Panitikang Walang Lipunan
(Pananalita sa forum na Why I Write ng NBDB sa Heritage Library, 23 Abril 2008)
ni Virgilio S. Almario
WHY I WRITE? Ang sagot kong lagi noon: Ito lang ang káya kong gawin nang mahusay. Ang ibig sabihin, hindi ko káyang maging matagumpay na abogado, gaya ng gusto ng Tatay ko. Napakabobo ko sa matematika kayâ hindi ako puwedeng negosyante, at lalo na’y maging accountant o siyentista. Maagang lumabo ang matá ko at kayâ imposible akong maging matinik na drayber o pulis. Bahagi rin ng luma kong sagot ang paniwala na isang trabaho ang pagiging manunulat, at tulad ng ibang trabaho ay isang trabahong puwedeng pagkakitahan kung mahusay ka. Ngunit paano kung gusto mong maging manunulat at hindi ka mahusay na manunulat? Sapagkat ang totoo, ilan ba namang nangangarap maging manunulat ang maaaring magtagumpay at tulad ko’y maging National Artist? Sapagkat ang totoo rin, kahit na napakalaki ng talino mo nang isilang upang maging manunulat, kailangan mo dito sa Filipinas ang ibang trabaho para mabúhay at patuloy na maging manunulat.
Why I write? Ang isasagot ko ngayon: Dahil mamamatay ako kapag hindi nakapagsulát. Ang ibig sabihin, anuman ang gawin ko para mabúhay—magbili man ako ng puri o kidney, magtuta man ako o magtoro—higit kong ituturing na kaligayahan ang pagkakataong humawak ng bolpen o humarap sa makinilya o computer at bumuo ng ilang taludtod o ilang talata. Ang ibig ding sabihin, suwertihin man ako at humawak ng malaking kayamanan o kapangyarihan, higit kong ituturing na malaking kapalaran ang pagsulat ng tula sa pagitan ng pagsulat ng order at memo, pagpirma ng letter of credit at sari-saring kontrata.
Iyon ang ginawa ko magmula noong sabihin ko sa sarili na gusto kong maging makata. Araw-araw, kahit ano ang aking ginagawa at kahit wala akong naiisip sulatin, tumititig ako sa kawalan upang sumulat. Ginagawa ko iyon isang oras araw-araw. Tumitigil ako at bumabalik sa ating mundo kapag walang pumasok na dapat sulatin pagkatapos ng isang oras. Ngunit nagiging dalawa, tatlo, o kahit magdamag ang isang oras kapag dinalaw ako ng anumang kapana-panabik. Ang ugaling ito ang sekreto ng sinasabing pagiging prolipiko ko. Ang dami-dami kong nasulat! Ang dami-dami ring basura kong naipon!!!
Napagkatandaan ko na ang ugaling ito. Patuloy akong naglalaan ng panahon araw-araw para humawak ng bolpen o humarap sa computer. At kayâ, mamamatay ako kapag hindi nakapagsulát.
Sa UE (University of the East) ko nabuo ang pasiyang maging makata noong 1963. Tapos na ako noon ng AB Political Science sa UP at sinayang ang apat na taon na pasulat-sulat lamang ng love poems para sa mga babaeng magustuhan ko at para sa mga babaeng nililigawan ng ilang kaibigan ko. Ngunit nararamdaman ko na noong batà pa ako na napakatindi ng hilig ko sa pagtula. Lagi ako sa mga lamayan kapag may patay sa aming baryo dahil nakikinig ako sa mga berso ng mga naglalaro ng bulaklakan at huwego de prenda, at minimemorya ko ang mga bersong ito nang hindi alam kung bakit. Noong pumutok ang rebelyong Hukbalahap, isang Kapampangang Huk ang tinubos ng Tatay ko sa kampo ng Nenita Unit at naging katulong namin sa bukid. Anung laking tuwa ko nang malaman kong isa siyang makata. Nakita ko siyang maghari sa huwego de prenda at dupluhan, at inisip kong bantayan siya sa bukid upang magpaturo sa kaniya ng pagberso. Siya ang una kong maestro sa paggawa ng tugma at sukat.
Grade III yata ako nang mamatay ang isang sikat na makatang-bayan sa aming nayon. Sa búrol ng makata, nagkaroon ng isang malaking duplo at dinayo ng mga batikang duplero mula sa mga karatig bayan ng Bulacan at Nueva Ecija. Pinanood ko ang duplo na tumagal hanggang madaling-araw kinabukasan. Isa iyon sa hindi ko malilimutang karanasan. Hanggang ngayon, nakikita ko pa ang mga makata, matatandang makata, nakabarong tagalog o kamisadentro, kumikintab sa pomada ang kalbuhing ulo, magigilas ang tindig, at namumulaklak sa taludtod ang bibig pagtindig. Kay hahaba ng mga saulado nilang argumentasyong nasa tugma’t sukat! Pinanood ko ang duplong iyon nang nakamulagat ang matá hanggang wakas.
