisilbing dokumentasyon ng buhay, kamatayan, kabutihan, at kasamaan.8 Maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng intertekstuwal na lapit o dulog sa pagbabasa.9
Sa isa sa pinakapopular na mito natin, lumuwal ang unang lalaki at babae mula sa isang bumbong (na kawayan). Mahihinuha mula rito na nasa bumbong (kawayan) ang simula ng buhay. Bukod dito, ang kawayan (na isang likas na bumbong o cylinder) ay isa sa mga pangunahing halamang inaanihan ng labis na pakinabang ng sinaunang tao. Yari sa kawayan ang halos lahat ng kaniyang mga kasangkapan sa pangangaso, pagkain, pag-inom, pagtulog, at mismong ang bahay niya ay yari sa materyal na ito. Kaya hindi maipagkakailang ang bumbong o kawayan ay katumbas ng buhay.
Sa kabilang dako, laging napakahiwaga ng dagat para sa tao sanhi ng lawak at lalim nito. Para sa ilang kapatid nating nabibilang sa pangkat etniko, lalo na sa mga karaniwang naninirahan sa mga baybayin, nagsisilbing libingan ang dagat. Isinasakay sa balsa ang bangkay, itinutulak papunta sa laot upang makarating sa kabilang buhay. Nasa dagat, kung gayon, ang ideya ng paglalakbay at kamatayan. Dahil dagat ang unang nakilalang mapaglalakbayan ng tao, laging dagat ang sumasaisip kapag paglalakbay ang pinag-uusapan. Kaya nga karaniwan nang metapora ito sa para sa buhay (e.g. dagat ng buhay) na itinuturing ng mga Kristiyano bilang isang paglalakbay. Dahil may kung saang dako na hangaring marating, at dahil laging may panganib na hindi na makababalik ang umalis, maituturing na para nang namatay ang isang naglakbay na hindi pa nagbabalik. Alalahanin si Penelope na itinuring nang biyuda at pinilahan ng mga manliligaw nang halos dalawampung taon nang hindi nagbabalik si Oysseus na naglakbay sa dagat. Para sa kaniyang mga mahal sa buhay, tila isang muling-pagkabuhay ang pagbabalik ni Odysseus.
Batay sa mga nabanggit na ito, nasa bugtong ng banig ang larawan ng buhay at kamatayan. Kung araw o maliwanag, nakatindig ang tao dahil gising, at tulad ng bumbong, kapaki-pakinabang ang tao dahil buháy. Sa kabilang banda, kung gabi o madilim, tulad ng banig, nakalatag ang tao pagkat tulog, at kaugnay ng dagat, naglalakbay siya sa kung saan dahil nananaginip. Sakaling hindi na siya makabalik (binangungot marahil o “na-Rico Yan”), maituturing na siyang patay.
Hindi ba’t larawan ng kamatayan ang pagtulog? Sa mga lamayan, madalas na naririnig natin na inilalarawan ng mga nakikiramay ang bangkay na “parang natutulog lamang.” Kaya nga sa tulang “Death be not proud” ng makatang Ingles na si John Donne, binanggit niyang hindi dapat maghambog ang kamatayan dahil isa lamang itong walang hanggang pag-idlip. Ngunit kung sakaling makabalik at muling mabuhay (magising), may bagong lakas ang tao na inspirado ng mga napangarap (nilakbay) o dili kaya naman ay matamlay at nangangamba dahil sa masasamang nakita (sa paglalagalag ng kaluluwa). Isang siklo ang buong prosesong ito. Paulit-ulit, tulad ng araw-araw na pagsasalitan ng liwanag at dilim.
Gayunman, kung higit na mamarapatin nating ituring ang banig bilang isang payak na banig, alalahanin na lamang natin ang madalas nating marinig na ibinubulalas ng mga naghihikahos o sawimpalad na nagsasawa na sa buhay, at higit pang inaasam ang kamatayang sasapit din naman kahit hindi hangarin: “Pag ako’y namatay, ibalot na lamang ninyo ako sa banig at itapon sa dagat.”
Marami pang posibleng pagpapakahulugan sa bugtong na ating tinunghayan. Wala naman kasing iisang pagbasa na maaaring makasaklaw sa buong karanasang pampanitikan. Ang totoo, laging may iilang aspekto lamang ng teksto na maaaring pagtuunang-pansin sa bawat pagbasa. Depende sa posisyong pagmumulan ng titingin, laging may bagong pagtanaw na maaaring iukol kahit sa isang maikli at mukhang payak na tekstong tulad ng bugtong.
Sa ganito at marami pang ibang paraan, maiiwasang maging hungkag at mapagpanggap ang mga pahayag ng pagdakila sa ating katutubong bugtong bilang “kadluan ng ating mga karunungang-bayan” sa bulto-bultong patakbuhing textbuk ng panitikan na sa kasalukuyang kalagayan, kung tutuusin, ay hindi na dapat pang ibenta o bilhin.
__________________________________
1Ponciano B.P. Pineda, G.K. del Rosario-Pineda, at Tomas C. Ongoco, Ang Panitikang Pilipino sa Kaunlarang Bansa (Metro Manila: National Book Store, Inc., 1979), 20.
