BUL-OL: Bulawan Online

Oktubre 2008

Isyu Blg. 3, Tomo 1

Tungkol sa May-Akda:

Isa si Michael M. Coroza sa mga kinikilalang makata at manunulat ng bansa sa kasalukuyan. Nagkamit ng mga pangunahing gantimpala ang kaniyang mga tula, sanaysay, at maikling kuwentong pambata sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Mahalagang ambag sa Panulaang Filipino ang kaniyang mga aklat na Dili’t Dilim (1997) at Mga Lagot na Liwanag (2002). Noong 2005, pinagkalooban siya ng Gawad ng Pagkilala ng Komisyon sa Wikang Filipino dahil sa mahahalagang pagsisikap niya sa pagpapayaman at pagpapalaganap ng wika at panitikang pambansa. Noong 2007, tinanggap niya mula sa maharlikang pamilya ng Thailand ang prestihiyosong SEAWRITE o Southeast Asia Writers Award. Kasalukuyan siyang Assistant Professor sa Kagawaran ng Filipino, School of Humanities ng Ateneo de Manila University, nagtuturo ng Panitikan, Malikhaing Pagsulat, at Pagsasaling Pampanitikan.

Mga Kaibigan

Buklatan

Teksbuking: Panunuring Pampanitikan (Teorya at Pagsasanay)

ni Michael M. Coroza

PANUNURING PAMPANITIKAN (TEORYA AT PAGSASANAY). Ni Patrocinio V. Villafuerte. Valenzuela City: Mutya Publishing House, 2000. 288 pahina.

Mula nang maging bahagi ng kurikulum ng Filipino sa kolehiyo at hay-iskul ang panunuring pampanitikan, malaking suliranin para sa mga guro ang paghanap ng mga sangguniang aklat. Marami sa mga awtoritatibong babasahin sa larang na ito ang nalathala sa mga akademikong dyornal na may limitadong sirkulasyon. Hindi naman abot-kaya at hindi malaganap na naipamamahagi sa buong kapuluan ang mga aklat na kung hindi banyagang publikasyon ay gawa ng mga limbagang pampamantasan.

Tumutugon sa ganitong pangangailangan ang aklat ni Patrocinio V. Villafuerte na nahahati sa siyam na yunit: 1) Kahulugan at Kahalagahan ng Sining, Panitikan at Panunuring Pampanitikan, 2) Mga Katangian ng Isang Mahusay na Kritiko sa Panitikan, 3) Mga Teoryang Pampanitikan, 4) Mga Batayang Simulain sa Panunuring Pampanitikan, 5) Mga Pamamaraan sa Pagsusuri ng Akdang Pampanitikan, 6) Mga Kritikong Pilipino sa Panitikang Pilipino, 7) Mga Kritikong Dayuhan sa Panitikang Banyaga, 8) Mga Halimbawa ng Panunuring Pampanitikan sa Ilang Piling Akdang Pampanitikan, 9) Mga Halimbawa ng Pagtatangka sa Pagsusuri sa Ilang Piling Akda. Mula rito, maipagpapalagay na masaklaw at malaman ang aklat na ito. Gayunman, sa sinumang bihasa sa pagbabasa ng mga aklat sa teorya at panunuring pampanitikan, hindi malilingid ang kanipisan o kakapusan ng aklat na ito.

Una, walang malinaw na sinasabi ang aklat tungkol sa kung ano ang teorya at panunuring pampanitikan. Ni hindi ito nagbibigay ng depenisyong may teoretikong batayan. Sapat nang ibinigay rito, ngunit hindi naipaliwanag, na isa itong “uri ng pagtalakay na nagbibigay-buhay at diwa sa isang nilikhang sining” (p. 5). Ikalawa, bagaman naisa-isa ang mga katangiang dapat taglayin ng isang kritiko, isa lamang sa anim na nabanggit ang maituturing na kritikal: “Ang kritiko ay matapat na kumikilala sa akda bilang isang akdang sumasailalim sa paraan ng pagbuo o konstruksiyon batay sa sinusunod na alituntunin o batas” (p. 9). Gayunman, hindi ipinaliliwanag kung paano ito. Para sa isang mag-aaral, halimbawa, mabigat na salita ang “konstruksiyon” lalo’t kung isasaalang-alang ang estrukturalista at post-estrukturalistang gamit o pagpapakahulugan dito.

