DAGTA: Mga Kuwentong Makamundo
ni V.E. Carmelo D. Nadera Jr.
Ayon sa 2007 Men’s Health International Sex Survey, may larangang lamang ang Pilipinas sa Italya at Estados Unidos.
Daig daw nating mga Filipino ang mga Italyano at Amerikano pagdating sa dalas nating makipagtalik.
Oo nga at nakikipagsex tayo ng 3.95 beses kada linggo, indikasyon ba ito na mas magaling tayo sa kama kina Casanova o Rafael Alencar?
O baka naman puro tayo ngawa at walang gawa.
Kuwento lamang, kung baga.
Kung panay tayo salita ukol sa sex, numero uno rin tayo rito?
Walang pasubaling higit sa 50 % ng ating panitikan ay tungkol sa pag-ibig.
Mulang tanaga hanggang telenobela, mapapatunayan ang hilig natin sa kilig.
Subalit tayo ba ay hanggang romantiko lamang?
At walang erotiko?
Sa kalipunang itong pinamagatang DAGTA:Mga Kuwentong Makamundo, malaki ang papel na ginagampanan ng kasarian.
Hindi lamang ng sex kundi ng gender.
Kapansin-pansin, at kagila-gilalas na rin na halos 50% ng buong aklat ay sinulat ng kababaihan.
Kung tutuusin, higit pa sa kalalakihan, kung talagang pagbabatayan ay ang totoong oryentasyong sexual ng mga may-akda.
Nakadalawa si Suzy Anonas sa pamamagitan ng kanyang Mga Tala kay Mary Clarisse Maligaya, Year IV-Chastity at Wala Po Akong Kasalanan, Your Honor. Kahanga-hanga sa unang tingin kasi kamangha-mangha sa lalim ng lihim niyang balong pinagkakadluan ng kalibugan. Sa una, napakamapangahas ng kanyang pangunahing tauhan na aakalain nating kanyang alter ego subalit ang kanyang pag-uurong-sulong — na ipinakita ng kanyang pag-aaano-ano ni Anonas – ang bumisto sa kanyang kawalang-malay sa halay. Sa ikalawa, sinusugan ang ating pagdududang bano sa bulgaran si Anonas sa pagbabaybay, halimbawa, sa FLM na babasahing panlalake (kaya FHM kasi nga For Him Magazine) at sinuhayan ito ng kanyang pagdidili-dili, gaya ng kanyang “nakipag-alam mo na” o ng kanyang paggamit at di-paggamit ng tamang bantas habang kausap si Your Honor. Malayo pa ang mararating ni Anonas, kahit hindi tadyakan, sa kanyang pagiging kuwentista. Kailangan pa lamang, marahil, mabasa, o mabasag ang lamad ng kanyang paglalahad, sa tulong ng kanyang paglalathala ng mga kuwentong hindi kailangang maging walang katiyakan, tulad ng kanyang “nahanap ang matagal nang hinahanap” upang tuluyan na niyang makita! Kung ano man ito, sana kasama ang karaniwang pag-iistorya!
Sentral sa Ariel Edades, 43 Years Old ni Mona Lisa P. Cajucom ang kolokyal na tawag sa pagsasalsal, katumbas ng “Sariling Sikap” sa ekonomiya o “Armed Struggle” sa politika. Ginamit ni Cajucom kay Apple Villacorta ang katapat na “Mary Palmer” na tumutukoy sa pagbabating kamay ang pinakaaktibo. Mali ito sapagkat, kung babae ang magsasagawa o magsasarigawa, wika nga, daliri lamang ay sapat na. Kaya, mas akma ang pagdudukit. Kaya, mas angkop kaysa “Maryang Palad” ay si “Pining Garcia.” Nang pipipingger siya, nahuli siya ni Ariel Edades na maypagka-40-year Old Virgin. Mabuti at hindi siya “Tina Moran”? Sa totoo lang, kanipisan ng kuwento – hindi natin tiyak kung kanino talaga — ang lumalabas na birhen ay ang may-akda mismo. Nagmistulang nanunulay sa siya sa minimalismo at masturbasyon ng dagli, ngunit kung babasahin sa pagitan ng mga hati at hita ng lengguwahe, kapuna-punang bagito rin siya hindi lamang sa anyo at nilalaman kundi pati sa wika.