2Jose A. Arrogante, Erlinda M. Dizon, Eriberta T. Maglaqui, at Edna de la Cruz-Fregil, Panitikang Filipino, Pampanahong Elektroniko, Binagong Edisyon (Metro Manila: National Book Store, Inc., 1989), 7.
3Katumbas ang depamilyarisasyon ng salitang Ruso na “ostranenie” na binanggit ni Viktor Shklovsky sa kaniyang sanaysay na “Poetry as Technique” (1917). Sa payak na pagsasabi, isang pampanitikang pamamaraan ang depamilyarisasyon at dito, ang isang pangkaraniwang bagay, larawan o anuman ay nagmimistulang di-pangkaraniwan. Sa Chris Baldick, The Concise Oxford Dictionary of Literary Terms (New York: Oxford University Press, 1990), 53-54, ganito ang depenisyon ng depamilyarisasyon: “the distinctive effect achieved by literary works in disrupting our habitual perception of the world, enabling us to ‘see’ things afresh,…”
4Sa pagteteorya ni Virgilio S. Almario sa kaniyang Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1984), isa sa mga inuri at ipinaliwanag niyang balangkas ng saknong ng katutubong tulang Filipino ang “patimbang.” Sa pahina 95, ganito ang kaniyang paliwanag: “Sa kaso ng balangkas na patimbang ay may lumilitaw ding dalawang karaniwang estratehiya. Una, ang pagtitimbang ng magkabaligtad na mukha ng isang sitwasyon….Ikalawa, ang pagtitimbang ng dalawang magkaibang sitwasyon na maaaring magkatulad o magkasalungat ng esensiya ngunit may iisang pinagigitaw na kabuluhan.”
5Higit sa paghahambing, ang metapora ay isang pagtuturing sa isang bagay bilang ibang bagay. Ayon nga sa William Packard, The Poet’s Dictionary: A Handbook of Prosody Poetic Devices (New York: HarperPerrenial, 1989), 121, ang metapora ay “any figure that asserts the equivalence of two or more disparate elements, as in mathematics when one states, for example, that A=B.”
6Mahalaga sa estrukturalistang pananaw ang binary opposition o dalawahang salungatan. Ayon nga sa Raman Selden, Practicing Theory and Reading Literature: An Introduction (Kentucky: The University Press of Kentucky, 1989), 55-56, “Structuralists have argued that binary oppositions are fundamental to human language, cognition and communication. We use BOs to mark differences in an otherwise apparently random sequence of features, and thus to give shape to our experience and to the universe.” Karaniwan sa taong makita ang mga bagay-bagay nang may dalawahang-salungatan (e.g. kung may langit, may lupa; kung may malaki, may maliit; kung may maganda, may pangit; kung may kanan, may kaliwa; kung may mayaman, may mahirap; kung may mataas, may mababa; kung may positibo, may negatibo, at marami pang iba). Isang konstruksiyon ng kasaysayan at kultura sa kamalayan ng tao ang ganitong pagtingin.
7Sa Chris Baldick, The Concise Oxford Dictionary of Literary Terms (New York: Oxford University Press, 1990), 16, ang arketipo ay “symbol, theme, setting, or character-type that recurs in different times and places in myth, literature, folklore, dreams, and rituals so frequently or prominently as to suggest…that it embodies some essential elements of ‘universal’ human experience.”
8Maaari ring itapat ang “kalabuan” sa ambiguity, ngunit higit na angkop ang “pag-iilandiwa” sang-ayon sa pagkakapaliwanag dito ni William Empson sa kaniyang aklat na Seven Types of Ambuguity (1930). Ang totoo, sa pagkakaalam ko, si Bienvenido Lumbera ang unang gumamit ng “pag-iilandiwa” bilang panumbas sa ambiguity sa kaniyang sanaysay na “Kaisahan at Kabatiran sa ‘Dalit Kay Sarhento Gameng’ ni R. G. Mangahas,” na isa sa mga introduksiyon sa Mangahas, Rogelio G. Mga Duguang Plakard at iba pang Tula. Quezon City: Manlapaz Publishing Co., 1971. Sa pahina 23 ng nasabing libro, ganito ang ipinaliwanag ni Lumbera tungkol sa nasabing salita: “Madalas maipagkamali ang pag-iilang-diwa ng tula sa kawalang-sinasabi ng makata o sa kasigalutan ng pag-iisip ng makata. Dapat maunawaan na ang pag-iilang-diwa ay hindi panlalanse, kundi pagpapalitaw ng maraming kaisipang kalakip ng alinmang karanasan.” Akin ang pagbabago ng baybay: pag-iilandiwa.
9Intertekstuwal ang tawag sa pag-uugnay ng isang teksto sa iba pang teksto. Ipinagpapalagay rito na ang alinmang teksto ay laging may kaugnayan sa ibang teksto. Sa Chris Baldick, The Concise Dictionary of Literary Terms (New York: Oxford University Press, 1990), 112, ganito ang paliwanag hinggil ditto: “…intertextual relationships include anagram, allusion, adaptation, translation, parody, pastiche, imitation, and other kinds of transformation…The term intertext has been used variously for a text drawing on other texts, for a text thus drawn upon, and for the relationship between both.”