Sa labintatlong pahina, mula 14 hanggang 26, isa-isang tinalakay ang mga itinuturing na teoryang pampanitikan ng awtor. Palaisipan para sa mambabasang ito kung sino o ano ang sanggunian ng awtor sa bahaging ito. Inihanay niya kasi bilang teorya ang klasismo, romantisismo, at realismo na sa katotohanan ay mga movement o kalakaran sa kasaysayang pampanitikan ng Kanluran. Ang humanismo, na inihanay rin bilang teorya, ay isang kalakarang intelektuwal na naging pangunahing tampok sa panahon ng Renacimiento sa Europa. Ang higit na kagulat-gulat ay ang ikli ng mga paliwanag na inilaan ng may-akda sa pagpapakilala ng mga teorya. Kamangha-manghang naipaliwanag sa labing-apat na pahina lamang ang diumano’y mga teoryang biyograpikal, historikal, klasismo, humanismo, romantisismo, realismo, pormalistiko, siko-analitiko, eksistensiyalismo, istrukturalismo, dekonstuksyon, at feminismo. Kakaiba ito sapagkat sa mga popular na panimulang aklat ng tulad ni Raman Selden tungkol sa teoryang pampanitikan, hindi bumababa sa dalawampung pahina ang inilalaan sa pagpapaliwanag sa isang teorya. Pansinin ang sumusunod na talata na siya nang kabuuang-paliwanag ni Villafuerte tungkol sa dekonstruksiyon (p. 24):

Kilala rin ang teoryang dekonstruksiyon sa tawag na post-istrukturalismo. Ayon sa pananaliksik ni Isagani Cruz, si Easthope ang nagsabing mabibigyang kahulugan ang teoryang ito sa lima: Una, ang natural na balatkayo ng realismo sa palabas ni Belsey; pangalawa, ang pagsasangkot ni Foucault ng diskurso sa bawat diskurso; pangatlo, ang pagpapakahulugan ni Williams sa panitikan; pang-apat, ang pagpapakita ng mga aporia at pagkakaiba-iba sa mga teksto ni Paul de Man; at panlima, ang di-pagtanggap sa mga baynari ni Derriada.

Sino sina Easthope, Belsey, Foucault, Williams, de Man, at Derrida? Mukhang hindi sila kilala at lalong hindi nabasa ng awtor ng aklat na ito. Hinango lamang niya marahil ang mga pangalang ito sa isang sanaysay ni Dr. Isagani Cruz, isa sa mga pangunahing manunulat at kritiko sa kasalukuyan at professor emeritus ng De La Salle University. Tinukoy man lamang sana ni Villafuerte ang pamagat ng nabasa niyang sanaysay ni Cruz. Sa wari, hindi siya maláy na ang depenisyon niya ng panitikan na: “isang matibay at panghabang panahong pagpapahayag ng mahalagang karanasan ng tao sa mga salitang mahusay pinili at isinaayos” (p.5) ay isang logosentrismo at kabuwag-buwag para sa isang kritikong mapagdesentro.

Tanging si Villafuerte ang nangahas magpaliwanag ng dekonstruksiyon sa isang talata. Hinggil dito, waring walang sinabi sa kaniya ang mga tulad nina Terry Eagleton, Jonathan Culler, at Raman Selden at maging ang mga lokal na kinikilalang guro at kritikong tulad nina Patricia Melendrez-Cruz, Soledad S. Reyes, at Rosario Torres Yu na nagsigawa ng mga sanaysay at aklat na komprehensibong panimula sa iba’t ibang teoryang pampanitikan, klasiko man o pangkasalukuyan.Isinaalang-alang man lamang sana niya na hindi maituturing na self-explanatory ang mga konseptong tulad ng diskurso, aporia, at binary. Wala ni anumang pagtatangka sa aklat niya na mabigyan ng kahulugan at maipaliwanag kung paano nagagamit sa kritisismo ang mga ito.