Si A.F.C. Sanchez ay nakapaglathala na ng chapbook na pinamagatang Frog Leap and Other Stories (2005) bilang bahagi ng Ubod New Authors Series ng National Commission for Culture and the Arts Committee on Literary Arts. Nanalo na rin ang kanyang kuwento sa Amelia Lapena Bonifacio Literary Contest at ang dula sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.
Ingleserang estudyante at guro si Sanchez subalit sa antolohiyang ito pinatunayan niyang siya ay bilingguwal at bagay sa pagpapakilala ni Dr. Jose Dalisay na siya nga ito: “She writes about children without having to be childlike and without patronizing them; she writes about men and women with a firm and fair understanding of where they both come from, what they feel, and what they think.” Sa kanyang Habambuhay na Paglalakbay sa mga Porno ng Alaala, si Sanchez ay nagpakasalamangkera sa pagpapatotoo sa kanyang pagkagagap sa salimuot ng pagkukuwento. Aksidental na lamang ang pornograpiya, kanyang isinalaysay niya ang punto de bista ni Ysa sa paraang parang sa awtor, bagamat wala itong gaanong pakialam, kaya naging transparent para sa mambabasa ang pananaw ng isang inosente, hindi ignorante, pagkat taglay nito ang pagganap at hindi ang pagpapanggap. Isinuot lamang niya ang maskara ng kunwang walang muwang sa kamunduhan, o marahil ng kanyang lumang sarili, upang ipasyal tayo sa Tagaytay ng ating pagkamulat na “ang lawak ng lupain at kalangitan mula sa kinatatayuan.” Sa anyong walang alam, nagpaalam siya sa kamusmusan, upang ipaalam sa mundo kung gaano ito kalaya. Walang iniwan sa paham na nagdamit-mangmang upang higit niyang maintindihan ang pinaka- sa dalawang daigdig. Kung baga, nakipagnegosasyon din si Sanchez sa kanyang mambabasa kagaya ni Julian kay Ysa: “Kung sasabihin mo sa ‘kin kung anong mayroon ka, ipapakita ko naman sa ‘yo kung anong mayroon ako.”
Nagawa ni Sanchez na isalba ang kababaihang nagkukuwentong erotiko na sumusunod sa lamang at lamang-loob nina Pia Arboleda, Genevieve Asenjo, Joi Barrios, Christine S. Belen, Faye Cura, Rowena Festin, Will Ortiz, Mari M. Santiago, Janet Tauro, o Mylene Tordesillas.
May Palanca na rin si Michael Francis C. Andrada at hindi lingid sa kanyang kaalaman ang libog hindi lamang dahil siya ay nagtuturo ng sexualidad sa unibesidad at nakukuhang tagapagsalita sa telebisyon ukol dito kundi dahil na rin sa pangongolekto para sa kanyang tesis ng libo-libong tulansangan o mga kantang pambata na diumano’y bastos. Sa kanyang Tootsie Roll, kanyang nakuha sa isang iglap na idetalye – ”parang isang kulangot na initsa sa ere” — ang karanasan ng magkababatang sina William at Vina na nagsalo at nagsalu-salubong sa engkuwentrong nagpapatunay na ang ”isang uri ng silindrikal na kending karamel” ay hindi lamang pangmusmos. Samantala, sa Lyrics sa Songhits naging mas experimental si Andrada na bokalista ng paborito nating Baklas o Bakla para sa Sambayanan – kahit batid niya ang panganib ng pagbanggit sa mga awit na hindi na klasikal na, hindi pa unibersal kaya hindi rin agad makukuha ang kanyang biro at laro (kaya walang dating sa iba kung alin ang mas tama: lips o leaps sa kanyang bersiyong ikatatatwa o ikatutuwa ng kompositor na si Jerry Paraiso na sumulat ng You para kay Basil Valdez – sa kanyang pagbubulatlat ng karanasan ng personang Ako kay Alma. Sinagip ng kasariwaan ng atake ni Andrana ang kanyang kakuwelahan kaya kuwalipikado siyang tanghaling Sex Comedy King. O Queen, kung hindi siya magtatago sa palda ng kanyang mga tauhang babae, o nagbabae-babaehan lang?
