Sulyap sa Tula ng Ilang Makatang LIRA
ni Romulo P. Baquiran, Jr.
Naitatag ang Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) noong Disyembre 15, 1985 ng mga nagsipagtapos sa unang Rio Alma Poetry Clinic na sinimulan nang Abril ng taong iyon. Layunin ng LIRA na ipakilala sa mga kabataang makata sa Filipino ang pag-aaral at pagsulat ng tula sa pamamaraang katutubo at tradisyonal, bukod pa sa masugid na pag-alam sa mga pamamaraan at estilo mula mga akda ng panitikang pandaigdig.
Upang maparami ang dami ng mambabasa ng tula, nagtatanghal ang pangkat ng mga pagbasa ng tula. Ginanap ang isang pagbasa ng mga makatang-LIRA para sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12, 1989 sa Red Rocks Café, Daang Timog, Lungsod Quezon. Nagbasa ng kani-kanilang tula ang mga kabataang makata katulong ang performance artist na si Rica Concepcion. Dito unang ipinakita ni V.E. Carmelo D. Nadera, Jr. ang potensiyal ng performance art para sa pagsusulong ng tula sa Filipino. Binasa niya ang kaniyang tula habang hinahagisan ng pira-pirasong siopao ang mga manonood at pagkaraa’y pinalibutan sila ng iniladlad na rolyo ng bathroom tissue.
Sang-ayon kay Nadera, hinahamon niya ang manonood na pag-isipan ang ugnayan ng tula, pagtatanghal, at ang kasalukuyang sitwasyon sa lipunan.i Noong 1990, sa paglulunsad ng Parikala, nagkunwa namang OFW si Nadera. Pumasok siya sa tanghalan na may dalang bagahe mula sa Iraq. Isa-isa niyang inilapag ang mga personal na gamit palibot sa kaniya habang nagmomonologo hinggil sa buhay-manggagawa. Kasabay nito ang paisa-isang pag-aalis ni Nadera ng suson-susong suot na T-shirt. Bawat pag-aalis ay mayroong pakahulugang ibinubunyag. Pinakahuli ang T-shirt may naghuhumiyaw na dahilan ng pag-uwi ng OFW na naunsiyami ang misyong kumita pa ng dolyar: Saddam.
Nang pumasok ang dekada nobenta, nagsimulang higit na magkaroon ng tiwala sa sarili ang bagong henerasyon ng mga makata. Nagsimula silang humanap ng mga naiibang paraan at bagong paksa sa pagtula na maituturing na sangay pa rin ng daloy ng Modernismo sa panulaang Filipino. Kabilang sa mga makatang ito sina V.E. Carmelo D. Nadera, Jr. Ariel Dim. Borlongan, Joi Barrios, Jovy Zarate, Dyamante Lopez (Jim Libran), Roberto T. Añonuevo, Rebecca T. Añonuevo, Nicolas B. Pichay, Ariel N. Valerio, at iba pa. Karamihan sa kanila ay dumaan sa mga palihan ng UP at Silliman, at kasapi ng mga samahang pangmanunulat. Marami sa kanila ang sadyang nag-aral ng kurso sa malikhaing pagsulat o kaugnay na kurso sa panitikan. Ang karamiha’y masugid sa pagsubaybay sa mga tunguhin ng pandaigdigang panitikan.
Isang litaw na katangian ng henerasyong ito ang hindi mahigpit na impluwensiya ng aktibistang pagsulat (maliban lamang sa mga taga-UP) bagama’t marami pa rin ang naaakit na dumako at pumaksa dito. Hindi nila nasaksihan ang mapaglawag na karanasan ng aktibismo ng dekada sitenta gayong nalaman nila ang konsepto nito sa mga salaysay at pagbabasa ng panitikan at pagsusuri tungkol sa panahon ng aktibismo. Sa ganitong pagpapalagay, hindi natatakdaan ng pagsasalang-alang na pang-aktibista ang ilan sa mga makata na kabilang sa henerasyong ito.
Isang matingkad na halimbawa at kinatawan si V.E. Carmelo D. Nadera, Jr. Maaaring sabihin ng may karanasan sa aktibismo o underground movement na walang oryentasyong pampolitika si Nadera ngunit maaaring ito rin ang kaniyang birtud. Malaya niyang mapapalaot ang kaniyang imahinasyon. Ganito nga ang ginagawa ni Nadera sa kaniyang pag-akda. May nilulusaw na mga hanggahan si Nadera. Tingnan ang bahagi ng kaniyang tula:
NANG SABIHIN NI JOHN CAGE NA WALA SIYANG SASABIHIN AT SINABI NIYA IYON (AT YAON ANIYA ANG PANULAAN) NA
NAPAKINGGAN NAMAN NI EDWIN MORGANG NARINIG KO—Sa tinudla ko, talinghaga at tula ang tumama.
