BUL-OL: Bulawan Online

Oktubre 2008

Isyu Blg. 3, Tomo 1

Mga Kaibigan

Buklatan

Bulawan Online Hunyo 2008

ISYU BLG. 1, TOMO 1. Ipinagmamalaking ilathala ng Bulawan Online sa isyung ito ang katangi-tanging mga akdang pampanitikan sa mga buwan ng Hunyo-Hulyo 2008.

Mga sipi mula sa mga akda:

Disenyo at Laláng ng Tagapamagitan bilang Talinghaga, pagbása ni Roberto T. Añonuevo sa tula ni Nikka Osorio:

Walang pasiklab o paputok ang tula ngunit matipid, maparikala, at mapagpatawa. Idinaan ng makata sa madulaing paraan ang kaniyang paglalarawan sa buong ritwal ng “pag-aanito” at sa resulta nito. Bagaman modernisado ang ritwal ay nananatili ang esensiya ng sinaunang ritwal ng psikikong tagapamagitan: ang amuin ang maykapal na pinaniniwalaang makapagpapabago ng takbo ng buhay ng tao.

Diyalohikong Agos sa “Sirang Fountain”, pagbása ni Roberto T. Añonuevo sa tula ni Ronald A. Atilano:

Pauyam at nababahiran ng parikala ang pangwakas na tanong sa tula, kung uuriin ang personang naghain ng tanong. Ang persona ay mahihinuhang hindi karaniwang mamamayan, bagkus nakatataas sa aspektong intelektuwal, kung hindi man sa aspektong panlipunan at pang-ekonomya, kung ihahambing sa mga nanggigitatang mamamayan na kaniyang tinukoy sa tula.

Sulyap sa Tula ng Ilang Makatang LIRA, pagsusuri ni Romulo P. Baquiran, Jr.:

Isang litaw na katangian ng henerasyong ito ang hindi mahigpit na impluwensiya ng aktibistang pagsulat (maliban lamang sa mga taga-UP) bagama’t marami pa rin ang naaakit na dumako at pumaksa dito. Hindi nila nasaksihan ang mapaglawag na karanasan ng aktibismo ng dekada sitenta gayong nalaman nila ang konsepto nito sa mga salaysay at pagbabasa ng panitikan at pagsusuri tungkol sa panahon ng aktibismo. Sa ganitong pagpapalagay, hindi natatakdaan ng pagsasalang-alang na pang-aktibista ang ilan sa mga makata na kabilang sa henerasyong ito.

Teksbuking: Panunuring Pampanitikan (Teorya at Pagsasanay), pagsusuri ni Michael M. Coroza:

Maraming guro ng panitikan ang gumagamit sa aklat na ito. Marahil ito ang sangguniang aklat ng mga mag-aaral na kumukuha ng kursong BS Education at major ng Filipino sa kolehiyong pinagtuturuan niya. Sa isang seminar sa Baguio ng mga tagapangasiwa ng asignaturang Filipino sa buong kapuluan, mabentang-mabenta ang aklat na ito. Sa isang klase sa gradwadong paaralan ng mambabasang ito, isang estudyanteng nagtuturo sa isang pribadong hay-iskul ang nagtanong kung puwedeng gamitin ang aklat na ito bilang sanggunian sa pag-aaral ng teoryang pampanitikan. Isang mariing “hindi” ang naging tugon.

Panitikang Walang Lipunan, panayam ni Virgilio S. Almario:

Why I write? Ang isasagot ko ngayon: Dahil mamamatay ako kapag hindi nakapagsulát. Ang ibig sabihin, anuman ang gawin ko para mabúhay—magbili man ako ng puri o kidney, magtuta man ako o magtoro—higit kong ituturing na kaligayahan ang pagkakataong humawak ng bolpen o humarap sa makinilya o computer at bumuo ng ilang taludtod o ilang talata. Ang ibig ding sabihin, suwertihin man ako at humawak ng malaking kayamanan o kapangyarihan, higit kong ituturing na malaking kapalaran ang pagsulat ng tula sa pagitan ng pagsulat ng order at memo, pagpirma ng letter of credit at sari-saring kontrata.