Sa sampung pahina, mula 39 hanggang 49, ipinakilala ni Villafuerte ang mga kritikong pampanitikan mula sa Filipinas at sa ibayong dagat. Nakapagtatakang napasama rito ang makatang si Lamberto Antonio gayong hindi tio kritiko. Lalo namang nakapagtataka na wala sa talaan si Bienvenido Lumbera na nanguna sa larang na ito noong dekada sisenta. Sa sampung inihanay na kritikong Filipino, sina Lope K. Santos, Alejandro G. Abadilla, Clodualdo del Mundo, Virgilio Almario, at Isagani Cruz lamang ang talagang may pinatunayan sa kasaysayan ng panitikan bilang kritiko. Subalit tingnan kung paano ipinakilala ang mga kritikong nabanggit sa mga sumusunod na sipi (p. 40-42):

Alejandro G. Abadilla

Tubong Rosario, Cavite, isinilang ni (sic) Alejandro G. Abadilla noong 1908. Nilisan ni Abadilla ang kanilang bayan noong 1927 para humanap ng magandang kapalaran sa America. Sa bansang ito lumakas ang kanyang paniniwala ukol sa kahalagahan ng pagsulat dahil nahirang siyang maging editor ng dahong Tagalog ng Philippine Digest at ng Philippine-American Review. Sa America rin siya nagtatag ng Kapisanang Balagtas.

Nagbalik sa Pilipinas si Abadilla noong 1928 st (sic) ipinalathala sa Taliba ang kanyang unang akda, “Telephonegram” na napili ng kritikong si Clodualdo del Mundo na pinakamagandang kwento ng buwang iyon. Naging kritiko siya ng mga akdang Pilipino noong 1932 sa pamamagitan ng kanyang Talaang Bughaw na buwanan at taunang pamimili ng pinakamahuhusay na akdang pampanitikan na nasa anyong patula at tuluyan. Sa mga unang taon ng kanyang panunuri ay binigyang-pansin niya ang balangkas at pamamaraan at hindi ang nilalaman ng akda. Ganito ang kanyang ipinahayag sa kanyang pamimili ng pinakamahuhusay na tula sa Talaang Ginto:

Sa loob ng panahong ito’y walang paksa ang tula kundi pag-ibig, hapis, nakayukayok na kalungkutan, na tila baga ang daigdig ng mga makata ay napipinto na sa di maiiwasang pagkagunaw. Kung minsan naman, sa sandaling umiba ng paksa’y wala namang gagawin kundi ang magsermon at magtalumpati, mga gawaing tiyak na di para sa kanila. Iyan ang dahilan ng kanyang pagkabigo at pagkasuyong maaga sa buwan-buwan at taun-taon niyang pamimili ng mga tula.

Kinilala ng panitikang Filipino ang kanyang mga aklat na Parnasong Tagalog at Tanagabadilla.

Virgilio S. Almario

Maituturing na isa sa pinakatanyag na kritiko ng panitikang Filipino si Virgilio S. Almario, na lalong kilala sa sagisag na Rio Alma ay lagi nang kasangkot sa pagbibigay-kulay sa panulaang Filipino.

Nagsimulang makilala bilang haligi ng kilusang Modernista ng mga kabataang makata noong kanyang panahon, sumibol ang kanyang mga aklat sa tula, Makinasyon Ilang Tula (1968) at Peregrinasyon at iba pang Tula (1970). Kinilala rin ang kanyang Ang Makata sa Panahon ng Makina (1972), Doktrinang Anakpawis (1979), Walong Dekadang Makabayang Tulang Filipino (1981), Balagtasismo Versus Modernismo (1984), atb.

Isagani R. Cruz

Isinilang sa Maynila at kasalukuyang nagtuturo sa De La Salle University, si Cruz ay kilalang mananalaysay at manunulat ng mga dula, at higit sa lahat, isang mapagkakatiwalaang kritiko ng panitikang Filipino.

Nagtapos ng bachelor’s degree in physics sa UP, master’s degree in English sa ADMU at doctorate in English sa University of Maryland, USA.

Dating kolumnista ng mahigit sa 20 pahayagan, sa kasalukuyan ay lingguhang sumusulat ng pitak si Cruz sa Philippine Star at Philippine Starweek.

Ang karamihan sa mga akdang napanalunan niya sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ay mga dula at mga sanaysay sa panunuring pampanitikan sa Filipino at Ingles.

Lope K. Santos

Makata, manunulat, mananalaysay at nobelista, tinaguriang Makata ng Puso at Ama ng Balarilang Tagalog si Santos na nagtapos sa Escuela de Derecho de Manila, Escuela Normal Superior de Maestros at sa Colegio Filipino.

Naging direktor ng Surian ng Wikang Pambansa, 1941-45, gobernador ng Rizal, 1910-1913; gobernador ng Nueva Viscaya, 1918-1920; at senador, 1921-1922.