Sinabi ni Vladimeir Gonzales sa kanyang panimula sa kanyang Ubod New Authors Series (ng NCCA na nagpadala rin sa kanya bilang kinatawan ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations Youth Camp na kung tawagin ay Nature Hug) na ang puntong ng lahat ng mga kuwento niya ay nag-uugat sa mga di-namamatay na usapin ng pamilya at pag-ibig. Piniga niya ang gasgas na paksain at pilit niyang pinalabas ang katas ng kabaguhan sa kanyang Intellectual Mass Starvation na, pasaring sa salitang ”Intellectual Masturbation,” Ibig sabihin, nagkukubli ang kaharutan ni Vlad sa siste. Sa kanyang Una, walang ipinagkaiba. Sina Erap (na maraming anak) at Christina Paner (na ampon ng walang anak), ang kanyang pangunahing tauhan, kadaupang-palad nina Cora at Randy (na kapangalan ng mga alumpihit na bayani ng una at huling Edsa) – a la alusyon sa mga paborito ng mga Pinoy – ang pulitika — napasok sa isa pang hilig natin – ang pelikula — sa ilusyong Pepay Paypay na ang katambal ay si Chris Villanueva. May dalawang bahagi ito, may dalawang suson din ang salaysay. Nagsalimbayan ang una’t huling panahon. Nagsalubungan ang una’t huling pook. Nagsilabasmasok ang una’t huling punto’t bista. Itinutuwid ng apo ang lolo, itinatama ng una ang huli. Iniisip itong biro ng ”dating Pangulo, inaalala ng una ang huli. Ipinapaalala ito ng kanyang Tamis ng Unang Halik, ipinapagunita ng una ang huli. ”Gusto mong ituloy?” paulit-ulit na tanong na koro na tila koda rin sa mga mambabasa.
Umiikot ito sa gamit ng ”foot” at ”put” – umiinog ang una sa huli. Pagtukoy ito sa karaniwang mali ng Filipinong mas nagfifilipino kaysa nag-iingles, pagtutol ito ng una sa huli. Estudyante at guro sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas si Vlad – kasabay na unang nagkalibro sa Ubod, nag-U.P. National Writers Workshop, at naging kasapi ng U.P. Writers Club ni Sanchez na taga-Department of English and Comparative Literature. Binata pa ang una, may asawa’t anak na ang huli. Kaya lang, hindi nangangahulugang mas makaranasan ang huli sa una.
Isa pa ring malikot ang isip itong si Adam David. Sa kanyang Sa Lavandera Ko, Kamias Branch – pinatunayan niyang malikot din pala ang kanyang puso. Bagamat hindi malinaw kung sino si Marieton Pacheco – kesyo galing man ito sa pinaghalong pangalan ng kanyang nanay na si Marie at ng kanyang tatay na si Ton o kung ang Pacheco ay apelyido ng kanyang ama o ina, na maaaring galit sa gitling — nailapit ni David ang diwa at damdamin ng mga mambabasa dahil sa paulit-ulit na pagbanggit ng Marieton Pacheco na parang sirang plaka. O baka naman panty? Nabalewala tuloy kung balewala nga ba talaga kung ito ngang Marieton Pacheco na ito ay ang kilalang broadcast journalist! Basta ang Marieton Pacheco rito ay ang Marieton Pachetong naging “imortal” sa alaala ng mga mambabasa at may-akda o ng kanyang personang saksi sa pagkalat ng panloob na pang-ibabang may nakasulat na pulang pentel pen at maliit na puso sa ibabaw ng “i” ng Marieton sa Lavandera Ko, Kamias Branch. Bathala si David sa ganitong pagsasalaysay: isang payak pero hindi payak na simula, isang komplikado pero hindi komplikadong wakas.
Kung hindi nagkakamali, ang may-ari ng nasabing palabahan ay dating mambabatas sa Marikina, ang lunan ng Dilang Anghel ni U.Z. Eliserio. Kahit kapuwa naagaw ang kanilang gunita ng kinalalagyan ng Jollibee, nakikipag-usap si David sa wala, si Eliserio naman ay sa patay. Di tiyak kung si David ang kapitbahay ni Marieton Pacheco, dito siguradong si U ang personang “I,” sa Ingles, na mahilig sa pagganap. Kung sa panty nakatuon ang pansin ni David, si Eliserio naman ay sa brief. Kung walang nangyari sa kanila ni Marieton Pacheco ayon kay David, maraming naganap kina Eliserio at ng kanyang kausap. Parikalang namutawi sa labi, o sa dilang-anghel, ang mga salitang “titi” at “puke” na hindi naman kailangang marinig para maituring na makamundo ang kuwento. Kung ang kay David ay tungkol sa umpisa, ang kay Eliserio naman ay sa katapusan. Kung si David gustong magpabalik-balik, si Eliserio ayaw nang bumalik. Pareho silang bilingguwal, dalawa rin kaya ang kanilang dila?