Sa tumama, tula sa talinghaga ko ang tinudla.
Sa talinghaga, tula ko ang tinudla at tumama.
Sa tula, tinudla at tumama ang talinghaga ko.
At tumama ang tula sa tinudla ko, talinghaga.
At sa tinudla ko tumama ang talinghaga, tula.
At sa tumama ang tula ko tinudla, talinghaga.
At tinudla ang talinghaga ko sa tumama, tula.
Ang tinudla ko, sa tula at talinghaga tumama.
Ang tula ko, tinudla at tumama sa talinghaga.ii
Binabanat nang husto ni Nadera ang kakayahan ng wika. Inspirasyon niya—ngunit hindi iginalang—ang “Ako Ang Daigdig” ni Alejandro G. Abadilla at pinaglabo-labo ang anaphora mula sa klasikong retorika. Pinaglaruan niya ang gramatika sa loob ng tulang may 80 taludtod o pangungusap na pinagbali-baligtad ang simuno, panaguri, pandiwa, pangngalan, at iba pang elementong pangwika. Tila ba nasa isang klase sa wikang Filipino ang persona (maaaring si Nadera) kung saan inatasan siya ng guro (ang Establisimyento) na gumawa ng isang halimbawang pangungusap. Ngunit tila sinusian ang persona upang lumikha ng walang patumanggang varyasyon ng “Sa tinudla ko, talinghaga at tula ang tumama.” May postmodernistang hibo ang tula, isinawika mismo ng makata ang walang katiyakan ng wika, ang paghatak ng wika sa iba pang bahagi nito upang maitanghal ang pagiging napakasalimuot na sistema at estruktura ng pagpapakahulugang walang tiyak at tila walang hanggan ang patutunguhan. Ang pagiging mapaglaro at malikot ang isip ng makata ay naipapahayag bilang bagong paraan ng pagtula sa Filipino.
Isa pang kontribusyon ni Nadera ang performance art para sa tula. Itinuturing ito ni Bienvenido Lumbera bilang paglikhang-muli ng akademya ng kaniyang sarili:
Nadera Jr. has made Filipino poetry in our time a “performance,” harking back to earlier times when there was nothing standing between poetry and the audience but the poet’s living, breathing presence. Nadera, Jr.’s ironic, often sardonic performance throw all academic caution to the winds to establish rapport with the audience through various non-literarry devices such as rapping, costuming, incantation, and buffoonery. All this makes for the “popularization” of af an art form that academics, by their grave pronouncements and consecratory practices, have elevated to “high art.”iii
Ngunit hindi naman nawawala ang tendensiyang paloob o mapaglimi sa panulaang Filipino. Nasa pasiya ng manunulat na gamitin ang pagkamatimpi at palihis na pagtutuon sa mga usaping ibinabahagi sa mambabasa. Maraming paraan ng pagdulog sa paksa upang maipakita ang naiibang sipat sa realidad. Hindi lamang ang nagpupuyos na panawagan ang magagamit upang mapukaw ang diwa ng mambabasa. Sa panukala ni V. S. Almario, mainam kung paghirapang hanapin ng makata ang “parikala” sa mga penomenon sa kaniyang kaligiran na nais niyang isatula.iv Ibinigay niyang isa sa mga halimbawa ang tula ni Michael M. Coroza na pinamagatang “Putol:”
Putol May kanang paang putol sa tambakan ng basura. Naka-Nike. Dinampot ng basurero. Kumatas ang dugo. Umiling-iling ang basurero’t bumulong, “Sayang, wala na namang kapares.”v