Naisulat niya ang Balarila ng Wikang Pambansa na naging opisyal na batayang aklat sa Filipino. Ang karamihan sa kanyang mga akdang pampanitikan ay naipalathala sa Ang Kaliwanagan, Ang Kalapati ng Bayan, Muling Pagsilang, Ang Mithi, Watawat, Pagkakaisa, Mabuhay, atb.

Clodualdo del Mundo

Dating patnugot ng mga magasin sa Filipino at editorial director ng Liwayway Publishing, si Del Mundo ay may pitak ng Parolang Ginto. Sa bisa ng Parolang Ginto ay pumili si Del Mundo ng pinakamahuhusay na katha buwan-buwan at taun-taon.

Pangunahing kapansin-pansin sa mga pagpapakilalang ito ang mga mali at kulang-kulang na datos. Hindi 1908 ang taon ng kapanganakan ni Abadilla. Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino ang tunay na pamagat ng isa sa mga aklat ni Rio Alma. Ang Kapatid ng Bayan, hindi Ang Kalapati ng Bayan ang isa sa mga pahayagang pinaglathalaan ng mga akda ni Lope K. Santos. Pinakasalat ang impormasyong ibinigay tungkol kay Clodualdo del Mundo. Ni hindi nabanggit na ang nasabing kritiko ay manunulat din ng dulang pampelikula at siyang may-akda ng tanyag na Prinsipe Amante.

Gayunman, maitatanong kung ano ang mapapala ng mga mag-aaral sa ganito kasalat na impormasyon tungkol sa mga kritikong Pilipino. Ang totoo, hindi nabigyang-diin ang kanilang pagiging kritiko. Hindi naihanay at naipaliwanag ni Villafuerte kung ano ang mga posisyong kritikal na pinagmumulan ng mga nasabing kritiko. Halimbawa, hindi sapat na sinabi niyang sa simula ay binigyang-pansin ni Abadilla ang balangkas at pamamaraan at hindi ang nilalaman ng akda. Paano ito ginawa ni Abadilla? Ano-ano ang mga akdang sinuri niya sa ganitong paraan? Ano ang mga kongklusyong nalikha ni AGA alinsunod sa ganitong pamamaraan ng panunuri?

Sa mga banyagang kritiko, palaisipan kung bakit sina Aristotle, Plato, Socrates, at T.S. Eliot lamang ang kaniyang inihanay at tinangkang ipakilala. Muli, mauusisa kung ano ang punto ng kaniyang pagpapakilala. Tingnan ang buong pagtalakay niya tungkol kay Plato (p. 46):

Isinilang noong 428 B.C. sa Athens, Greece, si Plato ang itinuturing na pangalawang tungkong bato ng sinaunang Gresya, kabilang sina Aristotle at Socrates.

May tatlong kontribusyon si Plato sa panunuring pampanitikan: (1) ang anyo at suliranin ng sining, (2) ang inspirasyon ng makata, at (3) ang panulaan bilang tagapagturo ng kabutihan at katotohanan.

Ang itinatag na sistema ni Plato ay malawakang sistema ng piosopya (sic) na matibay ang etikal na pundasyon ng ideang eternal o pormang kumakatawan sa daigdig.

Itinatag ni Plato ang Akademya sa Athens bilang institusyon para sa pagkakamit ng sistematikong pilosopikal at syentipikong pananaliksik. Ang kanyang tanging pinag-aalinlangan ay ang bisang pangmoral sa sining.

Taliwas kay Aristotle, pinaniniwalaan ni Plato na ang tula ay isa lamang panggagagad ng kongkretong kalikasan. Bilang rasyonalista, pinaniniwalaan din ni Plato na “ang dahilan ay dapat sundin kahit saan manguna.”

Nakapaloob sa pilosopiya ni Plato ang etikang rasyonalistiko kayat di-katakatakang politikal ang kanyang pangunahing ambisyon. Dahil dito, ang pinakatanging pangyayaring naganap sa buhay ni Plato ay ang interbensyon sa politikang Syracusan.

Batay mismo sa kaniyang mga sinabi, ano ang anyo at suliranin ng sining para kay Plato? Mga paglalagom ng doktrina ni Plato ang kaniyang ibinigay. Wala siyang ginawang pagpapaliwanag at pamamaraan ng paglalapat. Ni hindi nabigyang-pansin ang teorya ni Plato tungkol sa “mimesis” na saligan ng mga sumunod pang teoryang pampanitikan hanggang sa kasalukuyan. At mananatiling palaisipan para sa mambabasa kung ano ang ibig sabihin ng “ang dahilan ay dapat sundin kahit saan manguna.” Mukhang hindi tumpak na salin lamang ito mula sa Ingles ng isa sa mga paglalagom tungkol sa pilosopiya ni Plato. Kung rasyonalista si Plato, pangunahing dapat nilinaw ni Villafuerte kung ano ang pagiging rasyonalista.