Una, dapat makilatis si Ken Ishikawa bilang isang kuwentista muna. Bukod sa kuwento ni Sanchez, ang kanyang Ang Pagkawala ni Lumen, Isang Puta ang pinakamahaba. Pamagat na pamagat pa lamang, bigay na bigay na. Parang hindi mo pa kinukuwan ay kuwan na kuwan na! Habang kinukuwan ang kuwento, nakukuwan ka ba sa pagkawala ni Lumen? Oo, kung ang ibig sabihin ay nagkakaong. Hindi, kung ang ibig sabihin ay nagmamalauhog. Ng interes sa isang puta? Sa bagong milenyum na itong halos lahat ay nagbebenta ng kaluluwa, may mas Faustus pa ba sa puta? O may mas puta pa ba kay Faustus? Sino pang interesado sa puta? Ano pang interesante sa puta? Kundi ang pagbrotsa sa isang puta para ipagtapat kung nasaan ang isa pang puta?
Ang pinakainteresante pa nga yata ay ang pagbaybay ni Ishikawa sa “brip” samantalang may nauna na niyang inispel ang “sofa,” at “VIP room.” Samantala, habang binabasa ang kanyang Yosi Break (O, Kung Ano Ang Tumatakbo sa Utak ng Lalaki Kapag Kasalo sa Isang Stick ng Nicotina ang Isang Babae), hindi maiwasang sumaging-isip ang grupong ang pangalan ay ”Bastos” na hinding-hindi man lamang kinakitaan ng kabastusan kaya, hayun, nalansag na. Napilitan lamang kayang isali ito ni Ishikawa para makadalawa rin siya gaya nina Anonas at Andrada. Tutal, siya naman ang ”editor” kaya ”e di tortyurin” na rin niya ang Dagta ng kanyang subtitulong “mga kuwentong makamundo.” At bakit nga pala dapat: dagta? Dahil ba sa ayon sa diksiyonaryo, ito ay ang salitang Bikolano, Kapampangan at Tagalog para sa “malapot na katas ng halaman o punongkahoy”? O dahil ito ang ginamit na salita ng editor sa kuwento niya para tukuyin ang pagbaha sa kaloob-looban ni Racquel ng tamod? Kung baga, ang kalipunan bang ito ay umiikot sa “malagkit at maputing likido na lumalabas sa uten at naglalaman ng semilya”? Sa talinghaga ng pagkalalake? Sa imaheng binuo ng lalake? Mula sa editor na lalake? Kung ganoon nga, totoo ba ito sa lahat ng kuwento rito? Bakit naging makamundo? Paano naging makamundo?
Gaano kamakamundo ang kanilang pagiging makamundo? Ano nga ba ang makamundo? Pasok ba ang lahat ng kuwento sa koleksiyon, kung sa Ingles ito ay ”worldly” na ngangahulugang: (1) characteristic of or devoted to the temporal world; (2) very sophisticated especially because of surfeit; versed in the ways of the world; (3) concerned with secular rather than sacred matters; (4) of, relating to, or devoted to the temporal world; (5) relating to or characteristic of the earth or of human life on earth: earthbound, earthen, earthly, earthy, mundane, secular, tellurian, telluric, temporal, terrene, terrestrial; (6) not religious in subject matter, form, or use: lay, profane, secular, temporal; (7) experienced in the ways of the world; (8) lacking natural simplicity: cosmopolitan, sophisticated, worldly-wise; (9) material; at (10) non-religious?