Kinabukasan ng gabi, nalaman ko kay Inay na hinanap ako ni Tatay nang matuklasan niláng wala ako sa bahay. May nagbalitang kapitbahay na nakita ako sa búrol. Malayò sa amin ang bahay ng namatay. Ginaygay ni Tatay ang kalsada kasáma ang dalawa kong pinsan. Isa sa kanila ang nakasulyap sa aking nakahiga, tulóg na tulóg, sa malalim na rampa. Doon ako inabot ng matinding pagod at antok pagkatapos ng magdamag na panonood ng duplo. Noon pa, nakahanda na akong matulog sa damuhan at hamog para sa tula.
Hindi naintindihan ng Tatay ko ang aking hilig kayâ pinilit niya akong mag-abogado. Hindi naiintindihan hanggang ngayon ng mundo, lalo na ng lipunang Filipino, ang problema ng makatang tulad ko. Hindi tulad noong araw na matalik na salik ng sinaunang lipunan ang makata. Hawak ng makata ang memorya ng kaniyang lipi. Siya ang tampok na tagabigkas ng kanilang alamat at kasaysayan sa mga pagdiriwang; siya ang babaylang kinakausap ng mga bathala; siya ang mambunong na gumagamot sa pinsala’t karamdaman. Siya ang diwa’t kaluluwa ng bayan hanggang dumating ang mga mananakop na Europeo’t Kristiyano. Isa rin marahil makata si Bangkaw, ang babaylang humawak ng kampilan laban sa mga mananakop. Tinutulan niya ang bagong relihiyon. Kahit sinasabi ng mga misyonero na inililigtas nila ang bayan sa “bagyo’t dilim,” alam ni Bangkaw na papatayin ng binyag at kaluluwang Kristiyano ang katutubong kaluluwa.
Tatlong dantaong nawala, naligaw, at nalubog sa bagong kabihasnan ang kaluluwang Filipino. Tatlong dantaong nawalay at nagumon sa búhay ng mga santo’t prinsipe ang makatang Filipino. At isang bayang madaling pagsamantalahan ang isang bayang walang sariling kaluluwa. Kayâ nitong gumigitna ang ika-19 siglo ay isang makata ang naghimutok na:
Sa loob at labas ng bayan kong sawi
Kaliluha’y siyang nangyayaring hari,
Kagalinga’t bait ay nalulugami
Ininis sa hukay ng dusa’t pighati.
kasabay ng kaniyang pananaginip sa kaniyang Celia ng Beata’t Hilom at mga awit ng sinaunang mga nimpa’t sirena sa Lawa ng Bai. Ibig niyang ibalik ang haraya sa sariling bayan. Pipintig din ang damdaming ito sa isang biyaherong ilustrado nitong ikalawang hati ng ika-19 siglo. Ihahambing niya ang sarili sa isang dahong tuyo na tinatangay-tangay ng hangin at dinadahas-dahas ng ulan:
Hoja seca que vuela indecisa
Y arrebata violento turbión,
Asi vive en la tierra el viajero,
Sin norte, sin alma, sin patria ni amor.
At itataghoy niya ang malubhang pangyayari na tila siya “Extranjero en tu propio pais.” Isang dayuhan sa sariling bayan. Sa ganito inihasik nina Balagtas at Rizal ang binhi ng himagsik sa loob ng lipunang kolonyal. Gigisingin nito ang dibdib ng isa pang makata ng rebolusyon, si Andres Bonifacio, at bibigyan niya ito ng pangalang “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan”—ang pag-ibig na pinakadalisay at pinakadakila, at ang mahiwagang pag-ibig na makapagbabalik sa katutubong dangal ng mga sakop na Filipino:
Banal na pag-ibig! Pag ikaw ang nukal
Sa tapat na puso ng sino’t alinman,
Imbi’t taong-gubat, maralita’t mangmang,
Nagiging dakila at iginagalang.