Sa mahigit dalawandaang pahina, mula 50 hanggang 268, tinipon at itinanghal ni Villafuerte bilang mga halimbawa o huwaran ng panunuring pampanitikan ang sarili niyang mga sanaysay na nagkamit ng gantimpala sa Gawad Surian sa Pagsusulat ng Panunuring Pampanitikan ng Komisyon sa Wikang Filipino. Karapatan niya ito at hindi maipagkakaila ang karangalang tinamo ng nasabing mga akda. Ngunit kung ang layunin ng aklat ay ang maipakilala sa mga mambabasa ang saklaw, pamamaraan, at kasaysayan ng panunuring pampanitikan sa Filipinas, hindi dapat ang mga akda lamang niya ang mabasa ng mga mag-aaral. Hindi naman niya marahil ibig ipakilala ang sarili bilang nag-iisa’t bukod-tanging kritikong pampanitikan sa Filipinas. Umiwas lamang sigurong magbayad ng royalty ang kaniyang tagapaglathala sa mga iginagalang na kritikong tulad nina Bienvenido Lumbera, Virgilio Almario, Isagani Cruz, Soledad Reyes, at iba pa. Gayunman, kung papansinin ang labing-isang pahinang curriculum vitae niya sa pahina 279 hanggang 288 at sa likod ng pangharap at panlikod na pabalat ng aklat, at kung ihahambing ito sa halos aanim na pahinang inilaan niya sa pagpapakilala sa mga Filipino at banyagang kritiko, tila nga ibig niyang igiit na higit siyang may nagawa sa larang ng kritisismong pampanitikan sa Filipinas at sa daigdig.

Nagtatapos ang bawat yunit ng aklat sa isang pagsasanay. Tingnan bilang halimbawa ang panghuling pagsasanay sa pahina 264:

Basahin ang tula. Suriin ito ayon sa sumusunod na bahagi at elemento sa tulong ng mga halimbawa.

I. Panimula

A. Kahulugan ng tula
B. Uri ng tula
C. Kahalagahan ng tula

II. Katawan

A. Pamagat ng tula
B. Uri
C. Persona
D. Imahen
E. Tayutay
F. Bisa sa isip, asal at damdamin
G. Kaisipan

III. Pangwakas

Mahahalagang dahilan kung bakit hinangaan ang tula.
Rekomendasyon para basahin ng iba.

Sa pagsasanay na ito, ang tulang ipinasusuri ay ang tulang “Maguindanao: Huling Pebrero ng Nagbabagang Alingawngaw” na sinulat mismo ni Villafuerte.

Maraming guro ng panitikan ang gumagamit sa aklat na ito. Marahil ito ang sangguniang aklat ng mga mag-aaral na kumukuha ng kursong BS Education at major ng Filipino sa kolehiyong pinagtuturuan niya. Sa isang seminar sa Baguio ng mga tagapangasiwa ng asignaturang Filipino sa buong kapuluan, mabentang-mabenta ang aklat na ito. Sa isang klase sa gradwadong paaralan ng mambabasang ito, isang estudyanteng nagtuturo sa isang pribadong hay-iskul ang nagtanong kung puwedeng gamitin ang aklat na ito bilang sanggunian sa pag-aaral ng teoryang pampanitikan. Isang mariing “hindi” ang naging tugon.

Inaanyayahan ng mambabasang ito ang sinuman na hanapin at basahin ang aklat na sinuri dito upang matuklasang hindi isang paninira ang panunuring ito. Kailangan lamang ang mga ganitong pagpuna upang mabunyag ang mga depekto ng mga aklat na hindi dahil sa bigat ng nilalaman tinatangkilik kundi dahil sa haba ng curriculum vitae na ipinangangalandakan ng awtor. Indikasyon ang paglabas at popularidad ng ganitong aklat ng marawal na kalagayan ng sistema ng edukasyon sa Filipinas.

MICHAEL M. COROZA
Kagawaran ng Filipino
Pamantasang Ateneo de Manila