Ikalawa, dapat masuri si Ishikawa bilang isang editor. Ano ba ang kanyang batayan sa pagpili? Nagtawag ba muna siya ng kontribusyon? Nanghingi lamang siya sa kanyang mga kaibigan? Kung ang huli ang basehan, may kahinaan ang kalipunan. Mas magiging ang panuntunan dito ay hindi kung ano kundi sino. Ipagpalagay na natin ang una, ang susunod na tanong ay paano? Paano ba niya ito inayos o isinaayos? May ayos ba? May ayon ba? Mulang simple hanggang grabe? Mulang babae hanggang lalake? Paano ang balake? Paano ang balak niya? Kung hindi paano, ano? Kung wala, ano? Disenyo ba nito ang kawalan ng disenyo?
O baka saklaw at limitasyon lamang ay ang mga kabataang kuwentista kaya walang mga Edgardo M. Reyes o Lamberto E. Antonio o Reuel M. Aguila? O kaya’y mga Luna Sicat Cleto o Mayette Bayuga?
Kung gayon, bago o makabago bang Mga Agos Sa Disyerto ang Dagta?
At kung makabayan ang una, makamundo ang huli?
Ang una ay may 15 kuwento mula sa limang lalake, ang huli ay may 11 mula sa walo: limang lalake at tatlong babae.
Rebolusyon laban sa nakasanayan, o nakasawaan, na paraan ng pagsasalaysay ng sinaunang kuwentistang Tagalog ang una.
Rebelyon din kaya ang huli laban sa rebelde ng mga rebelde?
Laban sa mga taga-Galian sa Arte at Tula?
O sa mga taga-Katha?
Posible sa una, imposible sa huli.
Pagkat maging sina Andrada, David, at Eliserio ay kabilang din sa antolohiya ng literaturang erotika ng huli na kung tawagin ay Lamanloob?
Kung ganoon ba, walang pag-aalma o pag-aalsa ang kalipunang ito?
Kung wala nang ideolohiya, wala pang ismo?
Ni erotisismo?
Lalo na kung Ingles ito ay tumutukoy lamang sa mga sumusunod: (1) arousing; (2) referring or relating to sexual desire, or giving sexual pleasure; (3) sexy; (4) sensual; (5) seductive; (6) carnal; (7) stimulating; (8) suggestive; (9) rousing; (10) erogenous; (11) amorous; (12) libidinous; (13) titillating; (14) lustful; (15) voluptuous.
Lalo pa kung sa Griyego, isa lamang ito sa limang ibig sabihin ng salitang pag-ibig.
Nariyan ang (1) ”storge” o paglingap, (2) ”phile” o pakikipagkaibigan, (3) “agape” o pagkakawang-gawa, (4) “epithumia” o pagnanasa, at ang (5) “eros” o pagmamahal.
Mukhang, sa dalawang huli, nagkakapalit-palit, o nagkakalipat-lipat, ang depinisyon ng Dagta.
Bakit nga ba libog na libog tayo sa libog?
Una, dahil ba sa ito ang alpha ng buhay?
Ikalawa, dahil ba sa gustong lumabag sa ”batas” ng lipunang konserbatibo?
Ikatlo, dahil ba sa kakikitaan ito ng tapang o lakas ng loob?
Ikaapat, dahil ba sa kapuna-puna ito kaya kapuri-puri?
Ikalima, dahil ba ito ay mabili at mabilis?
Naku, ayon sa Journal of Applied Psychology (Vol. 87, No. 3), napatunayang ang mga nanood ng mga malaswa at marahas na palabas sa telebisyon ay mas kakakunti ang natatandaang patalastas kaysa mga nanood ng programang walang laswa at dahas!
Sabi nga ng pangunahing nagsaliksik na si Dr. Brad Bushman: “I like to challenge these conventional beliefs that people hold–that violence sells or sex sells. A lot of my research focuses on the myths that lay people hold.”
Maaari nating sabihing iba naman ang dalumat ng Dagta.
Hindi nais nitong kumita kundi kumiliti lamang sa imahen o imahinasyon ng lalake at babae.
Baka naman may balak pa sila para sa mga bakla, tomboy, silahis, at iba pang sikat ng kasarian.
Ano’t ano man, sana sagarin nila sa buto, o buto-buto, ang lahat ng pagsasalaysay, paggagagad, paglalarawan, at pagtitig sa mata nang mata sa totoong ibig sabihin ng makamundo.
Kung baga, bakit dapat tumigil bakaw o diga o duga o tabol o tagok o tubbog o yago?
Kung maaaring tumuloy sa bulwak o bugalwak ng orgasmo.
Lami!