Bago matapos ang siglong iyon ay pinasiklab ng “pag-ibig sa tinubuang bayan” ang Himagsikang Filipino laban sa mga Espanyol. Sina Rizal, Bonifacio, Plaridel, Jacinto, Jomapa, Antonio Luna, Mariano Ponce, Fernando Ma. Guerrero, Cecilio Apostol, Simeon Ola, Macario Sakay, Aurelio Tolentino, Tomas Remigio, Isabelo de los Reyes, isang henerasyon silang binaliw ng matinding “pag-ibig sa tinubuang bayan.” Namatay silang nasa mga labì ang dakilang halik ng “pag-ibig sa tinubuang bayan.” Mabilis na sumunod sa kanilang hanay ang isa pang henerasyong binaliw din ng taimtim na “pag-ibig sa tinubuang bayan” sa ilalim ng bagong mananakop na Amerikano: Lope K. Santos, Benigno R. Ramos, Julian Cruz Balmaseda, Iñigo Ed. Regalado, Jesus Balmori, Jose Corazon de Jesus, Cirio H. Panganiban, Zoilo Hilario, Leon Pichay, Iluminado Lucente, Amando Osorio. Hindi sila ganap na masilaw sa makabagong edukasyon at teknolohiyang hatid ng Amerikanisasyon, hindi nila matanggap ang pananaig muli ng mga dayuhang mananakop, kayâ hanggang noong 1929 ay inihimig ni Batute sa kundiman ang pangunahing mithi ng sambayanan:
Filipinas kong minumutya,
Pugad ng luha ko’t dalita,
Aking adhika:
Makita kang sakdal laya!
Hindi tumagal ang diwa ng Himagsikang Filipino sa malakas na kampanya ng Amerikanisasyon. Bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lubos nang niyakap ng mga bagong politiko’t edukado sa Ingles ang kapangyarihan ng Estados Unidos. Pagkatapos ng maikling pananakop ng mga Hapones, bumalik ang mga Amerikanong tila mga tagapagligtas at pinaglaruan ng kapalaran ng bayang sinalanta ng digma.
Pangarap ng tula, wika ni Rimbaud, na baguhin ang búhay. Lalo na marahil kapag malinaw na hindi katugma ng pangarap ng tula ang nagaganap na pagbabago sa búhay ng tao at lipunan. Mabilis at maraming nangyaring pagbabago sa lipunang Filipino nitong ika-20 siglo, higit na mabilis at marami kaysa alinmang siglo sa ating kasaysayan, ngunit mga pagbabago itong lihis sa bisyon ng mga nagdaang makata ng Himagsikang Filipino. Lubhang ikinabagabag ito ng mga makata ng nagdaang siglo at patuloy na ikinababagabag ng mga makata sa kasalukuyan. Hinahati ng bagabag ang kanilang puso tungo sa iba’t ibang paraan ng himagsik at pagtatakwil sa umiiral na mga katiwalian. Hindi lahat sa kanila’y literal na kumakapit sa patalim o nagsusunog ng sarili. Hindi lahat sa kanila’y natututong humawak ng armas, magtanim ng bomba, at maging terorista. Ngunit kahit ang pahayag ni Alejandro G. Abadilla bilang nagsasarili’t nag-iisang katauhan:
ako
ang daigdig
ng tula
ang tula
ng daigdigako
ang walang maliw na ako
ang walang kamatayang ako
ang tula ng daigdig
ay hindi manipesto lamang ng pagsamba sa sarili. Isang paraan din ito ng pagtatakwil sa mga nagisnan ngunit hindi niya masikmurang kalagayan ng karaniwang tao sa lipunang Filipino. Tulad ng mga makatang Modernista sa Kanluran, kailangan niyang talikuran ang kongkreto’t Kapitalistang lungsod. Ngunit bilang makatang Filipino, kailangan din niyang ibantayog ang “malayang damdamin” na naghahanap ng ibang pagbabago para sa kapuwa Filipino. Ang nakaraang siglo ay isang siglo ng pagkabigo, magmula sa pagkabigo ng pangarap na Kalayaan ng Himagsikang Filipino hanggang sa pagkabigo sa sarili nga ngunit mapagsamantalang pamahalaan, pagkabigo sa pag-iral ng katarungan, ultimong sa pagkabigong magkaroon ng disenteng pamumuhay, malinis na tubig, sapat na pagkain. Waring lalong lumulubog sa kumunoy ang ating dangal samantalang nagsisikap tayong maging moderno at makasunod sa uso. Kayâ namamayani din sa pagtula ang mga tanaga’t epiko ng pagtatakwil. Sari-saring pagtatakwil sa ating lipunan. At hinding-hindi maiintindihan ng ating lipunan ang gawaing ito ng makata.
Why I write? Dahil ayaw kong maging isang produkto lamang mula sa pambansang pabrika ng edukasyon o maging tornilyo, palaisip nga, kapaki-pakinabang ngunit walang damdaming instrumento sa makina ng negosyo, o maging artipisyal na ngiti sa mga siksikang lansangan at mariwasang bulwagan. Dahil nais kong maging gunita, tuklasin ang nakapiit o nakatagong kaluluwa ng bayan, at dulutan ng bago’t marangal na pangarap ang tao—yaong uri ng pangarap na walang simbahan, wala pang korporasyong nagbebenta, at walang lipunan kungdi ang pag-asa sa hinaharap. At magsusulat ako kahit hindi ninyo ako maintindihan. O magsusulat ako hanggang hindi ninyo ako naiintindihan.
Ferndale Homes
16 Abril 2008