Hindi narimarim o naghinagpis ang basurero sa natagpuang bahagi ng katawan ng tao at tila nag-uulat lamang ang persona sa nasaksihang pangyayari. May komentaryo ang tula sa narating na pagkamanhid ng Filipino dahil sa araw-araw na pagkahantad sa walang-pusong karahasan. Emblematikong tauhan ng nakararaming maralitang tagalungsod ang basurero na hindi nililingap ng lipunan kaya sa tambakan naninirahan at kumukuha ng ikabubuhay. Sa sitwasyon ng pinakadulong pook ng kahirapan, nawawala ang makataong bahagi ng tao sapagkat ang pagtugon sa pinakabatayang pangangailangan ang gumigiit sa kamalayan ng tao. Ang mailalagay lamang sa sikmura ang palagiang pinagkakaabalahan ng basurero at walang panahon sa pagdidili-dili sa kalagayang pantao. Kaya nga ba nang makatagpo ito ng putol na paa, hindi ang karima-rimarim na krimen ang rumehistro sa isip nito kundi ang pagkakataong makapagsuot ng sapatos na Nike. Humantong sa pinakamababang antas ng kondisyon ng tao ang tagpong itinatanghal sa “Putol.” Ang higit pang nakapagpapalubha rito ang malinaw na pahiwatig na hindi pambihirang pangyayari iyon sa tambakan kung hindi karaniwan na lamang. Ang pagkapulot ng mga bahagi ng katawan ng tao na nagmula sa labas ng tambakan—sa mas malawak na lipunan—ay indikasyon ng pagsadsad ng konsepto ng moralidad at paggalang sa buhay ng tao sa kasalukuyan. Sa tula, “ang sindak..ay dumating nang higit na nakagigitla sa kabila ng matipid at mahinahong paglalahad.” Maidaragdag ang paliwanag ni V. S. Almario hinggil sa parikalang taglay ng tula gaya ng “Putol”:
May layuning moral ang parikala.Tumitindi ito habang sinisipat ang isang pangyayari o sitwasyon sang-ayon sa inaakalang dapat at di-dapat ngunit sa paraang sumisilay ang dapat mula sa ganap na paggagagap sa operasyong di dapat. Higit na matingkad ito kapag hindi tahas na nangangaral at sa halip ay bumubukad na pasakali at parang di-inaasahang bitag sa dulo ng pahayag.vi
Isa si Nicolas B. Pichay sa mga makatang sumulat ng mga paksa hinggil sa buhay at karanasan ng mga bakla. Ang kaniyang libro—Ang Lunes na Mahirap Bunuin (1993)—ay walang pangingiming nagbulalas ng mga pananaw-sa-daigdig ng Filipinong bakla na kabilang sa uring burges. Hindi lamang sex ang nais iladlad ng baklang makata sa kaniyang mga tula kundi hangad ding ipakita at ipaunaa sa iba ang kaibuturan ng kaniyang pagkatao. Kung minsa’y sumasamo o magiting na nanghihikayat sa mambabasa (tulad sa kaniyang “Maselang Bagay Ang Sumuso ng Burat”) ang makata upang kilalanin ang pag-iral ng bakla at hindi nararapat maliitin o isantabi ng lipunan. Narito ang halimbawang teksto ng tulang pambakla:
Tatlong Sitsit ng Tikbalang
III.
Dinuduro ako ng tikbalang
kapag Pasko at maanghang ang pulutan.
Sumisigkal siya sa
simbang gabi, inuulit
na parang haplit:
“Walang babanal pa kaysa sa
pagpapalaganap ng pamilya,”
ang sabi ng solterong pari.
Pinapapawis ko ang serbesang ininom
sa mga kumustahang iniangkop sa panahon.
Darating ang mga apo,
hahanga ang lahat sa pagkaluto
ng galantina at morkon.
Magdadaop na parang dasal
ang dalawang kamay ng orasan.
Ang pamangkin na kahapon lamang
humihingi ng laruan ay
ngayon nagpapakilala na
ng minatamis niya sa prom.vii
Ang tikbalang ay simbolo ng pagkatiwalag ng bakla sa heterosexual na daigdig na lalong naididiin sa mga panahong kailangan niyang makihalubilo sa pamilya. Laging asiwa ang pakiramdam ng personang bakla sapagkat hinihiling ng kaligiran na siya’y maging lalaki tulad ng matutunghayan sa kaniyang panlabas na anyo. Ngunit sa isang pagtingin, magiting ang persona sapagkat hindi niya isusuko ang sarili sa kabila ng presyon ng pamilya at lipunan.
__________________________________
iPanayam. Lungsod Quezon. 21 Mayo 2003
iiV. E. Carmelo D. Nadera, Jr. Alit, Dalit, Galit, Halit, Malit, Ngalit, Palit, Salit. Pasig City: Anvil Publishing, 1993. p. 70.
iiiBienvenido Lumbera, “Young Writing and the Subversion of the Academe,” in Lectern I:10. Iligan City: MSU-Iligan Institute of Technology, October 1994. mp. 5-6.
ivAlmario, Parikala (1990), p. 9-20.
vMichael M. Coroza, ibid., p. 65.
viibid., p. 15.
viiNicolas Pichay, ibid. p. 170.

